NALUSUTAN ng EcoOil-De La Salle University (DLSU) Green Archers ang angas ng Adalem Construction-St. Clare College of Caloocan, 72-69, sa PBA D-League Aspirants’ Cup 2022, Hulyo 27, sa Smart Araneta Coliseum.
Humarurot si Gilas forward Kevin Quiambao upang pangunahan ang kampanya ng Green Archers matapos tumudla ng 18 puntos at walong rebound. Kaagapay naman niyang pumuntos sina CJ Austria, Joaquin Manuel, at Aaron Buensalida tangan ang pinagsamang 30 puntos.
Sa kabilang banda, nagpahirap para sa kampanya ng Green Archers si Joshua Fontanilla na may 14 na puntos. Kasama niyang humataw sa kort ang tambalan nina John Rojas at Jherald Manacho na lumikom ng pinagsamang 20 puntos.
Nagngangalit na tumambad ang hagupit ng Green Archers sa unang kwarter matapos maglista ng dalawang foul sina Manuel at Buensalida. Matapos ang higit tatlong minutong walang mabunong puntos ang magkabilang koponan, kumamada ng isang fastbreak layup na may kasama pang foul si Manuel, 3-2. Sinundan naman ito nang swak na swak na freethrows ni Jcee Macalalag, 5-2.
Sa isang ihip lamang ng hangin, agad dumikit ang kalalakihan ng Caloocan resulta ng malamyang depensa sa ilalim ng basket, 7-9. Tila naging sandalan naman ng Taft-based squad ang naglilipanang mga free throw mula sa fouls ng St. Clare, 16-9. Hindi nagtagal, nakabawi ang St. Clare at tila giniba ni Fontanilla ang depensa ng DLSU sa pagtatapos ng unang kwarter, 16-13.
Sinubok naman ang tatag ng mga poste ng Green Archers sa ikalawang kwarter. Sinubukang lumusot ni Austria sa ilalim ng rim ngunit hindi ito umubra. Sinamantala naman ni Fontanilla ang pagkakataon upang makabira ng iskor mula sa three-point-line, dahilan upang matamo ang unang deadlock ng sagupaan, 18-all.
Namuhunan ang St. Clare sa second chance points mula sa offensive rebounds. Bunsod nito, natamasa ng Caloocan-based squad ang pitong bentaheng kalamangan, 20-27. Sunod nito, kumapit muli ang Green and White squad sa wing shot ni Macalalag. Ngunit, nagtuloy-tuloy na ang momentum ng St. Clare hanggang sa katapusan ng kwarter, 30-35.
Nagsimula nang magkaroon ng dikdikang sagupaan sa ikatlong kwarter. Mula sa paglagapak ni Macalalag at pagkabagsak ni Quiambao, sunod-sunod nang nagtamo ng mga foul trouble ang Green Archers. Dahil dito, naging wais si coach Derrick Pumaren sa pag-ikot ng kaniyang playing five.
Naibaba sa isa ang hinahabol ng DLSU nang magsalaksak ng sunod-sunod na tres si Manuel kasabay pa nang mga makinis na pagbitaw sa mid-range ni Buensalida, 38-39. Hindi naman ito alintana ni Fontanilla nang magbitaw ng back-to-back shots at ibalik sa lima ang kanilang kalamangan, 38-44. Kaugnay nito, tanging sina Quiambao at Earl Abadam lamang ang umiskor para sa koponang berde at puti, 51-52.
Sa 5:46 na minuto ng ikaapat kwarter, tuluyan nang nagising ang laro ng DLSU sa pangunguna nina Quiambao at Buensalida, 62-all. Nagpalitan nang puntos ang dalawang koponan sunod nito, 64-all. Napatawan man ng limang personal fouls si Buensalida, nagpamalas naman sila ni Quiambao ng isang power play, 66-64.
Makapigil-hininga ang mga kaganapan sa huling dalawang minuto ng sagupaan. Tila napag-iwanan ng DLSU ang hagupit ni Jherald Manacho na libreng napakapagbira ng isang dunk, 67-68. Sa huli, nanaig ang liksi ni Quiambao sa loob ng arko at tuluyang sinelyuhan ang bakbakan, 72-69, pabor sa DLSU.
Matatandaang mayroon ding laro sa PBA D-League Aspirants’ Cup ang Green Archers kahapon at lubos itong ikinagagalak ni coach Pumaren. “First time rin namin this season to place back-to-back games,” pahayag niya.
Inamin din ni Pumaren na hindi naging kaaya-aya ang ipinakitang laro ng Green Archers sa unang yugto. “Kaya I got mad at them sa first half kasi they are playing lazy basketball,” giit niya.
Matapos ang pagkapanalo kontra Adalem Construction-St. Clare, umakyat na sa 4-2 ang panalo-talo kartada ng DLSU.
Subaybayan ang muling pag-alagwa ng DLSU laban sa AMA Online sa darating na Martes, Agosto 2, sa Ynares Arena-Pasig, sa ganap na ika-3:00 ng hapon.
Mga iskor:
St. Clare 69: Fontanilla 14, Sablan 12, Manacho 10, Rojas 10, Gamboa 6, Estacio 6, Estrada 4, Sumagaysay 3, Ndong 2, Lopez 2
DLSU 72: Quiambao 18, Manuel 11, Austria 10, Buensalida 9, Cortez 6, Macalalag 6, Estacio 5, Abadam 4, Nwankwo 3
Quarterscores: 16-13; 30-35; 51-52; 72-69