PINADAPA ng De La Salle University (DLSU) Green Archers ang Far Eastern University (FEU) Tamaraws, 65-49, sa kanilang unang tapatan sa Filoil EcoOil 15th Preseason Premier Cup, Hulyo 23, sa Filoil EcoOil Centre, San Juan City.
Umarangkada para sa Taft-based squad si Mike Phillips tangan ang 12 puntos, 11 rebound, isang assist, isang steal, at dalawang block. Kasamang umagapay kay M. Phillips si Bright Nwankwo matapos magtala ng 14 na puntos, pitong rebound, at isang block.
Sa kabilang banda, nanguna para sa FEU Tamaraws ang tambalang John Bryan Sajonia at Louell Jay Gonzales na may pinagsamang 20 puntos.
Kompletong dominasyon ang ipinamalas ng koponang green at white sa pambungad na kwarter mula sa jumper ni Big Mike Phillips, 2-0. Dagdag pa rito, nagtagumpay sa steal si Evan Nelle na nagsilbing tulay sa strong finish ni Cj Austria sa loob ng arko, 4-0. Hindi nagtagal, nagsimulang magpakilala ang kalalakihan ng Morayta sa pangunguna ni Cyrus Torres matapos bumitaw ng tres sa ika-5:56 mark, 5-3.
Bakas ang lumolobong numero ng turnovers dahilan nang mabagal na pag-usad ng kartada ng magkatunggali. Pilit na iniaahon ng Tamaraws ang kanilang koponan ngunit biglang bumulaga sina Joaquin Manuel at Nwankwo tangan ang siyam na kalamangan, 12-3. Nagpamalas din ng nakamamanghang tres si JC Macalalag upang selyuhan ang unang yugto, 15-8.
Sa pagbubukas ng ikalawang kwarter, ipinamalas muli ng Taft-based squad ang kanilang matinik na depensa sa kort. Bukod pa rito, tila umalab ang puso ng Green Archers matapos maging agresibo sa opensa. Rumatsada sina Nwankwo, Raven Cortez, Earl Abadam, at Mark Nonoy sa pagpuntos upang paralisahin ang laro ng FEU, 23-8.
Hindi naman nagpatinag si Kyle Bautista at pinatay ang momentum ng DLSU matapos magpakawala ng tirada sa labas, 23-11. Sa kabila nito, umarangkada ng tatlong magkasunod na puntos sina Macalalag at Nonoy, 29-15. Hindi rin nagpahuling magpakitang-gilas si Mur Alao sa kaniyang magandang pasa kay M. Phillips para sa isang mahalimaw na dunk, 31-15. Gayunpaman, hindi sumuko sina Sajonia, Royce Alforque, at Menard Songcuya matapos pumuntos bago matapos ang ikalawang kwarter, 31-24.
Sa pagbubukas ng ikatlong yugto, nagpaulan ng mga nagbabagang tres ang Tamaraws dahilan upang dumikit ang kanilang talaan sa Green Archers, 32-29. Hindi naman nagpasuwag si M. Phillips at nakakubra ng split free throws, 33-32. Sa pagpatak ng 7-minute marker, hirap makaposte ang Taft-based squad. Gayunpaman, nagising ang kanilang diwa matapos bumira ng fastbreak ang tambalang Austria at Cortez sa loob ng arko, 38-34.
Pinangunahan nina Nonoy, Nwankwo, at Cortez ang pagpuntos ng DLSU sa natitirang 2:23 minuto ng sagupaan. Dahil dito, nakapagtala ng 9-0 run ang kalalakihan ng Taft. Buhat nito, tuluyan nang kumalas ang depensa ng Morayta mainstays at dinomina na ng DLSU ang laban, 51-38.
Sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter, umalab ang laro ni Nelle matapos ipasok ang kaniyang jumper, 53-38. Sa kabilang banda, agad na nagparamdam si Mouhamed Faty matapos tapalan ang tirada ni Manuel sa ilalim. Kaakibat nito, ipinamalas muli ni kapitan Bautista ang kaniyang bagsik sa loob ng arko para sa FEU, 54-40. Gayunpaman, agad itong binawi ni Nwankwo matapos iparamdam ang kaniyang bagsik kontra kay Faty, 56-40.
Sa puntong ito, niratrat na ng Green Archers ang naghahabol na Tamaraws matapos gumawa ng 6-0 run. Natapal man ni Ximone Sandagon ang tira ni M. Phillips, agad namang nakabawi ang atleta nang ipamalas ang nakamamanghang Bigman connection kay Nwankwo, 62-40. Kaakibat nito, tangan na ng DLSU ang pinakamalaking kalamangan na 22 puntos sa buong laro.
Gayunpaman, hindi pa sumuko si Gonzales matapos subukang buhatin ang FEU matapos magpakawala ng tirada, 62-45. Hindi rin sumuko sa laban sina Alforque at James Tempra matapos magpakawala ng magkakasunod na tirada kahit kaunti na oras na lamang ang natitira sa bakbakan, 62-49. Kumakapit man ang FEU ngunit hindi na pumayag pa si Cortez matapos tuldukan ang laro mula sa kaniyang tirada sa labas ng arko, 65-49.
Sa panayam ng Ang Pahagayang Plaridel, ibinahagi ni M. Phillips ang kaniyang saloobin matapos manalo ng DLSU Green Archers sa unang laro sa torneo. “Masaya ako sa laro today, lalo na there’s a lot of people that is not actually here today. Kahit may mga pagkakamali kami sa game, may mga instances na medyo may mga lapses, pero all that nakukuha naman namin yung chemistry na gusto namin,” wika ng player of the game.
Hindi lingid sa kaalaman ng nakararami na isa lamang ang FilOil EcoOil Preseason Cup sa mga torneong kabilang ang Taft-based squad sa kasalukuyan. Buhat nito, iginiit ni Phillips na malaki ang naitutulong ng torneo sa nalalapit na pagbubukas ng University Athletic Association of the Philippines Season 85. Aniya, “Last season wala kaming preseason tournament at wala kaming tune up games so we really wanna use this to our advantage to really keep that chemistry and just get everybody familiar with each other.”
Subaybayan ang susunod na laro ng DLSU kontra San Beda College sa darating na Linggo, Hulyo 31, sa ganap na ika-5 ng gabi.
Mga Iskor:
DLSU 65: Nwankwo 14, Macalalag 12, M.Philipps 12, Cortez 8, Nonoy 7, Manuel 5, Austria 3, Nelle 2, Abadam 2
FEU 49: Gonzales 10, Sajonia 10, Songcuya 6, Alforque 6, Bautista 5, Tempra 3, Torres 3, Sandagon 2, Sleat 2, Faty 2
Quarterscores: 15-8, 31-24, 51-38, 65-49