NAGTAGUMPAY ang EcoOil-De La Salle University (DLSU) Green Archers matapos magapi ang lason ng Centro Escolar University (CEU) Scorpions, 76-65, sa PBA D-League Aspirants Cup 2022, Hulyo 15, sa Ynares Center, Antipolo, Rizal.
Umarangkada para sa Taft-based squad si CJ Austria tangan ang kaniyang 18 puntos, tatlong rebound, at apat na assist. Kaugnay nito, hindi nagmintis si Austria sa kaniyang 2-point field goals nang makamtan ang 100% talaan mula sa pitong tirada. Umagapay rin sin Bigman Mike Phillips matapos umukit ng 12 puntos, 11 rebound, dalawang steal, at dalawang block.
Nanguna naman para sa CEU si Jerome Santos nang magtala ng 16 na puntos, apat na rebound, apat na steal, at dalawang block.
Ipinamalas ng dalawang koponan ang kanilang bilis at matinding depensa sa pagbubukas ng unang yugto. Umarangkada agad si Bright Nwankwo nang ipamalas ang bagsik sa rebound at maipasok ang nakamamanghang hook shot, 2-0. Sumiklab din si Emman Galman matapos makapag-ambag ng dalawang magkasunod na puntos kalakip ang mga bonus free throw, 8-5. Nagpakitang-gilas naman si Austria matapos gumawa ng nakamamanghang euro step, 10-9.
Hindi naman nagpahuli si Santos matapos kumamada ng dalawang magkasunod na fast plays at tirada upang masungkit ang kalamangan para sa CEU, 10-11. Nag-iba naman ang tempo ng Green Archers nang ipasok si Mur Alao. Sunod nito, ipinamalas ni Alao ang kaniyang nakamamanghang tira at mga pasa na nagresulta sa pagpuntos nina Joaqui Manuel, Phillips, at Austria, 19-15.
Bukod pa rito, nagpakitang-gilas si Phillips matapos bumulusok ng isang malahalimaw na block kontra kay Lenard Santiago. Sinubukan man ng CEU na habulin ang iskor ng DLSU ngunit hindi na nagpaawat pa si Alao matapos magpakawala ng tirada sa ilalim sa pagtatapos ng unang kwarter, 21-17.
Tila nagpatuloy ang init ni Austria matapos buksan ang ikalawang kwarter sa kaniyang mid-range jumper, 23-17. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Scorpions matapos sumiklab si Santos at ang kanilang import na si Ayodeji Balogun nang tibagin ang depensa ni Phillips, 23-21. Sa kabila nito, umalab ang puso ni Phillips nang tumikada ng malahalimaw na block. Hindi rin nagpaawat ang naturang big man matapos gumawa ng nakamamanghang spin move at basagin ang depensa ni Balogun, 25-21.
Lumobo ang iskor ng Green Archers matapos ang kaliwa’t kanang pagpuntos nina Austria, Phillips, at Penny Estacio sa loob, 31-23. Hawak man ng DLSU ang kalamangan, agad namang bumulusok ng 8-0 run ang CEU Scorpions upang itabla ang bakbakan, 31-all. Siniguro naman ni Estacio na mapunta ang kalamangan sa DLSU matapos magpakawala ng mainit na tirada mula sa labas bago matapos ang ikalawang kwarter, 39-36.
Sa pagpasok ng ikatlong kwarter, agad na bumulusok si Franz Diaz sa pagpapakawala ng tirada sa labas ng arko, 39-all. Nasungkit man ni Karl Peñano ang kalamangan para sa CEU, agad naman itong itinabla ni Phillips matapos ang umaatikabong mid-range jumper, 41-all. Sa kabilang banda, sumiklab si Balogun para sa Scorpions matapos maging agresibo sa paint. Buhat nito, pinagsabay na ng Green Archers sina Phillips at Nwankwo sa loob.
Tila nakadena agad si Balogun at hindi na umubra pa ang kaniyang opensa sa loob. Hindi naman natinag si Lenard Santiago sa depensa matapos magpakawala ng nakamamanghang tirada mula sa labas ng arko, 43-46. Agad itong sinundan ng steal at pagpuntos ni Santos na nagbigay ng 5-point lead sa CEU, 43-48. Nahabol naman agad ito ng DLSU matapos maipasok nina Manuel at Nwankwo ang kanilang mga free throw, 47-48.
Nagpakitang-gilas muli si Nwankwo matapos bakuran ang tirada ni Balogun. Dagdag pa rito, umariba muli si Austria na sinamahan pa ng isang nakamamanghang three pointer ni Ice Blanco sa pagtatapos ng ikatlong kwarter, 52-50.
Bumulusok agad sa pagbubukas ng ikaapat na kwarter ang CEU matapos ang kaliwa’t kanang tirada nina Santos at ang makamandag na three-pointer ni Ronrei Tolentino, 54-57. Gayunpaman, agad bumawi ang tambalang Estacio at Austria para sa DLSU upang idikit ang bakbakan, 58-59. Nagpakawala naman si Manuel ng mainit na tirada sa labas upang masungkit ang kalamangan para sa Green Archers, 61-59.
Bukod pa rito, agad namang sumiklab si Nwankwo matapos ang isang mahalimaw na dunk, 63-59. Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Taft-based squad na tapusin ang bakbakan matapos ang magkakasunod na pagpapaulan ng tirada sa loob o labas ng armo. Hindi naman sumuko si Tolentino matapos pumuntos sa ilalim ngunit agad itong sinagot ni Aaron Buensalida, 76-61. Sinubukan mang humabol ng CEU, nanaig pa rin sa dulo ang DLSU, 76-65.
Abangan ang susunod na laban ng DLSU kontra Apex Fuel San Sebastian College sa darating na Huwebes, Hulyo 21, sa ganap na ika-12:30 ng hapon.