ISINAPORMAL sa sesyon ng Legislative Assembly (LA) ang pagbitiw ni John Andre Miranda bilang chief magistrate at mahistrado ng University Student Government Judiciary (USG-JD), Hulyo 1. Tinalakay rin ang pagpapatuloy ng operasyon ng USG sa mga darating na termino kaugnay ng mga pagbabagong ipinatupad sa akademikong kalendaryo ng Pamantasan at ang pagluklok kay Dani Solis bilang CATCH2T24 batch vice president.
Pagbitiw sa panunungkulan
Nagsimula ang sesyon sa pagbibitiw ni Miranda matapos makaranas ng problemang teknikal si Lana Leigh Santos, batch legislator ng CATCH2T24 at tagapagtaguyod ng unang resolusyon. Samantala, inihayag ni Jericho Jude Quiro, FAST2018 at tagapagtaguyod ng resolusyon ukol kay Miranda, ang mga naging proseso sa pagbitiw ni Miranda mula sa kaniyang posisyon.
Ibinahagi ni Quiro na inaprubahan ng Magistrates En Banc ang Judicial Administrative Order No. 2022 – 002 (2022) at Resignation Guidelines for Magistrates nitong Hunyo 21 bilang katumbas ng USG General Procedural Guidelines. Kaugnay nito, pormal nang iniluklok ng USG-JD si Deputy Chief Magistrate Rachel Marie Tolentino bilang Acting Chief Magistrate upang humalili sa posisyon ni Miranda sa darating na Summer Term.
Paglalahad ni Miranda, inaasahan na makokompleto na niya ang mga yunit sa kaniyang digri sa pagtatapos ng kasalukuyang termino kaya hindi na siya maituturing na bona fide na estudyante ng Pamantasan. Dagdag pa niya, nakatakda na rin siyang magsimula sa pag-aaral ng abogasya at kakailanganin nito ang kaniyang buong atensyon.
“I believe it would be very improper for me to continue holding this very important position while my mind is conditioned and occupied with the onerous demand of my next venture,” paglalahad niya. Binigyang-pagkakataon din si Miranda na ipahayag ang kaniyang karanasan bilang mahistrado at estudyante upang magsilbing inspirasyon sa mga dumalo at bigyang-diin ang mga naisakatuparang proyekto sa kaniyang termino.
Aminado si Miranda na ikinagulat niya ang kawalan ng kamalayan ng mga estudyante ukol sa kaniyang posisyong hinahawakan noong nagsisimula pa lamang siyang magsilbi bilang mahistrado sa USG-JD. “I had to compensate through my performance as a magistrate and show the entire studentry how important it is to have the Judiciary branch and operation,” wika niya kaugnay ng pagkabigo sa kaniyang unang pagganap bilang mahistrado sa appointment hearing ng USG-JD.
Ipinaalam din niyang nasangkot siya sa isang administratibong kontrobersiya sa kaniyang unang kasong administratibo sa ilalim ng panunungkulan ni dating Chief Magistrate Clifford Martinez. Aniya, kawalan ng karanasan sa paghawak ng kasong may kinalaman sa warring parties ang dahilan nito na nagdulot ng kontrobersiya sa loob ng pamayanang Lasalyano. Ginamit niya rin ang pagkakataong ito upang mas pagbutihin ang kaniyang trabaho at panatilihin ang kaniyang pananagutan at propesyonalismo.
Ipinahayag din niya ang mga naisakatuparang proyekto sa kaniyang termino. Kabilang sa mga naturang proyekto ang pagkakaroon ng 60 opisyales, pagpapabuti ng Rules of Court at Rules of Internal Governance, pakikisangkot sa pambansang isyu, at paglulunsad ng Sine Qua Non. “I realized that I was indeed better off when I first started and faced all of the legislators back in 2019,” pagtatapos niya.
Inaasahan namang magsisilbing consultant sa USG-JD si Miranda hanggang Hulyo 10. Layon niyang bigyang-tuon ang pagpapabuti sa kasalukuyang programa ng mga nagsasanay sa USG-JD at tiyaking kakayanin ang kahaharaping mga kaso at konsultasyon. Ipinatawag din si Tolentino upang bigyang-linaw ang kaniyang mga plano para sa USG-JD kaugnay ng pagbitiw ni Miranda.
