INILATAG ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., ika-17 Pangulo ng Pilipinas, ang kaniyang mga plano sa bansa sa kaniyang kauna-unahang State of the Nation Address (SONA), Hulyo 25.
Tinalakay ng Pangulo ang kaniyang solusyon sa maiinit na sosyo-politikal na isyu, tulad ng pandemya, krisis sa ekonomiya, at pagbabalik ng face-to-face na klase na lubos na nakaaapekto sa pang-araw-araw na pamumuhay ng mamamayang Pilipino. Bukod pa rito, ibinahagi rin ni Pangulong Marcos, Jr. ang kaniyang tugon sa kagyat na pangangailan ng iba’t ibang sektor ng bansa.
“We live in difficult times brought about by some forces of our own making, but certainly, also by forces that are beyond our control. But we have, and we will continue to find solutions,” panimula ng Pangulo sa kaniyang SONA.
Tugon sa krisis-pangkalusugan
Sa paglalayag ng bagong administrasyon sa pandaigdigang krisis-pangkalusugan, inamin ni Pangulong Marcos, Jr. na hindi na kakayanin ng ekonomiya ng bansa ang pagpapatupad ng mga lockdown. Bunsod nito, layunin ng bagong liderato na magkasabay na itaguyod ang sektor ng kalusugan at ekonomiya ng bansa. Aniya, “Dapat nating balansehin nang maayos ang kalusugan at kapakanan ng ating mga mamamayan sa isang banda, at ang ekonomiya naman sa kabilang banda.”
Bilang tugon sa banta ng COVID-19, paiigtingin ang ugnayan ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa mga ospital nang masubaybayan ang kapasidad ng sistemang pangkalusugan sa bansa. Kaugnay nito, palalawigin ang pamamahagi ng booster shots kontra COVID-19 at pagtitibayin din ang pagpapakalat ng wastong impormasyon ukol sa sakit at kahalagahan ng pagpapabakuna. Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, naniniwala ang Pangulo na magiging ligtas ang pamumuhay ng bawat Pilipino sa kabila ng panganib at pangambang hatid ng pandemya.
Katuwang ang Kongreso, nais din ng Pangulo na magtatag ng isang Center for Disease Control and Prevention at Vaccine Institute sa bansa. Kabuhol nito, magtatayo ng mga karagdagang specialty hospital sa iba’t ibang rehiyon upang mas mailapit sa mga mamamayan ang serbisyong pangkalusugan na kanilang kailangan.
“One of the cornerstones of a strong healthcare system is the provision of competent and efficient medical professionals. We will exert all efforts to improve the welfare of our doctors, our nurses, and other medical frontliners,” giit ni Pangulong Marcos, Jr.
Bagamat inamin ng Pangulo na mahalaga ang gampanin ng mga healthcare worker, hindi niya nailatag sa publiko ang kaniyang konkretong plano para sa kanila, lalo na para sa mga katulad nina Dr. Natividad Castro at Dr. Rose Sancelan, mga doctor to the barrios na ni-red-tag, kinulong, at pinaslang.
Direksyon ng edukasyon
Pagkalipas ng mahigit dalawang taong pag-aaral sa birtuwal na espasyo, inihayag ni Pangulong Marcos, Jr. na panahon na upang bumalik sa mga paaralan ang mga mag-aaral. Buhat nito, tiniyak niyang pinaghahandaan ng Department of Education (DepEd) ang ligtas na pagbabalik-eskwela sa bansa sa pangunguna ni Bise Presidente at DepEd Secretary Sara Duterte. Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng booster shots bilang karagdagang proteksyon sa sakit, lalo na sa mga estudyante at sektor ng kaguruan. Kasabay ng panghihikayat ng Pangulo na magpaturok ng booster shot kontra COVID-19 ang mga mamamayan, inatasan din niya ang Department of Health at Department of Interior and Local Government na magtulungan upang mapabilis ang pamamahagi ng bakuna sa mga Pilipino.
Sa kabilang banda, nanindigan ang Pangulo na panahon na upang wakasan ang mababang kalidad ng mga ipinamamahaging kagamitang pang-edukasayon. Aniya, “Ang edukasyon ay ang tangi nating pamana sa ating mga anak na hindi mawawaldas. Kaya anomang gastusin sa kanilang pag-aaral ay hindi tayo nagtitipid. Hindi rin tayo nagtatapon.”
