BINIGYANG-KULAY ng Animusika 2022 ang pagtatapos ng mahigit isang linggong selebrasyon ng Pamantasan at ng mga Lasalyano ng University Vision-Mission Week (UVMW), Hunyo 25. Pinangunahan ng UVMW Central Committee ang kauna-unahang face-to-face concert ng Pamantasan makalipas ang dalawang taon sa tulong ng iba’t ibang opisina, kabilang ang Office of the Vice President for Lasallian Mission at Office of Student Life.
Pag-alab ng diwang Lasalyano
Sa paunang salita ng mga UVMW project head na sina Elle Gaoat, Jaszmin Latonio, at Wainah Joson, ipinaliwanag nila ang pinagmulan ng tema ng selebrasyon para sa taong ito.
Anila, hango ito sa linya mula sa Pambansang Awit ng Pilipinas na “. . . alab ng puso, sa dibdib mo’y buhay.” Paliwanag ni Gaoat, “Translating [the lyrics] into fervor burning. . . that intense and passionate feeling is what drives our souls to push forward and lead with faith, communion, and service.”
Dagdag pa ni Latonio, hinahangad nila na patuloy na linangin ng bawat Lasalyano, sa tulong ng UVMW, ang diwa ng “Tatak Lasalyano” na natututo sa mga pangyayari ng nakaraan at naninindigan sa kanilang pananalig at pagkakakilanlan.
Nagliliyab na gabi ng pagsasaya
Iba’t ibang pangkat mula sa loob at labas ng Pamantasan ang nagtanghal sa Animusika 2022. Kabilang na rito ang De La Salle University (DLSU) Animo Squad na sumalubong at nagturo ng ilang cheer sa mga manonood. Kabilang din sa mga tagapagtanghal ang La Salle Dance Company – Street na nagpakitang-gilas sa saliw ng mga remix, tulad ng “We Will Rock You” at “Jesus Walks.”
Hinarana rin ang mga manonood ng mga Lasalyanong mang-aawit, gaya nina Adrian Exconde, Izzie Epifanio, at gitaristang si Joaquin Rigonan mula sa Green Music Collective. Kinantahan din sila nina Charizza Acuña at Nina Espiritu mula naman sa DLSU Innersoul.
Iba’t ibang banda rin ang nagpasiklab ng gabi ng mga Lasalyano. Isa rito ang atmospheric pop band na MarsMango na nanghumaling sa mga Lasalyano gamit ang kanilang mga awitin, tulad ng “Iingatan Ka,” “Nasa’n Ka, Oh Luna?” at “Sa Panaginip.” Inawitan din ni Ace Banzuelo ang mga manonood sa kaniyang pagtatanghal ng “Alive,” “Like Like You,” at “Muli” at cover ng kantang “Can’t Feel My Face.”
Nagtanghal din para sa Animusika 2022 ang alternative pop band na Any Name’s Okay gamit ang kanilang mga kantang “Clouds,” “Orasan,” “Discovery,” at “Yugto.” Kanila ring inalay ang kantang “Vivid” para sa mga taong patuloy na hinahanap at tinutupad ang kanilang mga pangarap sa buhay.
Dinala naman ni Clara Benin ang mga Lasalyano sa kalawakan sa kaniyang mga awitin tulad ng “blink,” “Tila,” “Wine,” at “Parallel Universe.”
Nagtanghal din ang tanyag na bandang Rivermaya ng kanilang mga kilalang awitin tulad ng “Elesi,” “Umaaraw, Umuulan,” “214,” “You’ll Be Safe Here,” “Awit ng Kabataan,” “Kisapmata” at bagong kantang “Casino.” Inalay rin nila ang mga kantang “Liwanag sa Dilim” para sa mga Lasalyanong nangarap at patuloy na nangangarap ng gobyernong tapat para sa bayan.
Natapos ang Animusika 2022 at ang selebrasyon ng UVMW sa pasasalamat ng mga UVMW project head. Pinasalamatan nila ang lahat ng mga tumulong upang maisakatuparan ang kabuuan ng UVMW, mula sa central committee hanggang sa lahat ng mga sponsor, at sa mga Lasalyanong nakadalo at nakiisa sa patuloy na pagliyab ng diwa ng pagiging Lasalyano.