Ipinaliwanag ni Tolentino na ipagpapatuloy at isasaayos niya ang mga proyekto ni Miranda sa kaniyang termino, partikular na ang programa ng pagsasanay at ang Rules on Evidence at Data Privacy Act. Paglalahad niya, layon niyang mas mapabuti ang aplikasyon ng mga natutuhan ng mga nagsasanay sa USG-JD at mahasa sa procedural trainings. Sinigurado rin niyang matutupad ang lahat ng kaniyang mga plano sa kabila ng maikling oras dahil na rin sa pagliban niya ng Summer Term.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 19 for, 0 against, at 0 abstain.
Pagpapatuloy ng operasyon ng USG
Sumunod namang tinalakay sa sesyon ang natitirang operasyon ng USG sa darating na Summer Term at unang termino ng susunod na akademikong taon. Inusisa ito bunsod ng mga ipinatupad na pagbabago sa akademikong kalendaryo ng DLSU at planong pagsasagawa ng malawakang face-to-face na klase sa darating na unang termino.
Kaugnay nito, inilatag ni Chief Legislator Francis Loja ang resolusyon ukol sa mga inaasahang gawain ng opisyales sa mga susunod na termino. Una niyang binanggit ang pagpapalawig ng termino ng opisyales at pagbabago sa tuntunin kaugnay ng pagbibitiw sa kanilang posisyon. Wika niya, lubos na maaapektuhan ng bagong paraan ng pagkatuto ang paraan ng paghahatid ng USG ng mga serbisyong pangmag-aaral.
“Term of incumbent officers shall be extended until such time that matters pertaining to their term of office requires representation to the studentry,” diin pa niya ukol sa pagtatapos ng termino ng mga opisyal sa Term 1 ng AY 2022-2023. Subalit, pahihintulutan naman ang pagbitiw ng opisyal kung makapaglalatag sila ng makatuwirang dahilan, tulad ng isyung pangkalusugan at pormal na pagtatapos sa Pamantasan.
Nilinaw rin niya na kinakailangang magpasa ang bawat opisyal ng USG ng recommitment forms kada termino sa kani-kaniyang yunit. Sa kabilang banda, pansamantalang ipagpapaliban ang pagsasagawa ng General Elections ngayong taon. Magpapasa naman ang DLSU Commission on Elections (COMELEC) ng electoral calendar at pagbabago sa Omnibus Election Code sa Hulyo 20.
Subalit, itinaas ni Quiro ang alalahanin ukol sa pagkakasabay ng magiging termino ng mga bago at dating opisyales ng USG kaugnay ng nakalahad sa Appendix C. Aniya, mas maiging bigyan na lamang ng pansamantalang kapangyarihan ang mga opisyal upang tumugon at pangasiwaan ang mga alalahanin ng kapwa estudyante sa Term 1. Tugon naman ni Sebastian Diaz, CATCH2T25, maging espesipiko na lamang na magtatapos ang kanilang termino sa oras na magkaroon na ng mga bagong halal.
Nilinaw rin ni Tiffany Chua, BLAZE2023, ang nilalaman ng recommitment forms na kinakailangang isumite. Bunsod nito, nagsagawa ng hiwalay na pagpupulong ang lupon ng batch legislators para dito at napagpasiyahan na ilalakip ang mahahalagang detalye ukol sa opisyales at ang kompirmasyon ng recommitment.
Ipinasa ang resolusyon sa botong 19-0-0.
Paghirang ng bagong opisyal
Bago magtapos ang sesyon, iniluklok bilang Batch Vice President ng CATCH2T24 si Solis matapos makatanggap ng botong 19-0-0. Pagbabahagi niya, layon niyang ipagpatuloy ang mga proyektong nasimulan ng kaniyang batch at bigyang-pansin ang pagpapabuti sa estado ng paghahatid ng serbisyong pangmag-aaral. Magsasagawa rin siya ng Culminating Activity sa unang termino upang magkakakilala ang bawat miyembro ng kanilang batch bilang paghahanda na rin sa gaganaping face-to-face na klase.
Ipinahayag naman ni Loja sa pagtatapos ng sesyon ang pagkakaroon ng alignment meeting ukol sa pagpapatuloy ng kanilang operasyon sa darating na mga termino. Gayundin, kinonsulta niya si Quiro sa posibleng iskedyul ng kaniyang Legislator’s Exam sa darating na Term Break.