INILAHAD ni De La Salle University – University Student Government (DLSU-USG) President Giorgina Escoto ang mga naisakatuparang programa para sa ikalawang termino ng A.Y. 2021-2022 sa State of Student Governance (SSG), Hulyo 29. Matatandaang ipinagpaliban ito mula sa inisyal na iskedyul na Hulyo 15 subalit hindi inilahad ang rason sa likod ng desisyong ito.
Inilatag din niya ang mga plano ng kaniyang administrasyon para sa Summer Term at unang termino ng susunod na akademikong taon bunsod ng pagpapalawig ng termino ng mga opisyal ng USG.
Isinasagawa ang SSG kada termino bilang pagtalima sa Legislative Assembly Act No. 2021-32 o The State of Student Governance Act. Layon nitong ipaalam sa mga estudyante ang plano ng USG at suriin ang kalagayan ng kasalukuyang administrasyon.
Pagtataguyod sa karapatan ng mga Lasalyano
Sa pagsisimula ng kaniyang talumpati, inihayag ni Escoto na sinubok ang lahat sa kanilang buhay bilang mga estudyante at naging kabahagi rin sa ilang makasaysayang pangyayari sa Pilipinas. Dahil dito, muling binalikan ni Escoto ang bisyon ng kaniyang administrasyon na “One with you, together for the nation.”
Saad niya, “This vision, this promise became the USG stronghold. Despite the hopelessness we feel as Lasallians and as Filipinos as we struggle day by day, we continue to move forward.”
Ipinahayag ni Escoto na matagumpay nilang nabigyan ng pagkakataon ang mga lider ng iba’t ibang organisasyon sa loob ng Pamantasan na maibahagi ang kanilang saloobin sa mga isyung pangkampus sa isinagawang ikalawang Convention of Leaders. Nakatakda namang maglabas ng opisyal na ulat ang USG ukol dito sa mga susunod na araw.
Dagdag pa rito, sinusubukan din ni Escoto na magkaroon ng pagpupulong kasama ang chairperson ng University Board of Trustees kada termino upang talakayin ang mga isyu sa loob ng Pamantasan. Katuwang ang Office of the President, patuloy na sinusuri ng USG ang pagsasagawa ng onsite learning, pagsusuri sa pagkaepektibo ng kasalukuyang kurikulum, at pagpapanatili ng kaligtasan ng learning environment ng Pamantasan.
Ibinahagi ni Escoto na inaprubahan ng Multi-sectoral Consultative Committee on Tuition Fees (MSCCTF) ang 3% Tuition Fee Increase sa kabila ng mungkahi ng USG na huwag itong itaas para sa susunod na akademikong taon. Idinetalye sa nasabing dokumento ang mga maaaring gawin ng administrasyon upang madagdagan ang net income sa kabila ng pagpapanatili ng kasalukuyang halaga ng matrikula. Maaaring maakses ang dokumento sa pamamagitan ng link na ito: bit.ly/TFI-USGProposal.
Sa botong 3 for at 2 against, mariing tinutulan ng Parents of the University Students Organization at USG ang pagtaas ng matrikula. Pinaboran naman ito ng Association of Faculty and Educators of DLSU, Inc., Employees Association, at ng DLSU Administration. Maglalabas ng opisyal na pahayag ang MSCCTF sa mga susunod na araw ukol dito.
Itataguyod din sa mga susunod na araw ang isang komite para sa kaligtasan at inklusibidad sa bisa ng isang Executive Order. Ilulunsad din ang isang kampanya para sa safe spaces katuwang ang iba’t ibang departamento ng Pamantasan. Kabilang din ang anti-misgender at deadnaming policy sa mga polisiyang isinusulong ng USG para sa karapatan ng mga estudyante.
Irerebisa rin ng USG ang Student Census Act. Gayundin, susuriin din nila ang mga polisiya patungkol sa graduation honors, partikular na sa eligibility. Ipinabatid din ni Escoto na patuloy nilang isinusulong ang pagsasagawa ng onsite graduation rites.
Bukod dito, nakilahok din ang USG sa rebisyon ng Student Handbook. Nakatakda itong ilabas bago magtapos ang taon.
Pagtugon sa mga hamon
Ibinahagi ni Escoto na sinisimulan na ang pagsasanay sa mga opisyal ng USG para sa pagsasagawa ng onsite at hybrid activities. Pagsisiguro niya, “[This is to ensure] that no Lasallian gets left behind when they choose to continue their education online when compared to those who opted to return to campus for face-to-face learning.”
Kaugnay nito, ibinahagi ni Escoto na matagumpay na ipinagdiwang ang University Vision-Mission Week sa Pamantasan makalipas ang dalawang taon. Naisagawa rin ang Youth 2022 Vice Presidential Forum sa Henry Sy, Sr. Grounds na nagtampok ng mga kandidato para sa pagka-bise presidente nitong nakaraang halalan. Inilunsad din ng opisina ni Escoto ang Tindig, isang inisyatibang nagbigay-diin sa kahalagahan ng Youth Civic Engagement.
Nanindigan si Escoto na patuloy na isinusulong ng USG ang mabuting pamamahala. Ayon sa kaniya, naipamalas ito ng USG sa pagsuporta sa kandidatura ng tambalan nina dating Bise Presidente Leni Robredo at dating Senador Kiko Pangilinan para sa pagkapangulo at pagka-bise presidente. Kaugnay nito, iginiit din niyang dapat ipagpatuloy ang pag-alala sa mga biktima ng karahasan ng rehimeng Duterte at Marcos sa kabila ng resulta ng nagdaang halalan.
Samantala, ipinatupad ng Office of the Vice President for Internal Affairs ang mga proyektong tumugon sa pangangailangan ng mga estudyante. Ilan sa mga proyektong ito ang Pahiram Equipment Initiative, Archers Assist, at Academics Fair. Isinagawa naman ng Office of the Vice President for External Affairs ang Headstart, Student Development Goals, at Walang Iwanan: Ang mga Napag-Iwanan, at Nakaligtaan.
Patuloy ring nakipag-ugnayan ang USG sa mga estudyante sa pamamagitan ng Lasallian Communication Hub, Termly Open Book Reports, at Student Group Communications Alliance sa ilalim ng Office of the Executive Secretary. Nagbukas din ng mga scholarship at grant ang Office of the Executive Treasurer.
“Everything that has been done and will be done will always be for you and your welfare,” pagwawakas ni Escoto.