MATALAS na isip at maagap na pagsisikap—ganito mailalarawan ang umaatikabong karera at isinasagawang preparasyon ng DLSU Lady Woodpushers tuwing sumasabak sa entablado ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP). Bunga ng kanilang talino at puspusang pag-eensayo, hinirang na first runner-up ang Lady Woodpushers sa finals ng UAAP Season 84 tangan ang 21 puntos.
Sa kabila nito, nais ng koponan na patuloy na magtagumpay at madagdagan pa ang kanilang parangal matapos makamit ang sunod-sunod na podium finish sa nakalipas na 14 na taon ng torneo. Kaakibat nito, handa nang higitan ng Lady Woodpushers ang kanilang mga nagdaang laro at ipamalas ang galing sa buong pamayanang Lasalyano. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP), ibinahagi nina DLSU Lady Woodpusher Samantha Revita at Taryn Espiritu ang kanilang danas sa paglalaro ng chess at mga plano nila sa kinahaharap bilang mga senyor na manlalaro.
Sandata sa tagumpay
Sa tulong ng kanilang coaching staff, masinop na nag-eensayo ang Lady Woodpushers upang mapaghandaan nang mabuti ang kanilang mga laro sa UAAP. “Nagta-try po kaming mag-meditate. May sinusundan po kami sa YouTube na meditation practices para makatulong sa aming mental health,” pagbabahagi ni Revita.
Naniniwala rin ang Lady Woodpushers na hindi lamang talas ng pag-iisip ang kailangang paigtingin sa paglalaro ng chess sa UAAP. Kailangan din anilang sanayin ang kanilang pisikal na pangangatawan upang mapaghandaan ang mahabang oras na pagsabak sa torneo. Bunsod nito, sinasama ng Lady Woodpushers sa kanilang training routine ang pagtakbo tuwing umaga upang mapatibay ang kanilang pangangatawan.
Pinapahalagahan din ng bawat miyembro ng Lady Woodpushers ang kanilang koneksiyon bilang magkakakampi na labis na nakatutulong upang maibsan ang kanilang pagkabalisa tuwing sumasampa sa entablado ng UAAP. Ayon kay Espiritu, “Madami [ring] contribution ang bonding ng team sa aming mental health. ‘Yung tiwala sa teammates ay nakakaapekto sa aming laro dahil mas nae-enganyo na kami, contrary sa pagiging takot sa resulta.”
Nagsisilbing pundasyon din sa matagumpay na karera ng Lady Woodpushers sa UAAP ang kanilang tiwala sa isa’t isa. Itinuturing din nila itong susi sa kanilang tagumpay bukod sa pag-eensayo nang mabuti. “Hindi rin po kami nakapokus sa mismong resulta, bagkus ine-enjoy lang namin ‘yung bawat laro,” ani Revita.
Hakbang tungo sa susunod na kabanata
Sa loob ng 14 na taong sunod-sunod na pagsampa ng Lady Woodpushers sa semifinals ng UAAP, kahit saya ang nangingibabaw sa kanilang damdamin, hindi maikakaila na may mga pangarap pa silang gustong makamit sa kanilang karera sa torneo. Buhat nito, hindi naitanggi nina Espiritu at Revita sa kanilang panayam sa APP na hindi pa nila naipapakita ang kanilang buong husay sa paglalaro ng chess sa UAAP. Bunsod nito, ayon kay Espiritu, nag-eensayo na sa kasalukuyan ang Lady Woodpushers bago pa man magsimula ang UAAP Season 85.
Bukod sa nakasanayang pag-eensayo, ginagawang basehan ng koponan ang kanilang mga naging laro sa mga nakalipas na UAAP Season upang mapaigting ang kanilang mga taktika at maiwasan ang dating pagkakamali. “Naghanda ng SWOT analysis ‘yung coach namin last time na session para sa amin para mai-reflect namin kung ano ‘yung mga kakulangan at mga kalakasan namin, at kung saan pa puwedeng i-train ang aming [kakayahan sa paglalaro ng chess],” pagsasaad ni Espiritu.
Inspirasyon ng mga pambato
Bilang first-runner up sa UAAP Season 84 women’s chess, determinado si Revita na paunlarin pa ang kaniyang taktika sa paglalaro upang masungkit ang gintong medalya sa Season 85. “Ipagpapatuloy pa rin po namin ‘yung pagsusumikap namin at pag-eensayo para sa susunod na season [para] hindi lang po namin ma-maintain ‘yung second place. Sana po mahigitan pa po namin ‘yung performance namin last season,” giit ng Lady Woodpusher.
Maliban sa isinasagawang pag-eensayo at mataas na pangarap para sa kanilang karera, hinahasa ng Lady Woodpushers ang kanilang talento sa paglalaro bunsod ng suportang kanilang natatanggap mula sa pamayanang Lasalyano. “Dahil sa suporta na ‘yun [ng pamayanang Lasalyano] at [sa pagkamit namin ng] podium finish, mas namo-motivate kami para mag-aim higher sa next season,” pagbibigay-diin ni Espiritu.
Hindi maitatangging napatunayan na ng Lady Woodpushers ang kanilang matalas na pag-iisip at husay sa paglalaro matapos lumapag sa podium finish ng UAAP sa loob ng 14 na sunod-sunod na taon. Bitbit ang kanilang mga pangarap, katuwang ang walang sawang suportang natatanggap nila mula sa mga kakampi, coaching staff, at ng pamayanang Lasalyano, asahang magpapakitang-gilas pa ang Lady Woodpushers sa darating na UAAP Season 85 upang mapasakamay ang inaasam-asam na gintong medalya.