ISINUBSOB ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kampanya ng AMA Online, 92-49, sa PBA D-League Aspirants’ Cup 2022, Agosto 2, sa Ynares Sports Arena, Pasig City.
Nanguna para sa EcoOil-DLSU Green Archers ang rookie big man Raven Cortez matapos makalikom ng 21 puntos, 12 rebound, at isang assist. Bumida rin sina Aaron Buensalida na nakapagtala ng 12 puntos at Benjamin Phillips na nakapukol ng 11 puntos.
Pinangunahan naman ni John Yambao ang AMA Online matapos makapag-ambag ng 18 puntos. Hindi rin nagpatinag sina Reed Badig, Joshua Villamor, at Earl Ceniza matapos makalikom ng tig-anim na puntos.
Maagang sumiklab sa unang kwarter si Buensalida mula sa kaniyang dos. Nagpakitang-gilas din ng magkakasunod na tirada ang forward na si CJ Austria mula sa kaniyang free throw at jumper, 6-2. Hindi naman nagpahuli ang rookie guard na si Mur Alao nang magpakawala ng tres. Bilang ganti, pumukol ng dos ang forward na si Reed Baclig upang makamit ng AMA ang kanilang kauna-unahang puntos.
Hindi nagtagal, tinambakan na ng Green Archers ang katunggali matapos umariba ng dos si Buensalida at nang mailusot ni B. Phillips ang bola mula sa assist ni Alao, 13-6. Ipinagpatuloy pa ng Taft-based squad ang momentum matapos makapag-ambag ng dos si Jcee Macalalag mula sa kaniyang layup. Sa nalalabing dalawang minuto ng sagupaan, nagpakitang-gilas sa loob ng arko si Bright Nwankwo. Agad namang sinelyuhan ng koponang Green and White ang laban mula sa tirada ni B. Phillips, 19-6.
Bumida rin sa 2-point line ang tambalang Pineda at Yambao nang magtala ng pinagsamang apat na puntos para sa AMA sa pagbubukas ng ikalawang yugto. Mainam na sinagot ni Ice Blanco ang init ng sagupaan nang magpaulan siya ng tres, 28-11. Higit pa rito, tumikada ng sandamakmak na atake si Cortez nang umukit ng sampung puntos na nagpahatak sa talaan ng DLSU, 38-14.
Tuluyang lumiyab ang mga galamay ni Cortez nang makapagtala muli ng magkasunod na dalawang puntos, 42-16. Sa huling minuto ng laban, umariba sa 2-point line si Buensalida na nagpalawak ng kanilang kalamangan kontra AMA. Tinuldukan naman ng forward na si Earl Ceniza ang ikalawang yugto nang waging maipasok ang kaniyang dalawang free throw, 46-19.
Sa pagbubukas ng ikatlong yugto, sunod-sunod na pumukol ng puntos si Austria para sa Taft-based squad, 51-19. Agad na umarangkada si Buensalida mula sa kaniyang mga layup, 55-21. Sa kabila nito, hindi nagpatinag si Michael Malones at nagpakawala ng tres para sa AMA, 55-24.
Nagpatuloy ang momentum ng Green Archers nang bumungad ang layup ni Macalalag, 60-24. Agad na sinagot naman ito ni Randolf Cruz nang makapag-ambag ng puntos sa pamamagitan ng kaniyang layup. Iginapang din ni Yambao ang pagtala ng sunod-sunod na tres para sa AMA, 71-37.
Pagdako ng ikaapat na yugto, labis na umarangkada ang kagustuhan ng koponang Green and White na mapanatili ang kanilang momentum. Kaakibat nito, umalab ang kagustuhan ng Green Archers na palakihin ang kalamangan sa pangunguna ni Escandor, 77-37.
Mula rito, nagkaroon ng pagkakataon si Yambao na umiskor para sa kanilang koponan. Hindi nagtagal, sanib-puwersang nakapukol ng puntos sina Cortez at Blanco. Sa huli, tuluyan nang tinuldukan ni B. Phillips ang laban upang makaakyat ang Green Archers sa semifinals ng PBA D-League, 92-49.
Mga iskor:
DLSU 92: Cortez 21, Buensalida 12, B. Phillips 11, Blanco 10, Austria 9, Escandor 6, Nwankwo 6, M. Phillips 5, Estacio 5, Macalalag 4, Alao 3
AMA 49: Yambao 18, Badig 6, Villamor 6, Ceniza 6, Malones 3, Pineda 3, Cruz 2, Reyes 2, Gonzales 2, Katipunan 1
Quarterscores: 19-6, 46-19,75-37, 92-49.