TINANGGALAN ng bangis ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers, 86-65, sa kanilang unang pagtutuos sa Filoil EcoOil 15th Preseason Cup, Agosto 11, sa Filoil EcoOil Centre, San Juan City.
Umarangkada para sa Green Archer si Deschon Winston matapos umukit ng 25 puntos, isang rebound, tatlong assist, at dalawang steal. Nagpamalas din ng bagsik sa kort si Kevin Quiambao nang humulma ng 12 puntos, isang rebound, dalawang assist, at isang steal. Hindi rin nagpahuli si Bright Nwankwo na nakapagtala ng siyam na puntos at tatlong rebound.
Sa kabilang banda, nangibabaw para sa UST si Michael Cabañero na nagtala ng 18 puntos, apat na rebound, dalawang assist, at isang steal. Umalalay rin sa kaniya si Sherwin Concepcion na nakapag-ambag ng 13 puntos at 11 rebound.
Sa pagbubukas ng unang kwarter, maalat ang naging tema ng bakbakan nang hindi maipasok ng dalawang koponan ang kanilang tirada. Naging masikip din ang depensa ng DLSU at UST na nagpahirap sa isa’t isa upang makapuntos. Gayunpaman, hindi nito napigilan ang pag-arangkada ni Winston matapos buksan ang talaan sa pamamagitan ng kaniyang free throw, 1-0. Agad naman itong sinagot ni Cabañero gamit ang kaniyang layup, 1-2. Pagkalipas ng limang minuto, tila napako ang talaan sa 3-4 pabor sa UST.
Bagamat nagkaaberya sa opensa ng Green Archers, agad itong binasag ni Mark Nonoy matapos magpakawala ng maanghang na tirada sa labas ng arko, 7-4. Sinundan pa ito ng pagpapakitang-gilas ni Motor Mike Phillips mula sa kaniyang dunk, 9-6. Nadagdagan pa ito nang maipasok ni Nonoy ang kaniyang walang mintis na free throws, 11-6.
Hindi naman nagpatinag ang Growling Tigers sa pagliyab ng Taft-based squad matapos bumulusok sina Ivan Lazarte sa layup at Royce Mantua sa kaniyang tip shot kontra sa nagbabagang depensa ni Nwankwo, 11-10. Nakahabol man ang UST, nadali naman sa foul trouble ang koponan na sinamantala ni Winston matapos mailusot ang kaniyang free throws, 15-12. Tinawagan man ng technical foul si Nwankwo, agad namang bumawi ang Senegalese bigman sa opensa bago matapos ang unang kwarter, 17-13.
Naging dikdikan ang simula ng ikalawang kwarter nang bumungad ang tirada ni Jamba Garing para sa UST, 17-15. Matapos nito, hindi na nagpahuli ang Green Archers at agad na nagpakawala ng layup sina Nwankwo at Aaron Buensalida, 29-15.
Patuloy na pinantayan ng Growling Tigers ang momentum ng DLSU nang pumuntos si Christian Manayta para sa UST, 29-19. Sunod nito, tila nagliyab ang kagustuhan ni Wilson na palakihin ang kalamangan nang bumida siya sa free throw line, 32-23.
Sa pagpapatuloy ng mainit na laban, walang takot na nagpakawala ng tres si Garing na agad sinundan ng isa pang tirada sa loob, 35-31. Hindi nagtagal at sanib-puwersang pinagtulungan ng Green Archers na palakihin ang kalamangan. Tinuldukan naman ito ni Evan Nelle sa kaniyang tirada sa free throw line. Agad ring sumibat ng dalawang puntos si Winston bilang huling hirit para sa ikalawang kwarter, 42-31.
Nagpatuloy ang pagpapakitang-gilas ni Winston nang magpaulan siya ng tres at assist kay M. Phillips na nakapag-ambag ng slam dunk. Mabilis namang nakabawi ang Growling Tigers matapos umariba ng layup si Garing at nang bumuga ng tres si Concepcion. Subalit, pinigilan agad ito ng magkasunod na dos ni B. Phillips at sa offensive rebound ni Francis Escandor, 55-45.
Bumida naman si Nelle matapos niyang maagaw ang bola kay Concepcion at magpamalas ng fast break layup. Bunsod ng maluwag na depensa ng Green Archers, matagumpay na naipasok ni Cabañero ang kaniyang tirada, 57-48. Lumipas ang mahigit isang minuto, nagsanib-puwersa sina Winston at Quiambao upang tuluyang palawakin ang kalamangan ng DLSU, 65-50. Sunod nito, umukit muli ng dos si Quiambao sa nalalabing limang segundo ng kwarter, 67-52.
Matapos ang isang minutong pasahan at agawan ng bola, bininyagan ni Galman ang kanilang talaan at pumukol ng tres si Miguel Pangilinan, 69-55. Salitan naman ng tirada ang hatid ng makatunggaling sina Quiambao at Cabañero sa two-point line, 73-59. Kakaibang kemistry naman ang natunghayan mula sa Green Archers matapos humakot ng apat na puntos si Quiambao mula sa mga assist ni Nelle, 79-63.
Matapos nito, naging mahigpit ang depensa ng dalawang koponan ngunit pumabor ang talaan sa panig ng DLSU. Nagpakitang-gilas sa loob ng arko si Angelo Crisostomo ngunit agad niyang binakuran ng dos ni Galman na nagbunsod ng kanilang tagumpay sa sagupaan, 86-65.
Buena mano ang pagbabalik ni Winston sa kaniyang unang laro sa torneo. Matapos mag-ensayo ng ilang buwan sa Estados Unidos, nagpakitang-gilas agad ang manlalaro sa FilOil EcoOil Preseason Cup.
Kaya naman, mariing pinuri ng kanilang head coach na si Derrick Pumaren ang naturang manlalaro. “He did a lot for us today. . . he was attacking the UST defense. We were not having a really good offensive knight at the start, but Schonny had good control of the ball game,” giit ni Pumaren sa kaniyang postgame interview.
Abangan ang susunond na laban ng Green Archers kontra San Sebastian College Recolectos sa darating na Linggo, Agosto 14, sa ganap na ika-7 ng gabi.
Mga iskor:
DLSU 86 : Winston 25, Quiambao 12, Nwankwo 9, Buensalida 8, Nonoy 8, Phillips M. 7, Phillips B. 5, Galman 4, Escandor 4, Nelle 4
UST 65 : Cabañero 18, Concepcion 13, Garing 10, Lazarte 6, Manaytay 6, Pangilinan 6, Santos 2, Mantua 2, Crisostomo 2
Quarterscores: 17-13, 42-31, 67-52, 86-65