Pagsasakatuparan ng Animusika 2022
Sa naging panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) sa mga tagapamahala ng Animusika 2022, ibinahagi ni Jason Alcalde, team head for programs management, na naging hamon para sa kanila ang pagpili ng moda na pagdarausan ng UVMW dahil sa banta ng pandemya. Pahayag niya, kinailangan nilang gumawa ng ilang plano upang masigurong mabibigyan nila ang pamayanang Lasalyano ng karanasang hindi nila malilimutan.
Ipinahayag naman ni Alyssa Joie Tablada, team head for crowd management, na naging pokus ng kaniyang komite ang publicity at crowd control ng mga programa. Kaugnay nito, gumawa sila ng publicity plan upang mabisang maipabatid sa mga Lasalyano na magbabalik na sa face-to-face ang ilang aktibidad ng UVMW at nakipag-ugnayan din sila sa administrasyon ng Pamantasan para sa mga safety at foot traffic guidelines.
Ayon kina Alcalde at Tablada, nag-atas sila ng safety marshalls para pangasiwaan ang pagpapatupad ng health protocols sa buong programa. Bukod pa rito, tiniyak din nila na dumaan muna sa swab test ang mga host at performer bago sila pinayagang umakyat ng stage para masiguro ang kaligtasan ng lahat.
Inihayag din ng mga tagapamahala ang kanilang naramdaman sa pagkakaroon muli ng ganitong pagtitipon sa Pamantasan. Paliwanag ni Alcalde, isa itong “surreal” na karanasan dahil bukod pa sa pagpapakita ng mahal para sa Original Pilipino Music, nagsilbi rin itong pagkakataon upang makilala ng mga estudyante sa personal ang mga taong nakasasalamuha lamang nila sa birtwal na midyum.
Pagbabahagi naman ni Tablada, “Ang tagumpay na ito ay parang isang pangako ng Pamantasan sa buong pamayanang Lasalyano na unti-unti nating mararanasang muli ang nakagisnang kultura pagdating sa student activities. Ikinararangal ko at ng buong central committee ng UVMW na pangunahan ang ganitong kalaking event.”
Nakapanayam din ng APP si Elle Gaoat, isa sa mga project head ng UVMW, upang hingin ang kaniyang mensahe para sa mga Lasalyano matapos ang naging takbo ng selebrasyon. Aniya, lubos silang nagpapasalamat sa buong pamayanang Lasalyano sa pagtutok, pagsuporta, at paglahok sa lahat ng aktibidades ng UVMW.
Paalala pa ni Gaoat, “So as we close this chapter, keep the fire burning alive, panatilihing umaalab ang puso, pananalig at pagkakaisa nating Lasalyano!”
Pananabik ng mga ID 120
Sa kabilang banda, inalam din ng APP ang saloobin ng mga estudyante ukol sa pagbabalik ng face-to-face na Animusika matapos ang dalawang taong pagsasagawa nito online.
Isinaad ni Nathalie Villademosa, ID 120 ng kursong BS Civil Engineering, na naisapuso niya ang pagiging Lasalayano sa pagdalo sa Animusika dahil ito ang unang school event na kaniyang napuntahan. Wika niya, “Masasabi ko na iba pa rin talaga ang buhay kolehiyo kapag nararanasan mo ‘to in-person, at hindi sa online lamang.”
Inilahad naman nina Villademosa at Darius*, isa ring ID 120 na kumukuha ng kursong BS Civil Engineering, tunay silang nasiyahan sa naging kinalabasan ng Animusika 2022. Dagdag pa ni Villademosa, ang mga inimbitahang performer, nakaplanong aktibidad, at nakasamang mga kaibigan ang lalong nagpasigla sa programa.
Ayon kay Darius*, natuwa siyang makatapak muli sa kampus dahil naganahan siyang mag-aral at pumasok, bilang isang ID 120 sa darating na face-to-face na klase. Para naman kay Villademosa, pumunta siya sa Animusika hindi lamang para sa performers kundi para din maranasan ang pagiging bahagi ng pamayanang Lasalyano. Aniya, “Isa ito sa mga hindi ko makalilimutan na karanasan, at isa pa lamang ito sa mga alaalang bubuuin ko pa kasama ang mga kaibigan ko.”
*hindi tunay na pangalan