7,640—ito ang bilang ng mga pulong kasalukuyang bumubuo sa bansang Pilipinas. Sabay sa simoy ng hangin at alon ng katubigan ang pagragasa ng kultura—mula sa mga himig at kuwentong ipinapasa nang pasalita, hanggang sa mga sayaw at pistang patuloy pa ring isinasayaw at ipinagdiriwang sa kasalukuyan. Bagamat kapansin-pansin ang yamang taglay ng ating kolektibong kalinangan, batid din ang realidad na humaharap ito sa sari-saring pagbabago dala ng iba’t ibang salik na umuusbong sa pagdaan ng oras.
Upang mabigyang-pokus ang ating dinamikong kultura, hatid ng La Salle Dance Company-Folk ang programang pinamagatang Biyahe sa Pulo, isang cultural lecture series na tumatalakay sa iba’t ibang aspekto ng kulturang Pilipino sa modernong panahon, pati na rin sa mga adbokasiyang isinusulong para sa ating mga alagad ng sining. Ginanap ito nitong Hunyo 25 at 26. Sabay-sabay nating linangin at silipin ang kasalukuyang estado ng ating kultura mula sa ating mga alagad ng sining mula sa iba’t ibang sektor at pulo ng Pilipinas.
Pagdadalumat ng indayog at sayaw
Sa unang bahagi ng programa na pinamagatang Baylehan sa Ilalim ng Buwan, tinalakay ni Dr. Patrick Alcedo, filmmaker, dance ethnographer, at anthropologist, ang mga gawain sa isang akademikong karera sa dance studies at pananaliksik. Una niyang tinalakay ang pista ng Ati-atihan sa Aklan. Bilang isang kapistahan, masasabing moderno ang Ati-atihan sa kabila ng relihiyosong ugat nito. “It is a modern nomenclature because based on my research it was actually not known as Ati-atihan, it was known as Santo Niño. . . Then in the 60s, in the late 60s, it was changed to Ati-atihan to make it more national as part of the cultural tourism project at that time, and to bring in not only Catholics but also non-Catholics into the festivities,” ani Alcedo. Ibinahagi rin niyang nananalaytay sa Ati-atihan ang iba’t ibang aspekto ng kolonisasyon ng Amerika sa bansa.
Kaniya ring tinalakay ang kaniyang saliksik na pinamagatang Sacred Camp: Transgendering Faith in a Philippine Festival. Nakapokus ang saliksik sa kaniyang guro sa ballet na isang kilalang personalidad ng Ati-atihan. Nasipat ng kaniyang artikulo ang koneksiyon sa pagitan ng kaniyang paniniwala bilang isang Katoliko at isang lalaking Folies Bergere Chorus Girl.
Sunod naman niyang ibinahagi ang mga karanasan niya bilang isang folk dancer sa Canada. Aniya, sa kaniyang pagsama sa grupong Culture Philippines of Ontario, mas lumubog siya sa pananaliksik ng Folk Dances. Naging artistic director din siya ng grupo noong sumali sila sa ilang dance competitions sa Spain.
Panghuli, tinalakay naman ni Alcedo ang mga karanasan niya bilang isang filmmaker, at ang mga salik na nag-udyok sa kaniyang gumawa ng mga dokyumentaryo. Nagsimula ang pag-igting ng kaniyang interes sa documentary filmmaking noong 2009 nang tanggapin ng New York Times ang kaniyang entry na pinamagatang Boxing To Be The Next Pacquiao. Pagkatapos nito, gumawa siya ng ilan pang dokumentaryong nakasentro sa kulturang Pilipino at buhay ng mga mananayaw, tulad ng Ati-atihan Lives noong 2013 at Dancing Manilenyos noong 2018.
Pag-abot sa mga tala
Pinamagatang Adlawbokasiya ang ikalawang bahagi ng programa na umikot sa tema ng edukasyon para sa mga alagad ng sining. Pinangunahan ito ni Jennifer Bonto, executive director ng Artist Welfare Project Inc. (AWPI). Bilang isang creative sa kasalukuyan, hindi rin naging madali ang pag-abot ni Bonto sa kaniyang mga pangarap. Kagaya ng halos lahat ng nagnanais tahakin ang landas na alay ng sining, narinig din ni Bonto ang katagang “Walang pera diyan [sa sining].” Dahil dito, pansamantala ring tinalikuran ni Bonto ang pasyon para sa paglikha at piniling mag-aral ng Agricultural Engineering sa kolehiyo ayon sa nais ng magulang.
