MASILAKBONG NASUNGKIT ng De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus (VA) Valorant team ang tagumpay sa kampeonato matapos pabagsakin ang archrivals Ateneo de Manila University (ADMU) Loyola Gaming (LG) Terra, 3-1, sa Grand Finals ng Alliance Games (AIIG) 2022 Season 1, Hulyo 24, sa SMX Convention Center, Pasay City.
Sa pagbubukas ng unang laban ng Finals, namukadkad ang opensa ng LG Terra matapos gumawa ng kagila-gilalas na 2-0 run round win, 0-2. Ipinamalas ng Ateneo ang kanilang nakamamanghang garage control na naging susi upang pahirapan ang VA na makaporma sa simula. Gayunpaman, hindi natinag ang Taft-based squad at agad bumulusok matapos dominahin ang dalawang magkasunod na round, 2-all.
Hindi rito nakontento ang VA at ipinagpatuloy pa ang nakuhang momentum sa bakbakan. Buhat nito, nakagawa ang mga atletang Lasalyano ng back-to-back flawless victory matapos lumiyab si VA f1ssion sa paglagas sa LG, 5-2. Sinundan pa ito ng 2-0 run ng Taft-based squad upang makalayo sa ADMU, 7-2. Bagamat tangan ng VA ang 5-point lead, agad namang bumulusok ang LG matapos kumasa ng umaatikabong 7-0 run, 7-9.
Nakatulong sa pagpundar ng scoring run ng ADMU ang pagpapakitang-gilas ni LG Zief, clutch play ni LG tinyo, at pagpapamalas ng bagsik ni LG FleX sa sniper rifle. Buhat nito, tila nabuhayan ng loob ang star player ng VA na si xavi8k matapos araruhin ng atleta ang buong ADMU at makagawa pa ng dalawang nakamamanghang clutch diffuse, 11-9. Gayunpaman, maiging ginamit ng LG ang rolling thunder na nakatulong upang tuldukan ang unang laro, 11-13.
Mapa ng Bind naman ang bumungad sa ikalawang laro. Gaya sa unang bakbakan, nakagawa agad ang ADMU ng 2-0 run na sinundan ng umaatikabong 7-0 run ng VA, 7-2. Tila deja vu ang naging takbo ng laban matapos maapula ng LG ang mainit na momentum ng DLSU. Buhat nito, agad nagpatawag ng timeout si VA xavi8k upang masigurong hindi maulit ang nakababahalang paghabol ng LG.
Kaugnay nito, hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Taft-based squad nang lumiyab si VA xavi8k matapos umani ng triple kill na pumuntirya sa spike carrier ng katunggali, 8-4. Sa kabila ng 2-0 run ng VA, hindi sumuko ang LG at nagawa pang makasungkit ng panalo ng isang round, 10-5. Gayunpaman, tuluyang dinomina na ng VA ang katunggali matapos ratratin ang LG at tuldukan ang bakbakan mula sa kanilang Flawless Victory, 13-5.
Ipinagpatuloy ng VA ang kanilang umaapoy na momentum sa pagpasok ng Game 3 matapos makapundar ng 4-0 run. Bumawi man si LG FleX sa ikalimang round ngunit hindi nito naapula ang maanghang na momentum ng DLSU. Sinundan ito ng 3-0 run ng VA kasama ang isang nakamamanghang Flawless Victory, 7-1. Hindi naman nagpatinag ang Loyola-based squad sa malaking kalamangan ng VA at agad rumatsada ng 2-0 run, 7-3.
Sa kabilang banda, nagparamdam muli si VA xavi8k matapos ipamalas ang kaniyang bagsik nang lagasin sunod-sunod ang LG. Hindi rin nagpahuli si VA ya0 nang itudla ang kaniyang nakamamanghang clutch play, 10-3. Bagamat patuloy ang momentum ng VA, nasira ito nang magkaroon ng technical difficulties ang koponang Lasalyano. Agad naman itong sinamantala ng LG upang makahabol sa Taft-based squad, 10-6.
Gayunpaman, hindi nito napigilan ang pag-arangkada ni VA xavi8k matapos kumana ng isang clutch diffuse sa kabila ng kaunting HP upang dalhin sa match point ang DLSU, 12-7. Sa kabila nito, tila kumakapit pa ang ADMU sa bakbakan matapos bumulusok ng umaatikabong 2-0 run, 12-9. Hindi na pumayag pa ang VA na makahabol ang LG at tuluyang inangkin ang Game 3, 13-9.
Bitbit ng VA ang 2-1 series lead sa pagpasok ng ikaapat na laro. Agad rumatsada sa pagbubukas ng bakbakan sina VA xavi8k at VA Grossof upang agad makuha ang kalamangan, 2-0. Kaungay nito, nagpakitang-gilas si VA Grossof matapos ang kaniyang quad kill gamit ang sniper rifle. Nanumbalik naman ang technical difficulties sa panig ng VA nang hindi makagalaw sa bakbakan si VA Realist na agad namang sinamantala ng LG upang makahabol, 3-2.
Gayunpaman, nagpasiklab pa rin si VA Grossof nang muling makagawa ng isang nakamamanghang quad kill, 4-2. Hindi naman nagpahuli si VA guelson matapos ang kaniyang tagumpay sa 1 on 1 at clutch play, 5-3. Sunod namang nagpakitang-gilas si VA f1ssion nang tadtarin ng bala ang LG upang maibigay ang 3-round lead para sa DLSU, 6-3. Tila namumukadkad na ang VA sa bakbakan ngunit hindi pa rin sumusuko ang LG matapos bumulusok ng 7-0 run, 6-10.
Nakalamang man ang LG ng apat, agad namang umalab ang pusong kampeon ng VA nang humulma ang koponan ng 3-0 run sa pangunguna ni star player xavi8k, 9-10. Kaakibat nito, ipinamalas muli ng manlalarong Lasalyano ang kaniyang bagsik matapos magtala ng umaatikabong clutch quad kill, 10-11. Naitabla naman ni Grossof ang bakbakan matapos mapatumba si LG FleX, 11-all.
Hindi magkamayaw ang dalawang koponan matapos ang isang makapigil-hiningang clutch round nang hindi ma-diffuse ni LG FleX sa tamang oras ang spike. Buhat nito, napasakamay na ng VA ang championship point, 12-11. Hindi na binitawan pa ng Taft-based squad ang pagkakataong ito at tuluyang nang nilagas ang ADMU upang makamit ang inaasam-asam na panalo sa kampeonato, 13-11.
Kaakibat ng panalong ito, nakamit na ng koponang Valorant ng VA ang kanilang four-peat na tagumpay sa kampeonato sa AcadArena. Makasaysayan ding hinirang sa pagtatapos ng torneo ang lahat ng koponan sa DLSU Viridis Arcus bilang kauna-unahang pangkalahatang kampeon sa AIIG.