NAGAPI ang opensa ng EcoOil-De La Salle University (DLSU) Green Archers kontra Apex Fuel-San Sebastian College Recoletos (SSC-R), 51-73, sa PBA D-League Aspirants’ Cup 2022, Hulyo 21, sa Smart Araneta Coliseum, Quezon City.
Napasakamay man ng Green Archers ang kanilang upset loss, sanib-puwersang nagpakitang-gilas ang tambalang Mike Phillips at Jcee Macalalag sa madla matapos humulma ng tig-11 puntos. Sinundan naman ito ni rookie big man Raven Cortez na nakapagtala ng anim na puntos.
Sa kabilang banda, pinangunahan ni Ichie Altamirano ang Apex Fuel tungo sa tagumpay matapos tumikada ng 15 puntos, limang rebound, at anim na assist. Nagsilbi namang pinakamahalagang bunot mula sa bench si Romel Calahat matapos makalikom ng 13 marker at pitong board.
Sumiklab din para sa SSC-R sina Rafael Are at Raymart Escobida matapos makapag-ambag ng pinagsamang 18 puntos kontra Green Archers. Mula rito, nananatiling buhay ang pag-asa ng nagwaging koponan na makapasok sa semifinals ng torneo.
Nagsilbing kalbaryo para sa Green Archers ang kanilang mga error at mintis na tirada. Kaugnay nito, nakapuslit ang SSC-R ng 16 na steal mula sa 30 turnover ng DLSU. Bunsod nito, waging makasibat ng sumatotal na 20 turnover point at 16 na fastbreak point ang Apex Fuel na nakaapekto sa naghihingalong opensa ng Taft-based squad.
Maagang namukadkad ang depensa ng Apex Fuel sa unang kwarter matapos paralisahin ang daloy ng atake at ikot ng Green Archers. Buhat nito, nagkamit ng sunod-sunod na mintis na tirada ang DLSU na pumabor sa umaatikabong opensa ng katunggali, 24-13.
Pagdako ng ikalawang kwarter, kagila-gilalas na nakabawi ang Green Archers kontra sa kanilang katunggali. Tila napadpad ang sumpa ng patay-sinding opensa ng DLSU tungo sa SSC-R matapos makabuo ng momentum ang mga nakaberde. Bunsod nito, tinuldukan ng Green Archers ang ikalawang kwarter sa dikit na talaan, 33-27.
Gayunpaman, magkasalungat na tadhana ang naging tema ng ikatlong kwarter matapos magiba ng opensa ng SSC-R ang itinayong depensa ng DLSU mula sa nakalipas na serye. Kaugnay nito, tila sinalanta ng mga alas ng DLSU ang sariling kampanya nang magtamo ng magkakasunod na turnover, 38-53.
Pagdako ng huling kwarter, tila pinanghinaan na ng loob ang Green Archers at madali nang napasakamay ng SSC-R ang kanilang malabundok na kalamangan. Sinubukang mang makabawi ng DLSU, tuluyan nang tinuldukan ng SSC-R ang laban sa iskor na 51-73.
Hindi naman inaasahan ni head coach Egay Macaraya ang ipinakitang laro ng SSC-R nang matalo ang DLSU tangan ang malaking kalamangan. “It’s surprising but I have to give credit to the boys kasi alam ko kung gaano kahirap ‘yung ginawa nilang depensa,” pagbabahagi ni Macaraya sa kaniyang postgame interview. Matatandaang malakarbaryong napasakamay ng DLSU ang kanilang 30 turnover at 38% clip bunsod ng pinaigting na depensa ng SSC-R.
Abangan ang susunod na laban ng DLSU kontra Wangs Basketball @26-Letran Knights sa darating na Martes, Hulyo 26, sa ganap na ika-1:00 ng hapon.
Mga iskor:
Apex Fuel-San Sebastian 73: Altamirano 15, Calahat 13, Are 9, Escobido 9, Una 8, Villapando 5, Sumoda 5, Shanoda 5, Desoyo 2, Yambing 2, Felebrico 0.
EcoOil-La Salle 51: M. Phillips 11, Macalalag 11, Cortez 6, Manuel 5, Austria 5, Nwankwo 5, Buensalida 4, Alao 3, Estacio 1, Escandor 0.
Quarterscores: 24-13, 33-27, 53-38, 73-51.