Gayunpaman, tunay ngang hindi kailanman mapapawi ang nag-aalab na pagmamahal ng isang manlilikha para sa sining. Paglalahad ni Bonto, ipinanganak tayong malikhain at isang parte ito ng ating pagkatao na hindi basta maiwawaksi. Nagsisimula ito mula sa ating pagkabata, nauuna tayong matutong sumayaw at kumanta bago magbilang at magbasa—isang manipestasyon ng ating natural na pagkagiliw sa sining. Kaya naman, matapos mapagtagumpayan ang pag-aaral ng kursong ninais ng mga magulang para sa kaniya, ipinagpatuloy pa rin ni Bonto ang karera sa larangan ng sining sa pamamagitan ng pagiging bahagi ng Philippine Educational Theater Association.
Hindi rin maikakailang tunay ngang maraming pagsubok sa landas na nais tahakin. Aminado si Bonto na hindi pa napauunlad ang sining sa Pilipinas upang maging sapat at maayos ang kita sa larangang ito. Dahil dito, kinakailangang maging malikhain ng mga artist upang kumita ng pera sa ibang paraan, kagaya ng pagtitinda ng mga gamit online, pagmamaneho bilang isang grab driver, pagbi-bake, at iba pa. Kaya naman, patuloy si Bonto sa pagsusulong ng adbokasiya ukol sa oportunidad at edukasyon para sa mga kapwa niya alagad ng sining.
Dagdag pa rito, kapansin-pansin umano sa ating kurikulum ng Music, Arts, Physical Education, and Health (MAPEH) sa primaryang edukasyon na Science teacher ang nagtuturo nito at hindi isang artist. Ayon kay Bonto, dahil ito sa walang credentials ang ibang mahuhusay na artists at kung mayroon naman, hindi pa rin natatanggap sapagkat pinipili nilang ipakita ang pagiging malikhain sa pamamagitan ng tattoos o piercings na taboo pa rin sa ating lipunan. Kaya naman, isa sa mga programa ng organisasyong AWPI na hubugin ang mga manlilikha sa pamamagitan ng isang Master’s Degree Program in Culture and Arts. Sa pamamagitan nito, ninanais ng organisasyong magkaroon ng espasyo para sa mga manlilikha sa industriya.
Bilang pagtatapos sa ikalawang bahagi ng programa, inanyayahan ni Bonto ang mga creatives na kumuha ng Health Maintenance Organization (HMO) sa ilalim ng AWPI. Aniya, isa itong uri ng tulong sa mga manlilikha upang mas mura nilang makuha ang benepisyong ito at patuloy na maalagaan ang sarili. Ani Bonto, “Art is not a career, it’s a life—a life long learning experience.” Kaya naman maliban sa mga oportunidad, tulong, at edukasyon, importante ring masiguro ang kaligtasan at kalusugan ng ating mga manlilikha.
Paghahabi ng tela ng buhay
Tila isang tela ang buhay, hinahabi nang matagal na panahon hanggang maging parte ang bawat sinulid ng isang natatanging obrang walang katulad. Para sa huling bahagi ng programa na pinamagatang Paghabi ng Tala, tinalakay ni Patis Tesoro, isang fashion designer, environmentalist, at heritage revitalist ang kahalagahan ng pagpapanatiling buhay ng ating native na tela, kagaya ng piña at abaca. Pagdiriin niya, bahagi na ng ating identidad bilang mga Pilipino ang mga telang ito, kaya naman mahalagang hindi natin ito hayaang mabura sa ating kultura.
“Piña is a status symbol. We get baptized in it, married in it, all the important occasions. It’s a part of us as Filipinos,” pagpapalawig ni Tesoro. Kaya naman, bukod sa panghihimok niya sa lahat na bumili nito, ipinapayo niya ring ipasa ito sa mga susunod na henerasyon. Ipinaalala niyang bilang mga Pilipino, hindi na dapat tayong kumbinsihin pang bumili nito, bagkus tanging badyet at okasyon lamang ng paggagamitan ang tanging kailangang ikonsidera.
Hindi naman itinatanggi ni Tesoro na mahal ang mga purong telang abaca at piña, sapagkat matrabaho itong gawin. Kaya naman, maaari umanong pumili ng mga obrang may halong native na tela lamang upang mas tumugma ito sa badyet. Sa ganitong paraan, napananatili natin ang ating tradisyonal na kultura sa gitna ng modernong mundo.
Sa paglipas ng panahon, patuloy na nagbabago ang mukha ng sining—nag-iiba ng estilo, porma, materyales at iba pa. Subalit sa kabila nito, hindi kailanman magbabago ang kahalagahan ng sining bilang salamin ng buhay-Pilipino. Sa 7,640 pulong mayroon ang Pilipinas, napupuno ng natatanging kultura ang bawat isa. Halina’t galugarin ang bawat bahagi nito upang madiskubre ang ating mayaman at makulay na tradisyon sa pamamagitan ng sining.