INIWANG PIRA-PIRASO ng EcoOil-De La Salle University (DLSU) Green Archers ang kalasag ng Wangs Basketball @26-Colegio de San Juan de Letran Knights, 94-87, sa PBA D-League Aspirants’ Cup 2022, Hulyo 26, sa Ynares Sports Arena, Pasig City.
Nagsilbing tanglaw sa Green Archers ang Gilas Pilipinas 2022 forward Kevin Quiambao sa kaniyang debut game sa torneo. All-around ang naging laro ni Quiambao na nagtala ng 15 puntos, sampung board, at limang assist. Hindi naman nagpahuli si JCee Macalalag tangan ang kaniyang team high na 18 marker. Dagdag pa rito, umariba sa laban si Michael Phillips na nakapagtala ng double-double na 13 puntos at 11 rebound.
Samantala, nakamit man ang unang talo sa torneo, nagpatuloy ang barakong laro ni Paolo Javilionar na kumalap ng 19 na puntos at anim na rebound. Lumagda naman ng 16 na puntos si Kurt Reyson sa likod ng apat na three pointers. Kapwa pumukol naman si Brent Paraiso at King Caralipio ng 12 puntos para sa Knights.
Mabilis ang paglusob ng kabalyero sa pagsisimula ng unang yugto sa pangunguna ni Reyson na nagtala ng unang pitong puntos ng koponan. Ipinagpatuloy naman ito ni Javillonar sa dalawang magkasunod na transition layups, 5-13. Sunod nito, naging mabagal ang takbo ng laro matapos ang halos tatlong minutong hindi pag-iskor ng magkabilang koponan.
Nabasag naman ni Bright Nwankwo ang deadlock matapos ang kaniyang makapanindig-balahibong dakdak upang maibigay ang momentum sa kaniyang koponan. Naidikit man ng DLSU ang kalamangan sa dalawang puntos, nawalan sila ng panagot sa opensa ng Letran sa huling dako ng unang yugto, 16-22.
Pagdating ng ikalawang yugto, bahagyang nakontrol ng Green Archers ang takbo ng laro sa pag-iskor at pag-assist ni Quiambao, 25-27. Sinagot naman agad ito ng 8-0 run ng Knights sa pangunguna ng transition layups nina Louie Sangalang at Paraiso upang maitulak sa double digits ang kanilang kalamangan. Matapos nito, tuluyan nang lumapad ang kalamangan ng Letran ngunit naging sumpa nila ang pagmintis sa charity stripe at pagtatala ng unforced errors, 27-37
Kumapit sa open mid range shots nina Raven Cortez at Macalalag ang Green Archers upang unti-unting mahabol ang mga kabalyero. Kaakibat pa rito ang presensya ni M. Phillips na sumira sa open court attacks ng Letran. Gayunpaman, hindi naging sapat ang mga pana ng Green Archers para agawin ang kalamangan sa Knights sa pagtatapos ng ikalawang yugto, 38-42.
Sa pangunguna ng mga power play ni M. Phillips, nabitbit ng Green Archers ang kanilang momentum matapos buksan ang ikatlong yugto tangan ang 8-0 run. Matapos umabante, diniinan pa ng DLSU ang kanilang silinyador at pinalobo ang kalamangan sa siyam na puntos, 55-46. Kaugnay nito, nanguna para sa Taft-based squad si Penny Estacio na nakapukol ng dalawang magkasunod na top of the key three pointer.
Samantala, bigla namang naantala ang pamamalasa ng DLSU sa huling tatlong minuto ng ikatlong yugto. Naging armas ng Knights ang bilis ng kanilang mga guard sa pamamagitan ng mga transition bucket nito. Nanguna rito ang dating Green Archer na si Brent Paraiso na umiskor ng anim na puntos sa 11-3 run ng Letran. Buhat nito, tuluyang naagaw ng Letran ang kalamangan sa huling anim na segundo ng yugto na sinundan pa ng wing jumper ni Javillonar, 61-62.
Nanatiling dikdikan ang laban sa huling kwarter matapos magsagutan ng magkabilang koponan. Lumamang ang Letran ng tatlong puntos sa magkakasunod na iskor ni Javillonar ngunit sinagot ito ng two-way play ni Quiambao sa opensa at depensa ng Green Archers. Nagpaulan din ng tres ang dalawang koponan matapos magmistulang nakakandado sa ring ang mga long ball ng kanilang ace players sa unang tatlong minuto, 75-all.
Gayunpaman, naging balanse ang paglusob ng DLSU mula sa mga three pointer nina Quiambao at Joaqui Manuel na dinagdagan pa ng mga acrobatic layup ni Macalalag. Nanatili ring matinik ang depensa ng Green Archers matapos ang kanilang contested jumpers at pagpinid sa painted area, 82-77. Naidikit man ng Letran ang pagitan sa mga layup ni Caralipio, hindi ito naging sapat upang apulahin ang apoy ng Green Archers, 94-87.
Bitbit ang panalo, umangat sa 3-2 panalo-talo kartada ang DLSU sa PBA Aspirant’s Cup 2022. Sulyapan ang pag-ariba muli ng Green Archers sa torneo kontra Adalem Construction–St. Clare bukas, Hulyo 27, sa ganap na ika-11:00 ng umaga sa Smart Araneta Coliseum.
Mga iskor:
DLSU 94: Macalalag 18, Quiambao 15, Estacio 14, M. Phillips 13, Manuel 11, Nwankwo 9, Buensalida 4, Cortez 4, Escandor 3, Alao 2, Abadam 1.
Letran 87: Javillonar 19, Reyson 16, Paraiso 12, Caralipio 12, Sangalang 8, Yu 7, Tolentino 6, Monje 4, Lantaya 0.
Quarterscores: 16-22, 38-42, 61-62, 94-87.