Makabuluhan sa bawat estudyante ang pag-akyat sa isang entablado. Sa entabladong gawa sa kahoy umaakyat ang mga estudyante sa tuwing sinasabitan sila ng medalya at binibigyang-parangal sa kanilang pagtatapos ng pag-aaral. Dito rin madalas na pinaparangalan ang mga mag-aaral na nagtagumpay sa iba’t ibang larangan, katulad ng isports at pamamahayag. Umaakyat at nagsasalita rin dito ang ibang kabataang piniling maglingkod sa kanilang kapwa—sa entabladong gawa sa kahoy nila inilalahad ang bawat pangako at planong nais nilang ipatupad para sa kanilang sinisilbihan.
Bagamat masikhay sa kanilang mga gampanin at pagnanais, nakatago sa ilalim ng mga entabladong nagsisilbing pundasyon ng danas ng bawat kabataan ang mga anay na tila pinarurupok ang kanilang tinutungtungan. Inuunti-unti ng mga anay ang pundasyon sapagkat para sa kanila, ang mabusog at magpakasasa sa kahoy ang kanilang tanging pakay. Katulad ng mga politikong umupo para sa sarili nilang interes—unti-unti nilang inuubos at sinisira ang pundasyon ng entabladong tinutungtungan ng kabataan sa Pilipinas.
Dugo ng nakaraan, takot sa kasalukuyan
Nagdaan sa madilim na panahon ang Pilipinas noong rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos, Sr. Nakaukit sa kasaysayan ang mga pangalan ng kabataang nasawi dahil sa kaniyang diktadurya, tulad nina Rodelo Manaog, isang manunulat pangkampus sa Unibersidad ng Pilipinas, at Archimedes Trajano, isang estudyante sa Mapua Institute of Technology. Ilan lamang sila sa mga kabataang mulat sa masalimuot na realidad na hindi na muling nakauwi sa kanilang mga tahanan—nagdanak ang kanilang dugo sa lansangan na idinulot ng madudugong kamay ng isang administrasyong pinaandar ng karahasan.
Sa paglipas ng 36 na taon, unti-unti nang nakababalik sa puwesto ng kapangyarihan ang pamilyang Marcos. Sa pagkapanalo ni Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bilang presidente ng Pilipinas, tila muling nanumbalik ang pangamba na bitbit ng kanilang pangalan sa kabataang aktibong naglilingkod para sa lipunan. Nakapanayam ng Ang Pahayagang Plaridel sina Marco San Juan, isang student-leader sa Pamantasang De La Salle (DLSU), at Vidal VIllanueva, isang mamamahayag-pangkampus sa Unibersidad ng Pilipinas, upang malaman ang pulso ng kabataan sa muling pagkakaluklok ng mga Marcos sa Malacañang. “Hindi na nakagugulat sapagkat maliban sa pagkakaroon nito ng malaking makinarya ng disimpormasyon ay nariyan ang malaking impluwensiya mula sa iba’t ibang dinastiyang politikal na walang habas na nagpapasasa sa kapangyarihan para sa mga personal na ganansya,” ani Villanueva tungkol sa pagkapanalo ni Marcos, Jr.
Sa muling pagkaluklok ng isang Marcos bilang presidente ng Pilipinas, hindi mawawala ang takot at pangamba nito sa kabataan. “Ang tanging takot na nararamdaman ko ay takot na hindi magampanan ang aking mga tungkulin upang ipagpatuloy ang pagdepensa sa katotohanan at demokrasya ngayong may mga nakaambang pag-atake muli sa ating mga karapatan sa malayang pagpapahayag dahil sa pagkakaupo muli ng isa na namang Marcos,” pangamba ni Villanueva. Hindi maikakailang nag-iwan ng mantsa sa lansangan ang dugo ng kabataang napaslang sa rehimeng Marcos, Sr. Para kay Villanueva, lumang tugtugin na ang pagtuligsa ng mga nasa kapangyarihan sa mga kritiko at oposisyon. Tila sa muling pagkapanalo ng isang Marcos sa eleksyon, magbabalik ang mahigpit na busal sa mga mamamahayag—pangkampus man o hindi.
Nabanggit naman ni San Juan ang kaniyang pangamba na muling hahaba ang tanikala ng kahirapan para sa masang Pilipino. “Tingin ko rin, hindi na uunlad ang Pilipinas kung ang mga nakaupo pa lang sa gobyerno ay nangungurakot na,” aniya. Nabanggit din niyang maaaring mas manatiling mahirap ang mahihirap at mas yumaman ang mga mayayaman sa pamumuno ni Pangulong Marcos, Jr. Bilang isang student-leader, kinatatakutan ni San Juan ang magiging kalagayan ng sistema ng edukasyon sa mga susunod na mga taon, sapagkat nakatulong sa tambalang Marcos-Duterte ang mga maling impormasyon na pinalaganap at pinaigting noong kampanya para sa nagdaang eleksyon.
