INAABANGAN ng sambayanang Pilipino ang unang State of the Nation Address (SONA) ng bagong halal na pangulo na si Ferdinand Marcos Jr. sa Batasang Pambansa Complex sa Lunes, Hulyo 25. Simula pa lamang ng kaniyang kampanya hanggang maupo bilang ika-17 pangulo ng bansa, mabibigat na pangako ang kaniyang binitiwan sa taumbayan, mula sa sama-samang pagbangon hanggang sa solusyon sa mga isyung nagpapasadlak sa mga mamamayan. Bukod sa mga pangakong nangangailangan ng konkretong plano, bitbit din ng kaniyang administrasyon ang mga naiwan at pinalalang problema ng rehimeng Duterte sa iba’t ibang sektor ng lipunan.
Mahigit 36 na taon na ang nakalilipas simula nang makabalik ang kaniyang pamilya na minsang kumitil sa demokrasya ng bansa at nagparanas sa mga mamamayang Pilipino ng halos apat na dekadang pagdarahop, pang-aabuso, at kawalang-katiyakang pamumuhay. Gayunpaman, hindi magtatagal at mawawalan ng kapangyarihan ang kaniyang ipinangakong pagkakaisa sapagkat sa mga pagkakataong ito, kinakailangan ng mas komprehensibo at konkretong plano para sa kinabukasan ng bansa.
Paninindigan sa pangako
Kaakibat ng pagpasok ng panibagong administrasyon ang pagharap ni Pangulong Marcos Jr. sa kaniyang nasasakupan upang talakayin ang kasalukuyang kalagayan ng bansa at maglatag ng konkretong plano para tugunan ang mga problemang kinahaharap nito. Sa kaniyang talumpati noong inagurasyon, layunin niyang ibangon ang bansa sa pamamagitan ng pagpapaunlad sa sektor ng kalusugan, solusyonan ang kakulangan sa pagkain, at iba pa.
Kaugnay nito, ipinangako niya sa taumbayan ang Php20 kada kilo ng bigas na tutugon umano sa patuloy na pagtaas ng bilihin. Gayunpaman, tila hindi maisasakatuparan ang pangakong ito sapagkat hindi pa rin niya maayos na maipaliwanag ang paraan upang pababain ang presyo ng bigas nang hindi umaasa sa pag-angkat. Sa pahayag ng dating Kalihim ng Department of Agriculture na si Emmanuel Piñol, hindi ito posible sa kasalukuyang ekonomiya ng bansa at maaari itong magdulot ng malaking pinsala sa pinansyal na kakayahan ng gobyerno.
Dagdag pa rito, sa nakalap na komento ng Rappler sa social media, maraming mamamayan ang nagnanais na marinig ang planong pang-ekonomiya ng Pangulo lalo na’t pumalo sa 6.1% ang inflation rate nitong Hunyo– pinakamataas na tala simula noong Nobyembre 2018. Bukod sa pagkontrol sa lumalalang presyo ng bilihin, ipinakita ng isinagawang sarbey ng Pulse Asia nitong Hunyo na nais ng mga Pilipino na talakayin ng Pangulo ang pagpapataas ng sahod ng mga manggagawa, solusyon kontra kahirapan, dagdag-oportunidad para sa trabaho, labanan ang katiwalian sa gobyerno, pagbibigay ng ayuda sa mga nawalan ng trabaho ngayong pandemya, at iba pa.
Bunsod ng patuloy na panawagan para sa sapat na subsidiya mula sa pamahalaan, napakalaking hamon para sa administrasyong Marcos ang pagkakaroon ng pondo, lalo na ngayon baon ang bansa sa utang matapos mag-iwan ng halos Php13 trilyong pagkakautang ang rehimeng Duterte. Sa pagkakataong ito, naghihintay ang mga mamamayang Pilipino na hindi matulad sa pangako ni Pangulong Marcos Jr. sa presyo ng bigas ang mga susunod niyang plano para sa kinabukasan ng bansa sa loob ng anim na taon.
Panawagan ng bansa
Sinisipat kung paano tutugunan ng bagong pangulo ang rumaragasang mga suliranin sa bansa. Bunsod nito, pinangangambahan ang labis na pagtaas inflation rate sa bansa ngayong Hunyo. Bagamat patuloy na tumataas ang kinikitang numero, sinasabing pasok pa rin ito sa 5.7% hanggang 6.5% na estimasyon ng Bangko Sentral. Gayunpaman, maituturing pa ring malaki ang agwat nito kompara sa naturang datos noong Hunyo 2021 nasa 3.7% inflation lamang. Kaakibat ng pagtaas nito ang daing ng mga mamamayan at ang siyang pag-arangkada ng presyo ng iba’t ibang bilihin. Ikinababahala rin ng karamihan ang labis na pagtaas ng palitan ng dolyar sa bansa na umaabot na sa humigi’t kumulang Php56.341 kada isang dolyar habang tinatayang bumaba sa 2.8% ang halaga ng Philippine Peso laban sa dolyar.
