NILAMPASO ng De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus (VA) ang Malayan Colleges Laguna (MCL) Malayan Warlords (MWL) sa larong Call of Duty: Mobile (COD:M), 3-0, sa unang linggo ng playoffs ng Alliance Games (AIIG) 2022 Season 1, Hunyo 26.
Rumatsada agad sa pagbubukas ng unang laro ng hardpoint ang MWL matapos makagawa ng nagbabagang 32-0 run kontra VA. Matulin mang nahawakan ng MWL ang kalamangan, agad naman itong inagaw ng VA nang maging agresibo sa kanilang push. Kaakibat nito, napako sa iskor na 32 ang MWL at nagawang makabawi sa DLSU.
Sinubukan man ng MCL na humabol ngunit hindi kinaya ng koponan ang bagsik ng Taft-based squad matapos magtamo ng kill streak. Hindi na nagawa pang makabangon ng MWL sa malayong agwat at tuluyan nang naselyuhan ng VA ang panalo sa unang bakbakan ng hardpoint, 250-126.
Search and destroy naman ang naging tema ng bakbakan pagdating ng ikalawang laro. Gayunpaman, patuloy ang pagliyab ng mga atleta ng VA matapos lagasin ang MWL at magtala ng umaatikabong 5-0 run sa bakbakan. Sa kabilang banda, hindi naman nagpatinag si MWL Kailo matapos bumulusok ng tatlong sunod-sunod na kill, 6-2.
Nagpakitang-gilas naman para sa VA si Static matapos tuldukan ang bakbakan sa pamamagitan ng kaniyang nakamamanghang clutch play, 7-2. Hindi maikakailang nagawang paslangin ni Static nang mag-isa ang dalawang natitirang katunggali. Kaakibat nito, nagawang maselyuhan ng Taft-based squad ang panalo sa ikalawang laro ng best-of-three series, 2-0.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang VA sa ikatlong laro nang ipamalas ang kanilang kompletong dominasyon sa mapa ng Summit. Umarangkada agad ang koponang Lasalyano matapos agarang makontrol ang A at B side upang masungkit ang kalamangan sa pagtatapos ng unang bahagi, 75-62.
Gayunpaman, patuloy na lumaban ang MWL matapos rumatsada ng dalawang magkakasunod na kill sa pagbubukas ng ikalawang bahagi ng bakbakan. Nagawa man ng MWL na makabuo ng maliit na kill streak, hindi na pumayag pa ang VA nang magpaulan ang koponan ng sunod-sunod na bala. Buhat nito, hindi na umubra pa ang puwersa ng MWL at tuluyang nakamit ng VA ang panalo, 150-98.
Dahil sa nakamamanghang panalo kontra MWL, bitbit na ng VA ang magandang momentum sa pagpasok sa AIIG 2022 Season 1 COD:M Semifinals. Kailangan na lamang hintayin ng mga manlalarong Lasalyano ang mananalo sa pagitan ng Ateneo de Manila University Loyola Gaming Altair at De La Salle – College of Saint Benilde Romancon Gaming VPR Eclipse upang matukoy ang kanilang magiging katunggali sa Semifinals.