MATAGUMPAY na karera ang ipinamalas ng De La Salle University Taekwondo (DELTA) Poomsae team sa nakalipas na University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84. Bagamat hindi nakamit ng koponan ang inaasam na three-straight championship win sa torneo, lumapag naman sila sa podium finish matapos makamit ang ikatlong puwesto.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel sa mga kapitan ng DELTA Poomsae team, ibinahagi nina Patrick King Perez ng Green Jins at Mikee Regala ng Lady Jins ang kanilang karanasan sa mga nakaraang torneo ng UAAP upang pangalagaan ang podium finish sa isport. Kaakibat nito, ibinahagi nila ang panunumbalik ng nakagisnang angas at sigla na dapat asahan sa koponan para sa UAAP Season 85.
Paglinang sa epektibong pormula
Sa papalapit na UAAP Season 85, inaasahan na muling magmamarka ang bawat sipa at suntok ng Green at Lady Jins upang tuluyang matapik ang korona pabalik sa Taft. Sa likod ng mga kumakalansing na medalya na hatid para sa Pamantasan, hindi mawawala ang angking agimat ng DELTA na patuloy na tumatalab upang humakot ng karangalan sa poomsae. Tangan ang mga nakasanayang gawi na patuloy na ipinapasa sa mga bagong usbong na miyembro, hindi matatawaran ang nabuong matagumpay na legasiya ng koponan na umukit ng landas na patuloy nilang tinatamasa.
Bilang kapitana, mahalaga para kay Regala ang walang patid na komunikasyon sa kaniyang mga miyembro upang mapanatili ang pagbuo ng bukas at komportableng samahan ng Lady Jins. “We make sure na they feel comfortable sa team para mas makapag-perform nang maayos. I personally talk to our rookie every day. Checking up on her if how is she and kung may mga problems para ma-asses agad,” ani Regala. Bukod dito, malaking ambag ang hatid ng mga programa sa ensayo ng coaching staff ng Green at Lady Jins upang mapulido ang kanilang pagkakaisa at determinasyon sa paglalaro.
Maliban sa paggabay sa mga rookie sa koponan tuwing nag-eensayo, umaalalay rin ang mga kapitan at senyor na mga atleta ng DELTA Poomsae team sa labas ng dojo. Ayon kay Perez, responsibilidad nilang maging huwaran para sa kanilang koponan.
Maliban dito, nagsisilbing tagapamagitan ng opisina ng DLSU Office of Sports Development ang mga senyor na atleta ng DELTA Poomsae team patungo sa kanilang koponan. Ginagawa nila ito upang magabayan ang kanilang mga rookie at sophomore na kakampi na nangangapa pa sa mga patakaran sa paglalaro at pag-eensayo sa Pamantasan.
Pananatili sa tugatog
Nabigo mang makamit ng DELTA Poomsae team ang tagumpay sa kampeonato, walang nararamdaman na panghihinayang si Perez sa kaniyang koponan. Aniya, tanggap niyang may mga pagkakataong hindi nakatadhana ang isang koponan na manalo kahit gaano pa kahanda at kagutom ito. “Wala kaming pagkukulang dahil alam naming na ibinigay naming lahat. . . Alam namin na hindi nagkulang sa training, sa pagkain, sa pag-monitor ng aming mga injuries,” dagdag pa ng atleta.
Kabaliktaran kay Perez, naniniwala ang kapitana ng Lady Jins na may pagkukulang ang kanilang koponan sa pag-eensayo na naging balakid sa pagtamo nila ng gintong medalya nitong UAAP Season 84. “Strength and conditioning are what I think na kulang. We trained for a month lang so ‘yung training program namin is more on performance lang that’s why I feel na manipis kami tignan compared sa other Universities. Also, they trained together face-to-face more longer than us,” wika ni Regala.
Hindi naman naging biro ang pinagdaanan ng DELTA Poomsae team upang bigyang-karangalan ang DLSU at makamit ang ikatlong puwesto sa UAAP Season 84. Ayon kay Perez, anim na beses na nag-eensayo ang koponan kada linggo mula ika-5 hanggang ika-8 ng umaga. Kaakibat pa rito ang ilang manlalaro, tulad ni Perez na kailangang mag-ensayo sa hapon at sa gabi bilang miyembro ng national team.
Pagsulyap sa susunod na kabanata
Mataas ang kompiyansa ng DELTA Poomsae team sa pagsalang sa UAAP Season 85 bunsod ng pagpapatibay ng estratehiya ng koponan. Paniniwala ni Perez, maliban sa paglikha ng panibagong routine, mahalagang nakapokus ang koponan sa pagpapaigting ng kanilang mental, pisikal, at emosyonal na kalusugan bilang paghahanda sa torneo.
Nakaangkla rin ang koponan sa pag-aaral ng kahinaan ng mga kalaban nito. “Ako kasi as a player, may strategy ako kasi na inaaral ko din pati mga kalaban ko. Hindi naman sa pagiging stalker pero, gameplan. Kasi kailangan hanapin mo din ‘yung weakness ng magiging opponents or ng kalaban ninyo. . . then doon namin igo-grow kung ano ‘yung weakness nila plus kung ano ‘yung strength namin and then we combine and then we practice and then we upgrade, ” pagbabahagi ni Perez.
Nakatakdang tapusin naman ni Perez ang kaniyang karera bilang miyembro ng Green Jins sa darating na UAAP Season 85. Sa nakalipas na anim na taon, nakapag-uwi siya ng karangalan para sa DLSU at sa Pilipinas sa pagkamit ng iba’t ibang medalya. Nabitbit ni Perez ang dalawang ginto at isang pilak na medalya sa kaniyang kampanya sa UAAP. Nakasungkit rin siya ng mga pilak na medalya sa nakaraang Southeast Asian Games at Asian Taekwondo Championships noong 2021.
Pinahahalagahan naman ni Perez ang kapangyarihang taglay ng pagpapatibay ng kaisipan at determinasyong manalo ng isang atleta, maliban sa pagpapalakas ng kanilang pampisikal na pangangatawan. “‘Pag nag-perform or pag ginawa namin ‘yung routine, perform as if it’s your last. ‘Wag sila titigil kahit na nakakapagod at nakabugbog na ng katawan, utak sa pagod. Lalo na’t estudyante tapos player, may kahihinatnan din ang lahat ng mangyayari,” wika ng SEA Games silver medalist.
Sa kabilang banda, determinadong ipagpapatuloy ng Lady Jins sa pangunguna ni kapitana Regala ang naudlot na misyon ng koponan nitong UAAP Season 84. Aniya, “As a captain, I still must boost the morale of the team. To make them feel at their best and remind them to stay focused. Our goal is to bring back the crown in Taft.”
Sa kasalukuyan, patuloy na pinapanday ng mga senyor na atleta ng DELTA Poomsae team ang kanilang mga baguhang miyembro na inaaasahang magdadala muli ng sigla sa kampanya ng koponan. Sa likod ng kanilang napatid na three-peat championship win sa UAAP, mas nakatuon ang DLSU Poomsae team sa pagyakap sa kanilang panibagong karera sa darating na Season 85 bitbit ang hangaring makaakyat muli sa pinakatuktok ng hanayan.