DINAGSA ng halos 20,000 katao ang Cultural Center of the Philippines grounds upang ipagdiwang ang 2022 Metro Manila Pride March and Festival matapos ang dalawang taong pagdiriwang nito sa online na moda bunsod ng COVID-19, Hunyo 25. Bitbit ang temang “Atin Ang Kulayaan,” bumida ang pagdiriwang na nakasentro sa pagmamahalan at sekswalidad ng mga indibidwal. Bukod sa pagkilala sa makulay na identitad ng mga miyembro ng komunidad ng Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Queer, Intersex, Asexual, at iba pang kasarian (LGBTQIA+), nagsilbi rin itong protesta at pagtindig laban sa patuloy na diskriminasyon at ‘di makatarungang pagtrato ng lipunan sa kanilang hanay.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel (APP) kay Gorgeous Dawn, isang drag queen performer, simbolo ang Pride March na totoong tao ang mga miyembro ng kanilang komunidad. Aniya, “Kailangan nila [lipunan] ma-realize at kailangan nilang malaman na we exist, na hindi lang [kami] basta-basta LGBT, we are also humans.”
Ipinahiwatig naman ni Aira Mendez sa APP na nagsisilbing ligtas na kanlungan ang Pride March, lalo na sa kabataang miyembro ng LGBTQIA+ at sa mga hindi pa nagagawang isapubliko ang kanilang totoong sekswalidad. Ipinapaalala niyang isang protesta ang Pride March dahil ipinaaabot nito na kinakailangang protektahan at ipinaglaban ang karapatan ng mga taong bahagi ng komunidad na ito.
Higit sa pagkilala sa Pride March bilang protesta, ipinakita ni Marian, isang ally, sa APP ang kaniyang pagsuporta at pagtindig para sa pagsasabatas ng mga karapatan ng miyembro ng LGBTQIA+. Bagamat hindi bahagi ng naturang komunidad, naniniwala siyang kinakailangang maunawaan ang kahalagahan ng pagbibigay ng plataporma at karagdagang boses upang magkaroon ng totoong pagbabago. Sinang-ayunan din ito ni Rachel, isa pang nakapanayam ng APP, na hindi magtatapos sa pagmartsa ang pagtaguyod ng komunidad para sa kanilang karapatang pantao.
Bukod dito, bahagi ng adbokasiya ng LGBTQIA+ ang pagkakaroon ng representasyon sa pamahalaan. Ibinahagi ni Johann sa APP na mahalaga ito upang iparating sa kinauukulan ang kanilang mga hinaing nang matugunan ang kanilang iba’t ibang pangangailangan. Mahalaga aniya ang pagiging mulat ng pamahalaan sa sitwasyon ng kanilang komunidad upang matulungan silang mamuhay nang malaya at malayo sa mapangmatang lipunan.
Hindi natatapos ang hamon ng komunidad ng LGBTQIA+ sa kawalan ng sapat na boses sa usaping politikal sapagkat hinaharap din nila ang pagsubok na hindi tanggapin ng sarili nilang mga pamilya. Bunsod nito, naisipan ni Boom Manuel, isang ina, na maghandog ng libreng yakap sa mga pumunta sa protesta. Paglalahad niya sa APP, gustuhin man niyang ampunin ang lahat ng mga bahagi ng komunidad, hanggang sa mainit na pagyakap at pagtanggap pa lamang muna ang kaniyang maibibigay.
Mainit ding tinanggap sa parada ang mga taong gusto ng panibagong karanasan. Tulad ni Ara, ito ang naging rason sa pagboluntaryo at masasabi niyang wala siyang naging pagsisisi sa pagdalo sa programa. Naniniwala siyang mahalaga ang pagiging komportable, at hindi pilit, ng isang tao sa paglalahad ng kaniyang kasarian at identidad. “. . . You’re not any less gay just because hindi kayo nagka-come out or whatever, so ayun come out if you’re comfortable ‘wag kayo ma-pressure and find people you trust and love and accept you for who you are,” pagbabahagi niya sa APP.
Bilang pasasalamat naman ni Cross sa komundidad ng LGBTQIA+, nagboluntaryo siyang tumulong sa pag-oorganisa ng Pride March. Idiniin niya sa APP na mayroon tayong oras upang tuklasin ang tunay nating kasarian at identidad. Kaugnay nito, nais niyang iparating sa kabataang hindi pa handang ipahayag ang kanilang identidad na may iba’t ibang paraan ng pagtanggap ng pagkakakilanlan. Hangad niyang umusbong sa bawat indibidwal ang pagtanggap sa kanilang identidad at makabuo nang maayos na relasyon sa mga taong nakapaligid sa kanila.
Gayundin, para sa kabataang miyembro ng LGBTQIA+, hinimok ni Cross na panatilihing mataas ang tingin sa anomang nararamdaman para sa mga minamahal sapagkat mahaba man aniya ang prosesong aabutin ng ninais na pagbabago, hindi nila ito pagsisisihan sa huli. Sa patuloy na pagsulong para sa mundong malaya at mapagpalaya, naninidigan sina Patricia at Rachel sa kanilang panayam sa APP na ilabas at ilahad lamang ang kanilang saloobin nang may buong puso at kompiyansa.
Patuloy ang pagkakaisa at pagdiriwang ng komunidad ng LGBTQIA+ sa nalalabing mga araw ng Hunyo. Gayunpaman, hindi rito natatapos ang kanilang laban para sa pantay na karapatan at pagbibigay-hustisya para sa lahat ng naranasang diskriminasyon at pang-aapi. Mahaba pa ang tatahaking landas ngunit sama-samang maglalakbay ang komunidad ng LGBTQIA+ para sa hinahangad na tunay na kalayaan. Anomang uri ng diskriminasyon at estereotipikal na pagtingin, patuloy na magniningning ang bahagharing watawat—para sa lipunang ligtas at malayo sa kasakiman.