INASINTA ng De La Salle University (DLSU) Viridis Arcus (VA) ang kanilang archrival na Ateneo de Manila University (ADMU) Loyola Gaming Terra (LGT) sa larong Valorant, 2-1, sa unang round ng playoffs ng Alliance Games (AllG) 2022 Season 1: Valorant, Hunyo 25.
Sa pagbubukas ng unang yugto ng Game 1, tila tug-of-war ang naging tema ng momentum ng dalawang koponan. Agad na nagpakitang-gilas ang LG Terra matapos rumatsada ng 2-0 round win sa early game. Hindi naman nagpatinag ang three-time UAC defending champions Viridis Arcus nang bumulusok sa bakbakan at gumawa ng umaatikabong 4-0 run, 4-2.
Kuminang sa pagbulusok ng VA si xavi8k matapos lumiyab at lagasin ang LGT nang magtala ng apat na sunod-sunod na kill streak. Bukod pa rito, ipinamalas ni xavi8k ang kaniyang bagsik matapos gumawa ng isang nakamamanghang clutch play, 7-4. Hindi naman pumayag ang Loyola-based squad matapos maitabla ang bakbakan sa pagbulusok ni LG Moses ng limang sunod-sunod na kill, 7-all.
Gayunpaman, nangibabaw ang utak at puso ng VA matapos tumikada ng 3-0 run kontra LGT, 10-7. Kagila-gilalas ding ipinamalas ng VA sa puntong ito ang kanilang clutch plays at mga angled shot na tuluyang nagpahirap sa mga manlalaro ng ADMU. Sa kabilang banda, agad itong tinapatan ng LGT matapos makontrol ang B-side upang maselyuhan ang panalo sa unang yugto, 11-9.
Bagamat nagpamalas ng matinding pagkontrol ng side ang ADMU, hindi naman nito naupos ang pagiging agresibo ng mga Lasalyano matapos nilang ipamalas ang kanilang nakamamanghang timing sa laro upang makamit ang match point, 12-9. Nagplanta man ng mga patibong ang LGT, hindi naman ito gumana nang mabasa agad ito ng VA. Kaakibat nito, nagawang asintahin ni xavi8k si LG Matteo na naging daan upang selyuhan ng VA ang unang laro, 13-9.
Pagpapamalas ng puso sa laro naman ang nangibabaw sa ikalawang pagtutuos ng dalawang koponan. Sa unang round, biglang rumatsada ang VA ng dalawang sunod na panalo kasama na ang pagtala ng nakamamanghang team ace matapos mabasa ng VA ang galaw ng mga katunggali, 2-0. Gayunpaman, agarang bumulusok ang ADMU nang gumawa ng nakagigimbal na 6-0 run sa bakbakan, 2-6.
Umarangkada sa pagpundar ng umaatikabong run na ito si LG Matteo matapos pumukol ng tatlong sunod-sunod na kills. Bukod pa rito, ipinamalas ni LG FLeX ang kaniyang bagsik sa sniper rifle matapos asintahin isa-isa ang mga atleta ng VA nang walang kahirap-hirap. Sa kasamaang palad, tila nawala ang nakamamanghang plays ng VA na naging dahilan upang makaalpas nang tuluyan ang LGT sa bakbakan.
Gayunpaman, hindi pumayag ang VA na matambakan ng katunggali. Bumulusok ang koponan nang mag-alab si star player xavi8k matapos magtala ng tatlong magkakasunod na kill streak upang makamit ang flawless victory at matuldukan ang umaatikabong run ng LG. Umarangkada rin si VA ya0qt ng isang clutch play para itabla ang bakbakan, 6-all.
Hindi naman nagpatinag ang LG at agad nitong tinapatan ang nakagigimbal na 2-0 run ng VA, 6-8. Nakapuslit man ng isa pang round ang ADMU, agad namang bumulusok ang tambalang VA guelson at VA xavi8k upang itabla muli ang talaan, 9-all. Sa kabilang banda, ipinagana ng LG ang kanilang mga teamplay na naging susi upang lalong mahirapan ang mga manlalarong Lasalyano.
Sa puntong ito, tila hindi bumibitaw ang dalawang koponan matapos magpalitan ng puntos sa bakbakan. Agad na rumatsada si LG Matteo ng isang clutch play na nakapagbigay sa ADMU ng match point, 11-12. Hindi pumayag ang VA na matapos ang ikalawang yugto nang makagawa ang koponan ng isang clutch play upang maitulak sa overtime ang bakbakan. Gayunpaman, nangibabaw ang mauutak na teamplays ng LGT na naging daan upang makuha ang panalo sa Game 2 sa iskor na 13-15, 1-all.
Tila hindi nagpatumpik-tumpik ang VA sa pagbubukas ng ikatlong yugto sa mapa ng Bind. Agad na umarangkada ang mga manlalarong Lasalyano matapos gumawa ng nakagigimbal na 2-0 run. Nakabawi man ang LGT ngunit agad itong tinapatan ng VA ng isa pang 2-0 run. Hindi maikakailang nagawa ng VA na lituhin ang LG sa pamamagitan ng kanilang mautak na gunshots, 4-1.
Waging napabagsak ni VA xavi8k si LG Moses matapos asintahin ang ADMU sa clutch round, 7-2. Sinubukan mang umarangkada ni FLeX bilang sniper ngunit hindi nito nakayanan ang puwersa ng VA sa bakbakan. Sa puntong ito, ipinamalas ng VA ang kanilang bagsik sa Valorant at tuluyan nang umalpas matapos gumawa ng 6-0 run. Tinuldukan naman ni xavi8k ang laro matapos gamitin ang signature ability ni Raze na showstopper upang maibigay ang panalo para sa DLSU, 13-5.
Bunsod ng panalo kontra LGT, matagumpay na aakyat sa Semifinals ng AllG 2022 Season 1 ang VA Kaakibat nito, natamo ng ADMU LGT ang kanilang ikaapat na sunod-sunod na talo kontra VA. Hihintayin na lamang ng koponang Lasalyano ang mananalo sa pagitan ng University of San Carlos Mustang Warriors at Mindanao State University – Iligan Institute of Technology MTE Excalibur upang matukoy kung sino ang kanilang magiging katunggali sa Semifinals ng torneo.