Malaking bahagi ng lipunang Pilipino ang LGBTQIA+ community. Mula sa midya hanggang sa karatig na kalye, nakamarka ang kanilang pagkatao sa iba’t ibang wangis. Sa kabila ng mga ito, kabalintunaang maituturing na patuloy pa rin ang pagragasa ng mga kaso ng diskriminasyong nararanasan ng LGBTQIA+ community sa bansa. Ayon sa datos na nakalap ng Human Rights Watch noong 2017, patuloy na nagiging biktima ng bullying ang mga kabataang bahagi ng LGBTQIA+ community sa proseso ng kanilang pag-aaral. Maaaring nanggagaling ito sa kanilang mga kaklase, guro, o pati na rin sa mismong institusyong kanilang pinag-aaralan na nagpapatupad ng mga makikitid na polisiya.
May mga kaso rin ng diskriminasyon base sa kasarian pagdating sa trabaho, tulad na lamang ng pagtatalaga sa mga manggagawang LGBTQIA+ sa mga night shift na trabaho dahil wala umano silang mga pamilyang tinutustusan. Higit sa lahat, patuloy na nagiging biktima ng karahasan ang mga miyembro ng LGBTQIA+ sa bansa, at hindi natin dapat kalimutan ang pagyurak sa ngalan at hustisya ni Jennifer Laude, isang transwoman, sa pamamagitan ng pagpapalaya ng gobyerno kay Joseph Scott Pemberton, ang suspek sa kaniyang pagkamatay, noong 2020. Ilang beses na ring hindi sineryoso ni dating Senate President Vicente Sotto ang usapin tungkol sa mga karanasan at kaalaman sa LGBTQIA+, siya rin ang nagpahayag na malabong maisapasa ang panukala dahil mayroon namang batas na pumoprotekta sa karapatan ng bawat Pilipino, ngunit bakit kaliwa’t kanang pang-aalipusta pa rin ang kinahaharap ng mga miyembro ng LGBTQIA+ community?
Isa sa mga rason sa patuloy na pagtalima ng ganitong kultura ang kakulangan sa mga polisiyang direktang tutugon sa ganitong uri ng diskriminasyon. Kaya naman, marapat nang maipasa ang Senate Bill 1934 o mas kilala bilang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression, and Sex Characteristics (SOGIESC)-based Anti-Discrimination Act. Labimpitong taon nang nakabinbin sa Senado at Kongreso ang panukala ngunit paulit-ulit lamang itong isinasawalang-bahala. Proteksyon mula sa batas na ito ang isa sa hinahangad ng mga indibidwal na patuloy na nakararanas ng diskriminasyon dahil sa kanilang kasarian, paniniwala, o sekswalidad. Sa pagkakataong maisabatas, ito ang magsisilbing tungkod para sa mga miyembro ng LGBTQIA+ na pinagkaitan ng kanilang karapatan at magsisilbing pananggang kontra sa mga tulad ni Pemberton at mga mambabatas na ginagawang katatawanan ang usaping SOGIESC at patuloy na nagbubulag-bulagan sa mga paghihirap at danas ng bawat miyembro ng sektor.
Kinokondena ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang anomang uri ng diskriminasyong nakaangkla sa kasarian ng isang indibidwal. Marapat ang lahat na malayang maisabuhay ang kanilang mga katotohanan nang hindi nayuyurakan at nalalagay sa panganib ang kanilang ngalan at pagkatao. Nananawagan din ang APP sa ating mga mambabatas na ipasa na ang SOGIESC Bill upang masiguradong walang indibidwal ang madidiskrimina dahil lamang sa kanilang kasarian.
Sa ating pagtamo ng progreso, marapat na siguraduhin ng estado na walang maiiwan sa proseso. Oras na para kalasin ang tanikalang lumilingkis sa bahagharing marapat sa emansipasyong matagal nang inaasam.