GINUHO ng EcoOil-DLSU Green Archers ang puwersa ng Adalem Construction-St. Clare, 89-74, sa kanilang unang paghaharap sa semifinals ng PBA D-League Aspirants’ Cup, Agosto 12, sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpasiklab si Gilas forward Kevin Quiambao upang pangunahan ang kampanya ng Green Archers nang nakapagtala ng 18 puntos at anim na rebound. Kaagapay naman niya sa pag-ariba si Schonny Winston na nakapag-ambag 24 na puntos at tatlong rebound. Tila naging bentahe rin para sa DLSU sina CJ Austria at Mark Nonoy matapos makapaglista ng tig-15 puntos.
Sa kabilang panig, pinangunahan nina John Edcel Rojas at Johnsherick Estrada ang pagpuntos ng St. Clare matapos makapagtudla ng pinagsamang 33 puntos.
Mainit na nagbalik sa ring ang alas ng Taft na si Winston matapos pangunahan ang mga tirada ng Green Archers sa pagbubukas ng unang yugto, 5-6. Bumawi naman agad ng tres si Gab Gamboa ng Adalem, 5-9. Gayunpaman, bigong magpatibag ang DLSU nang makapagbitaw ng perimeter shot si Nonoy na sinundan pa ng umaatikabong tres ni Ben Phillips,13-17.
Sunod nito, tila natibag ang poste ng Green Archers matapos malusutan nina Joshua Fontanilla at Rojas ang depensa ng Green Archers, 16-21. Sinubukang pang paliitin ni Winston ang bentahe ng Adalem sa huling minuto ng unang yugto ngunit nakapuslit ng marka si Jherald Manacho mula sa offensive rebound, 18-23, pabor sa St. Clare.
Sagutan ng mga tirada ang naging kaganapan sa ikalawang kwarter. Ginimbal ng Taft-based squad ang kalalakihan ng Caloocan-based squad matapos bumira ng sunod-sunod na puntos mula kina Nonoy, Quiambao, at Austria, dahilan upang itala ang unang deadlock ng laro, 27-all. Gayunpaman, naputol ang momentum ng DLSU nang maungusan ni Babacar Ndong ang depensa ni Bright Nwankwo sa ilalim ng rim, 32-31.
Naging maalat man ang ilang mga open look ni Winston, rumesbak naman ang kaniyang katambal na si Evan Nelle nang makapukol ng apat na magkakasunod na marka, 36-34. Naging bentahe naman ni Austria ang free throws mula sa naglilipanang mga foul ng St. Clare, 39-34. Matapos nito, tinutuloy-tuloy na ni Winston ang pag-arangkada ng Green Archers habang napapako sa 36 ang iskor ng katunggali, 41-36.
Nagpakitang-gilas naman sa ikatlong kwarter si B. Phillips nang magsalaksak sa ring na may kasama pang foul, 46-42. Bukod dito, tila naging kidlat ang koneksyon ng tambalang Nelle at Austria, 48-42.
Nagsilbing bayani naman sina Rojas, Estrada, at Gamboa ng St. Clare nang maingat ang kanilang talaan at makapuwersa ng deadlock, 52-all. Sa huling bahagi ng ikatlong yugto, tila dumagundong ang buong Araneta nang makawala sa hawla sina Quiambao at Winston matapos magpakawala ng puntos sa loob at labas ng arko, 60-53.
Tila nahimbing ang opensa ng Adalem sa ikaapat na kwarter nang lumobo sa 16 ang kalamangan ng Green at White squad, 71-55. Nagkaroon ng maliit na komosyon sa huling kwarter. Dahil dito, napaunlakan ng technical free throws ang si Winston, 78-57.
Pumuntos naman si Quiambao sa loob ng arko nang makapag-ambag ng limang puntos na bentahe para sa DLSU, 83-63. Gayunpaman, naging malamya ang pagdadala ng bola ng Green Archers dahilan nang pagbuno ng puntos ng Adalem mula sa kanilang turnover points, 83-68. Sa huling dalawang minuto ng bakbakan, sinubukan pang ibalik ng Adalem ang kalamangan sa kanilang koponan ngunit tinuldukan na ito nina Winston at Cortez, 89-74.
Abangan muli ang susunod na sagupaan ng DLSU kontra St. Clare sa darating na Linggo, Agosto 12, sa ganap na ika-10 ng umaga.
Mga iskor:
DLSU 89: Winston 24, Quiambao 18, Austria 15, Nonoy 15, B. Phillips 4, Nwankwo 4, Nelle 4, Cortez 3, M. Phillips 2
ST. CLARE 74: Rojas 19, Estrada 14, Manacho 8, Gamboa 7, Tapenio 6, Estacio 5, Ndong 4, Galang 3, Sablan 3, Sumagaysay 3, Fontanilla 2Quarterscores: 18-23, 41-36, 60-53, 89-74