Sinusuri din ang mga solusyong ilalatag ng bagong administrasyon ukol sa mga suliraning maaaring makita sa pagpapatupad ng face-to-face na klase. Isa sa mga labis na binabantayan ang maaaring epekto nito sa hindi pa nareresolbahang krisis sa transportasyon. Matatandaang marami sa mga pampublikong sasakyan ang tumigil sa pamamasada dahil sa pandemya at sa labis na pagtataas ng presyo ng gasolina. Sa kabilang banda, nanganganib ding maubos ang supply ng enerhiya na nagmumula sa Malampaya natural gas fields sa taong 2024 na siyang isa sa mga pinagkukuhanan ng supply ng enerhiya sa Luzon. Sa mga nabanggit, inaasahang mabibigyang-pansin ng bagong administrasyon ang naturang mga sektor.
Tinitingnan din ang mga hakbangin na maaaring gawin ng bagong upong administrasyon sa mga naiwang ipinatatayong imprastraktura ng administrasyong Duterte. Tinatayang 77 pa ang mga imprastrakturang kasalukuyang ipinatatayo habang 27 naman ang bilang ng mga nakabinbin pa at hindi pa sinisimulan. Dulot ng mga ito, inaasahan ding marinig ng taumbayan ang tugon ng bagong administrasyon hinggil sa naiwang mga imprastrukturang kailangan matapos. Sa huli, sa balikat pa rin ng bagong administrasyon nakapataw ang kapalaran ng bansa—kung makaaalpas pa ba o patuloy ba itong masasadlak sa kahirapan.
Tinig ng mamamayan
Bagamat nagsisimula pa lamang ang administrasyong Marcos, nasaksihan at nadama kaagad ng mamamayang Pilipino ang kasagsagan ng mga suliraning panlipunan sa bansa. Kabilang dito ang pagtaas ng presyo ng langis na naging isa sa pangunahing dahilan ng inflation. Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Francis Llado, National Affairs Head Commissioner ng Benilde Central Student Government, ipinahayag niyang hindi pa rin niya nararamdaman ang mga pangako ng bagong pangulo. Bagkus, lumiliit lamang ang halaga ng mga laman ng pitaka ng mga Pilipino, lumalala ang sitwasyon ng pampublikong transportasyon, at tanging sama-samang paghihirap lamang ang pagkakaisang natamo at natatamo ng bansa.
Pagbabahagi ni Llado, labis na naging kalbaryo ang sistema ng transportasyon bunsod ng pagtaas ng presyo ng langis. Naging isa itong matinding pagsubok, lalo na sa kanilang siyudad na lubos na dumedepende sa mga sasakyan upang makarating sa iba’t ibang lugar. “Kahit tagaprobinsya kami, sobrang mahal talaga ng presyo ng langis na para bang pinagsusuntok kami kada bisita namin sa gas station. Kung pinili ko naman mag-commute, maliban sa mahihirapan na ngang sumakay dahil hindi accessible rito, sobrang haba palagi ng pila para lang makasakay sa bus,” dagdag niya. Kaya naman, maliban sa sosyo-ekonomikong lagay ng bansa, nais ni Llado na marinig ang konkretong plano ng Pangulo hinggil sa pampublikong transportasyon sa kaniyang kauna-unahang SONA.
Bagamat hinahangad ni Llado na talakayin ng Pangulo ang mga suliranin sa bansa na nangangailangan ng maagap na pagtugon, batid pa rin niyang mapupuno lamang ang talumpati ng kasinungalingan. Giit niya, ipapasa lamang ng Pangulo ang responsibilidad sa mamamayan, sa halip na hayaang akuin ng gobyerno ang mga ito. Ikinababahala rin niya ang posibleng pagtangka ng Pangulo na pabanguhin ang reputasyon ng kaniyang pamilya sa pamamagitan ng pagbaluktot ng kasaysayan.
“Marcos Jr., not my president,” pagtindig ni Llado.
Inaasahan ng bansa ang agarang pagtugon ng administrasyong Marcos sa mga suliraning nagdudulot ng paghihikahos ng mamamayan. Sa patuloy na pagsasawalang-bahala ng gobyerno sa mga suliraning ito, mas bumibigat lamang ang araw-araw na pasanin ng mga Pilipino. Sa pagharap ng mga Pilipino sa bagong pamahalaan, hindi nila dapat kalimutan ang kalupitang dinanas ng bansa sa bakal na kamay ng naunang rehimeng Marcos at huwag hayaang muli itong mamayagpag. Ika nga, “Never forget, never again.”
Nakasalalay ang kinabukasan sa tinig ng boses na maririnig sa Hulyo 25 at sa mga platapormang ilalatag dito. Hindi maikakailang marami pa rin ang binabalot ng takot at nagugulumihanan ngunit marami rin naman ang siyang nananatiling yumayapos sa ipinangakong pag-asa. Hindi natitiyak ang kinabukasang naghihintay sa kamay ng bagong administrasyon ngunit isa lamang ang isinisigaw ng kolektibong tinig ng karamihan—ito ang masidhing pagnanais na makamit ang isang mapagpalaya, ligtas, at inklusibong kinabukasan. Gaya nitong mga nakaraang taon, hangad ng mga Pilipino ang pagkakapantay-pantay—mula sa laylayan hanggang sa Malacañang.
#SONA2022