PINAYUKO ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang San Beda University (SBU) Red Lions, 61-53, sa FilOil EcoOil 15th Preseason Premier Cup, Hulyo 31, sa FilOil EcoOil Centre, San Juan City.
Naging mahalagang alas para sa Green Archers si Mike Phillips bitbit ang 14 na puntos, 19 na rebound, isang assist, isang steal, at dalawang block. Kaagapay naman niya sa pagpuntos si Cyrus Austria na waging makapukol ng 13 puntos.
Sa kabilang banda, nagpakitang-gilas si James Kwekuteye para sa SBU matapos umukit ng sampung puntos, tatlong rebound, dalawang assist, at dalawang steal.
Naging mabagal ang pagbubukas ng unang yugto matapos ang kaliwa’t kanang turnover sa pagitan ng dalawang koponan. Gayunpaman, umukit si Joaquin Manuel ng puntos para sa Green Archers matapos magpakawala ng three-point shot. Sinundan naman ito ng isa pang puntos mula sa kaniyang free throw, 4-0.
Sinubukan naman ng Red Lions na habulin ang kalamangan ng Green Archers ngunit naging hamon sa kanila ang mga block ni Bigman M. Phillips. Hindi naman pinanghinaan ng loob si Red Lion Kwekuteye matapos sumibat ng magkasunod na layup, 4-all.
Nagpatuloy ang mabagal na usad ng laro matapos magpalitan ng mga error at mintis na tirada ang dalawang koponan. Subalit, nagawang makalusot nina Joshua Tagala at John Bahio sa malabundok na depensa ng Green Archers sa huling sandali ng unang yugto, 5-8.
Naunang umarangkada naman sa ikalawang kwarter si Kevin Quiambao matapos magpakawala ng isang tres, 8-10. Gayunpaman, pumabor agad sa Red Lions ang ikalawang kwarter matapos makapagtala ng 7-0 run, 12-21.
Nagawa namang pigilan nina Francis Escandor at Ben Phillips ang momentum ng kanilang katunggali matapos mabawasan sa apat na puntos ang kalamangan ng Red Lions. Subalit, itinulak ni JV Gallego ang pagitan sa talaan ng magkatunggali matapos mailusot ang kaniyang layup sa huling dalawang segundo ng unang kalahati ng laro, 17-23.
Tila nagbago naman ang ihip ng hangin sa pagbubukas ng ikatlong yugto nang bumulusok ang Taft-based squad sa pangunguna ni Manuel na pumukol ng isang tres, 20-23. Nabigo namang bantayan ng Red Lions si M. Phillips matapos makapuslit ng isang layup na tumabla sa laban, 23-all.
Nataranta ang Red Lions sa ipinakitang opensa ng Green Archers. Kaakibat nito, nagtala sila ng sunod-sunod na foul na naging dahilan upang makapag-ambag si M. Phillips ng tatlong puntos mula sa free throw. Sunod nito, tuloy-tuloy nang pinalobo ng koponang Lasalyano ang kanilang kalamangan matapos ang umaatikabong tirada ni Evan Nelle mula sa labas ng arko, 29-23.
Sinubukan namang baliktarin ni magic bunot Emman Tagle ang daloy ng laro matapos makamit ang siyam na puntos mula sa tatlong layup at isang three-point shot. Gayunpaman, nagsanib-puwersa sina M. Phillips, Nelle, at Austria upang panatilihin sa panig ng Green Archers ang kalamangan, 42-37.
Pinangunahan naman nina Bahio at Gallego ang Red Lions sa huling yugto upang bumawi, 44-45. Gayunpaman, nag-alab ang mga kamay nina Manuel, M. Phillips, at Nelle upang mapasakamay ng Green Archers ang kalamangan, 55-46. Pinilit pang habulin ng Red Lions ang agwat ngunit tuluyan nang sinelyuhan ni Austria ang laro, 61-53.
Tangan ang kanilang panalo kontra SBU Red Lions, umakyat sa 2-0 ang panalo-talo kartada ng DLSU Green Archers.
Abangan ang pagsalang muli ng Green Archers kontra Jose Rizal University (JRU) Heavy Bombers sa darating na Linggo, Agosto 7, sa ganap na ika-3 ng hapon.
Mga iskor:
DLSU 61: M. Phillips 14, Austria 13, Manuel 11, Nelle 10, Abadam 3, B. Phillips 3, Quiambao 3, Escandor 2, Estacio 2
SBU 53: Kwekuteye 10, Tagle 9, Andrada 6, Bahio 6, Gallego 5, Cuntapay 4, Cometa 3, Cortez 3, Llanera 2, Tagala 2, Payosing 2, Jopia 1
Quarterscores: 5-8, 17-23, 42-37, 61-53