NAKATANGGAP ng abiso ang ilang piling alumni na iskolar ng Pamantasang De La Salle (DLSU) ukol sa mga naitalang overpayment sa kanilang account batay sa isinagawang pagsusuri ng Office of Admissions and Scholarships (OAS) at Office of Risk Management, Compliance, and Audit (RMCA). Dahil dito, nakipag-ugnayan ang mga naturang opisina sa mga dating iskolar upang maisapormal ang proseso ng pagpapabalik ng overpayment na natanggap nila sa kanilang pamamalagi sa Pamantasan noong akademikong taon 2018-2019 at 2019-2020.
Pagtala ng overpayment
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Grichelle Prado, direktor ng OAS, inilahad niyang bahagi ng ilang scholarship na handog ng Pamantasan ang pagkakaroon ng allowance o stipend. Direkta itong dinideposito sa kani-kanilang mga bangko at malaya silang i-withdraw ito upang matugunan ang kanilang mga pangangailangan habang nag-aaral sa DLSU.
Nagkaroon ng masusing audit review ang RMCA, katuwang ang OAS at Accounting Office, upang isapinal ang listahan ng mga estudyanteng nagkaroon ng overpayment dahil sa naturang allowances. Ayon kay Prado, kabilang sa listahan ang mga iskolar na nakapagtapos na ng pag-aaral o nagkaroon ng leave of absence. Kasama rin dito ang mga iskolar na hindi sumunod sa scholarship retention policy, nakatanggap ng ibang uri ng scholarship, o hindi nakapag-enroll sa partikular na akademikong taon. Ani Prado, “Ang halagang natanggap, petsa ng pagdeposito, at mga rason ng overpayment ay dumaan sa masusing review bago ito ginamit na source sa pagpadala ng sulat sa mga iskolar.”
Kalakip ng ipinadalang email sa mga iskolar, binigyan din sila ng OAS ng pagkakataon na ibalik ang mga overpayment gamit ang iba’t ibang tuntunin ng pagbabayad. Ayon kay Prado, natitiyak ng prosesong ito na magiging abot-kaya sa mga iskolar ang mga naitalang bayarin na umaabot sa humigit-kumulang Php100,000, depende sa naitalang overpayment sa kanilang mga account.
Ipinabatid din ni Prado na nagsilbing abiso rin ang naturang email upang makumpirma ng mga alumni na iskolar ang pumasok na halaga sa kanilang mga account. Naglalaman ito ng mga pangalan at numerong maaari nilang tawagan sakaling mayroon silang katanungan, klaripikasyon, at kakailanganing dokumento hinggil sa mga overpayment.
Sa kasalukuyan, hindi isiniwalat ng mga nasabing tanggapan ang bilang ng mga naabisuhan na iskolar. Pinili rin nilang huwag isiwalat ang mga nakaraang insidente ng overpayment na maaaring naitala na ng kanilang opisina. Gayundin, hindi pa malinaw ang dahilan sa pagkaantala ng pagsusuri ng mga naturang opisina sa mga account ng apektadong iskolar.
Pagsusuri sa proseso ng scholarship allowance
Nagkaroon ng audit review at karagdagang pagsusuri ang RMCA, katuwang ang ilang mga opisina, upang balikan at suriin ang proseso ng pagbibigay allowance sa mga iskolar bunsod ng mga naitalang overpayment sa kanilang mga account.
Sa naging panayam ng APP sa Executive Director ng RMCA na si Br. Antonio Servando FSC, inamin niyang nagkaroon ng mga pagkakamali sa naging proseso ng OAS sa pagbibigay ng allowance sa mga iskolar at kinumpirma rin ito ng iba pang tanggapan sa Pamantasan. Gampanin ng opisina ng RMCA na pamahalaan ang mga usaping compliance at audit sa iba’t ibang tanggapan ng Pamantasan.
Bagamat hindi nabanggit ang mga naturang anomalya, naghain na ang RMCA ng mga pagbabago sa sistemang susundin ng OAS at Accounting Office upang masigurong tiyak at wasto ang pagbibigay ng allowance sa mga iskolar. Ayon naman kay Prado, “Ang mga paraan at sistemang ito ay mino-monitor [nang] maigi para matiyak na hindi na muling magkaroon ng ganitong pangyayari [overpayment].”
Giit pa ni Br. Servando, “We underscore transparency and the shared accountability of every member of our community as we strive to pursue our commitment to make Lasallian education more accessible to deserving students.”
Mga hakbang sa pagresolba ng mga overpayment
Ipinabatid ni Prado na isa sa mga hakbang nila ang pagbuo ng isang maliit na task force na pangungunahan ng mga empleyado mula sa mga opisina ng OAS, Accounting, at RMCA. Responsibilidad ng naturang task force na pagtuunan ng pansin ang mga iskolar na may mga hinaing o reklamo ukol sa naitalang overpayment.
Ani Prado, “Lahat ng iskolar na makikipag-ugnayan sa OAS ay tutulungan namin para masuri at makumpirma nila ang overpayment sa kanilang accounts at matulungang makapagbigay ng abot-kayang halaga sa pamamagitan ng payment terms.”
Nilinaw rin ni Prado na direktang mailalaan sa pondo ng mga scholarship ng Pamantasan ang lahat ng halagang maibabalik upang masuportahan ang mga kasalukuyang iskolar sa kanilang pag-aaral. Kaugnay nito, hindi naman natalakay ng OAS sa panayam ng APP ang posibleng mangyari sakaling hindi mabayaran ng mga iskolar ang naitalang overpayment.
Sinikap din ng APP na makipagtulungan sa ilang mga apektadong alumni na iskolar sa kanilang natanggap na email patungkol sa isyu ng overpayment, ngunit nakaantabay pa rin ang Pahayagan sa kanilang mga tugon. Bukod dito, sinubukan din ng APP na makuhanan ng pahayag ang pamunuan ng Lasallian Scholars Society, ang opisyal na organisasyon ng mga Lasalyanong iskolar sa Pamantasan, subalit iginiit nilang sinusuri pa rin nila ang sitwasyon sa OAS kaya’t hindi muna sila nagpaunlak ng panayam.