INIHANDOG ng University Student Government Judiciary (USG-JD) sa pamayanang Lasalyano ang Sine Qua Non: The Importance of the Judiciary in the Philippine Legal System, Hunyo 4. Layon nitong maibahagi ang umiiral na sistema ng hudikatura ng bansa at maiparating ang kahalagahan ng batas sa pagpapatakbo ng lipunan. Itinampok dito ang tatlong abogado na sina Atty. Charmaine Alovera, Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno, at Judge Ma. Christina Lim.
Katangian ng isang abogado
Inumpisahan ni Alovera ang programa sa pamamagitan ng pagbibigay-kahulugan sa salitang Sine Qua Non. Aniya, “Sine Qua Non means an essential condition. . . it is a thing that is absolutely necessary.”
Para sa kaniyang presentasyon, nagbahagi si Alovera ng mga katangiang dapat ipamalas ng mga naghahangad na maging abogado. Unang niyang ipinunto na kinakailangan nilang mahalin ang kanilang trabaho.
Dagdag pa ni Alovera, dapat ding linangin ng mga abogado ang kanilang malasakit para sa mga kliyente at maipakita ang kanilang pakikisama. Kaugnay nito, pinahahalagahan din niya ang kakayahan ng isang tao na makinig at umunawa dahil isa ito sa mga pundasyon ng kanilang propesyon.
Pinaalalahanan din niya ang mga tagapakinig na kinakailangan nilang maging matatas at maalam sa mga umiiral na batas ng bansa. Kabilang din sa mga puntong inilatag ni Alovera ang pagkakaroon ng malinis at malinaw na paraan ng pagsusulat.
Hinikayat din ni Alovera ang mga nagnanais na maging abogado na maging malikhain at magkaroon ng mahusay na pagpapasya. Aniya, “Successful lawyers must prepare clear and well-prepared legal documents. . . [Lawyers must also think of] outside the box solutions.”
Paalala ni Alovera, “Do not quit. . . Do not stop when you are tired but when you are done. . . Bend but do not break. . . Winners are those who do not fail to quit.”
Kasaysayan ng hudikatura
Ibinahagi naman ni Lim sa ikalawang bahagi ng programa ang kasaysayan ng hudikatura sa bansa. Pagsisimula niya, “The Philippines underwent many changes in its judicial system starting from before the Spaniards came in, until we gained our independence.”
Aniya, nakabatay lamang sa kaugalian at tradisyon ang mga ipinatutupad na batas ng mga katutubong Pilipino. Pagpapaliwanag ni Lim, napalawig ang hudikatura ng bansa nang mabuo ang 1935 Saligang Batas na nakaangkla sa sistemang-politikal ng Estados Unidos.
Dagdag pa ni Lim, higit ding nakaapekto sa kalagayan ng hudikatura ng bansa ang deklarasyon ng batas militar sa ilalim ng panunungkulan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Sr. na naging daan upang maisapormal ang 1973 Saligang Batas.
Kinalaunan, nagsilbi ring mitsa ng pagbabago ang rebolusyonaryong pamahalaan na pinamunuan ni dating pangulong Maria Corazon Aquino na nagpatibay ng 1987 Saligang Batas. Ani Lim, “By reason of our experience from the Martial Law days, the 1987 Constitution has in place specific safeguards to ensure the independence of the judiciary.”
Pagpapahalaga sa batas
Binigyang-linaw ni Lim ang katanungan hinggil sa kahalagahan ng mga ipinatutupad na batas sa lipunan. Para sa kaniya, “We have laws in place to ensure order, the very basis for the existence of a civilized society. The law is the glue that binds one social unit to the next and ensures the survival of society.”
Pinalawig ni Lim ang kaniyang punto sa pamamagitan ng paggamit ng sistema ng USG-JD bilang halimbawa. Wika niya, “Both the DLSU Judiciary and the Philippine legal system have one common goal, we ensure the good order in our community.”
Tinalakay rin sa ikalawang bahagi ng programa ang tungkulin ng mga batas sa pag-unlad ng isang lipunan. Aniya, “The law cannot exist in a vacuum and necessarily must adapt and change with the times. If it remains stagnant and does not keep up with change, it becomes obsolete and useless.”
Matapos niyang maipaliwanag ang tungkulin ng batas sa pag-unlad ng lipunan, ikinuwento naman ni Lim ang kaniyang karanasan bilang isang abogado. Pagbabahagi niya, nagsimula siya bilang isang private lawyer bago siya nanilbihan sa Office of the Solicitor General. Sa kasalukuyan, nagtatrabaho siya bilang Regional Trial Court Judge sa Lungsod ng Pasig.
“As a judge, I am expected to rule on the evidence and determine the person’s rights without fear or favor, and expected to apply the law based on the set of facts that I determined to be true,” pagbabahagi ni Lim.
Pagkamit ng hustisya
Naging sentro naman ng pagbabahagi ni Diokno ang perspektiba ng mga Pilipino sa hustisya. Aniya, “Filipinos value justice in the same way that we value our basic rights.”
Ngunit sa kabila nito, iginiit niyang marami pa ring kinakailangang pagtuunang-pansin sa kasalukuyang sistema ng bansang upang higit na mapadali ang pagkamit ng hustisya. “When we speak of justice and only a few people can access it, then it is not really justice at all,” pagdidiin ni Diokno.
Naglatag din si Diokno ng ilang hakbang upang mapabuti ang sistemang ipinatutupad ng bansa pagdating sa hustisya. Kabilang dito ang paglalaan ng mas malaking pondo sa hudikatura. Liban pa rito, ipinunto rin niya ang kakulangan ng mga hukom na nagiging sanhi ng mabagal na paglilitis ng mga kaso.
Kabilang din sa mga suhestiyong ibinahagi ni Diokno ang pagpapatibay ng katarungang pambarangay o ang batas na nangangasiwa sa pagdinig sa bawat panig ng mga residente ng isang barangay.
“I truly believe that the biggest obstacle to our development as a nation is the fact that our justice system is not yet capable of delivering justice to the ordinary Filipino,” pagtatapos ni Diokno.