Pundasyon ng kinabukasan
May takot mang hinaharap, hindi pa rin magpapatinag ang mga estudyanteng-lider at mamamahayag upang tumindig laban sa katiwalian. “Ang patuloy na pagprotekta sa katotohanang resulta ng masusing pananaliksik at mga balidong sanggunian ay isa sa mga paraan upang maipakita ang nasyonalismo ng mga mamamahayag na katulad ko,” ani Villanueva. Bilang isang mamamahayag, bala natin ang katotohanan sa giyera laban sa disinformation, misinformation, at pekeng balita. Tila sa bawat artikulong isinusulat nakasalalay ang buhay ng mga taong pinagkakaitan ng katotohanan. “Kaya naman, ang tanging pagbabago lamang marahil na magagawa natin ay ang mas masikhay at matapang na paggamit ng ating mga pluma para sa katotohanan at hustisya,” pagdidiin niya.
Bilang isang student-leader, sinigurado naman ni San Juan na hindi natatapos sa eleksyon ang pagtindig. Sa panahong tila nanakawan ng kinabukasan ang kabataan, nararapat lamang na patuloy na singilin ang mga kurakot na opisyal na nakaupo sa matatayog nilang upuan. “Kailangan pa ring sumagot sila sa kanilang mga pagkakamali kung sakali dahil ang pokus dapat ay ang kanilang trabaho at ginagawa nila para sa pag-unlad ng Pilipinas,” pagdidiin ni San Juan.
Nakaukit sa kasaysayan ang makabuluhang protestang naganap noong 1986. Dahil sa sama-samang pagmartsa ng sambayanan, nabuo ang EDSA Revolution na naging salik sa pagkatalsik ng mga Marcos sa Malacañang. “Naniniwala tayo na when there is crisis, resistance will be borne. Kaya hangga’t may sinasamantala ang reaksyunaryong estado, tiyak ang pagkilos at paglaban ng mga Pilipino,” sambit ni Villanueva. Sa muling pag-upo ng isang Ferdinand Marcos sa pinakamakapangyarihang posisyon sa bansa, hindi malabo ang pagbabadya ng muling pagpapatupad ng Martial Law o anomang kawangis nito. Katulad ng mga kabataan noong 1986, masasabing sa lansangan ang puwesto ng kabataan tungo sa pagbabago. Lagi’t laging nasa taumbayan ang kapangyarihan, “Naniniwala ako na [sa tao] nanggaling ang lakas ng bansa,” ani San Juan. Binigyang-diin din ni Villanueva na magpatupad man ang administrasyon ng Batas Militar man o hindi, nararapat lamang ang laksa-laksang pagkilos o mobilisasyon hanggang hindi pabor para sa mga mamamayan ang interes ng estado.
Kabataan ang pundasyon ng kinabukasan
Sa panahong pilit pinatatahimik ang mga boses ng mga kritiko at lalong pinahahaba ang tanikalang nakapulupot sa leeg ng masa, nararapat lamang na tumindig at lumaban sa katiwalian. “Tama lang na dalhin natin ito sa lansangan at ipaalam natin sa gobyerno ang ating mga nararamdaman tungkol sa mga policies at laws na ini-implement nila,” paninindigan ni San Juan. Sinasabing ang kabataan ang kinabukasan ng bayan—nilalaman ng bawat yabag ng kanilang paa sa lansangan ang pag-asang may pagbabagong darating sa Pilipinas. “Ang paglahok sa mga pagkilos ay siyang nararapat na magampanan ng mga kabataan dahil sa ating likas na kalakasang pisikal at mental na makiisa sa layuning ito,” pagdidiin ni Villanueva.
Katulad ng pagpuksa sa mga anay, kailangang maging mapagmatyag at matalas ang mga mata sa ginagalawang lipunan sapagkat mas madaling tanggalin ang mga peste bago pa ito kumalat at patuloy na kainin ang entabladong para sa kabataan. Muli na namang papasok ang Pilipinas sa isang panahon na nababalot ng pangamba ang kabataan, tulad noon nang kumalat ang dugo sa lansangan. Gamit ang mobilisasyon at katotohanan, muling maniningil ang kasaysayan sa ninanakaw na katotohanan at ang kabataan sa kinabukasang ninakaw sa kanila.