Sa patuloy na pag-inog ng mundo tungo sa modernong lipunan, hinimok ng Pangulo ang pagpapayabong ng kakayahan at kompetensiya ng mga kabataang Pilipino sa larangan ng Science, Technology, Engineering, at Mathematics. Kaugnay nito, isinusog niya ang kahalagahan ng wikang Ingles. Pagdidiin niya, malaking kalamangan ang katatasan ng mga Pilipino sa wikang Ingles. Samakatuwid, nararapat lamang na hasain pa ang naturang kasanayan upang makasabay sa modernong talastasan sa pandaigdigang merkado.
Dagdag pa rito, isinulong din ng Pangulo ang pagbabalik ng Mandatory Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) sa antas ng senior high school. Sa pamamagitan nito, nilalayon ng pamahalaan na paigtingin ang kahandaan sa sakuna at digmaan ng mga kabataan. Sa kabila nito, kinumpirma ni Pangulong Marcos, Jr. na kasalukuyang sinusuri ang pagiging epektibo ng K to 12 school system. Gayunpaman, nananalaytay sa dalawang panukalang kaniyang isinusulong ang pagsalungat sa priyoridad ng administrasyon. Hindi tiyak kung alin ang mas bibigyan ng pansin—ang matagal nang naghihikahos na sektor ng edukasyon o ang paghubog ng disiplina at pagkamakabayan sa mga kabataan.
Hatol ng madla
Umani ng samu’t saring reaksyon mula sa mamamayang Pilipino ang unang SONA ng Pangulo. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Gerardo Eusebio, political analyst at propesor sa Pamantasang De La Salle, inamin niyang nasaklaw sa unang SONA ng Pangulo ang mga pangunahing isyu sa bansa. Gayunpaman, hindi itinanggi ni Eusebio na hindi natalakay ang ilan sa mahahalagang isyu ng lipunan. Hindi aniya naging malinaw kung itutuloy o ihihinto ng Pangulo ang giyera kontra droga ng rehimeng Duterte at maging ang mga hakbang ng Pangulo upang matugunan ang katiwalian sa bansa.
Hindi rin nakaligtas kay Eusebio ang mga repormang binanggit ng Pangulo para matugunan ang lumalalang krisis sa ekonomiya ng bansa. Isinusog ni Eusebio na malawak ang mga konseptong binanggit ng Pangulo, lalo na hinggil sa planong reporma para sa sistema ng pagbubuwis sa bansa. Aniya, “Meron siyang mga binanggit na reforms, which is highly technical na hindi natin malaman kung ito ba ay general terms. Wala naman masyadong espisipikong sinabi tungkol dito. Ano ba exactly iyong tax reforms? Anong sektor ng society ang tatamaan nito at papaano ito gagawin?”
Kaakibat ng ipinangakong “bagong lipunan” ni Pangulong Marcos, Jr. ang konsepto ng renewable energy at ang pagbubukas ng nuclear power plant sa bansa. Bunsod nito, ibinahagi ni Eusebio na hindi malinaw ang plano ng Pangulo dito—kung babawasan ang paggamit ng kasalukuyang pinanggagalingan ng enerhiya sa bansa o ililipat sa ibang paraan ng produksyon nito.
Sa usapin naman ng pagbabalik ng mandatory ROTC, iminungkahi ni Eusebio na kinakailangan munang sumangguni ang administrasyong Marcos sa mga pag-aaral upang mas maunawaan ng pamahalaan kung kailangan at mahalaga ba talaga ito sa kapakanan mamamayan, lalo na ang mga estudyanteng Pilipino. Naninindigan si Eusebio na bago isulong ang panukalang batas na ito, nararapat lamang na magkaroon ng diskurso ang gobyerno at mga mamamayan na magtatalakay sa kahalagahan ng panunumbalik nito.
Sa kabila ng mga ito, naniniwala si Eusebio na gagawin ng Pangulo ang lahat upang umunlad ang bayan. “Ang bottomline pa rin eh, tingnan natin kung ano ang mangyayari. It remains to be seen,” ani Eusebio.
Sa huli, mananatiling mga salita lamang ang mga platapormang binanggit ng Pangulo kung hindi ito sasamahan ng malinaw at konkretong plano. Sa susunod na anim na taon, tututukan ng lipunan ang mga hakbang ng Pangulo sa kaniyang ipinangakong “bagong lipunan” dahil walang bagong lipunan sa ilalim ng pamumunong hindi mulat sa tunay na danas ng kaniyang mga pinaglilingkuran.