BIGONG MAPATUMBA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang mababangis na National University (NU) Lady Bulldogs, 20-25, 19-25, 21-25, sa unang laro sa Finals ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Hunyo 18, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Namayagpag para sa DLSU Lady Spikers si Leila Cruz tangan ang kaniyang anim na puntos. Umagapay naman kay Cruz sina Fifi Sharma at Alleiah Malaluan na nagtala ng pinagsamang sampung puntos. Hindi naman nagpahuli ang senyor na si Jolina Dela Cruz matapos umukit ng limang puntos kasama ang kaniyang dalawang service ace. Nanguna rin sa depensa si Justine Jazareno matapos magtala ng pitong excellent dig at pitong excellent reception.
Nagniningning naman para sa NU Lady Bulldogs sina Bella Belen at Alyssa Solomon tangan ang pinagsamang 30 puntos mula sa tig-15 iskor. Binitbit din nina Princess Robles at Ivy Lacsina ang kanilang koponan tungo sa pagkapanalo na parehong nakapagtala ng 12 puntos.
Nagbabagang binuksan ng tambalang Sharma at Malaluan ang unang yugto ng Finals, 5-3. Nagtala rin ng sunod-sunod na service error si Belen, dahilan upang dumikit ang puntos ng Lady Spikers, 6-7. Gayunpaman, tila nakatulog ang depensa ng Taft-based squad matapos maungusan ng mga attack at service ace nina Robles at Solomon, 9-13.
Sinubukan pang humabol ng kababaihan ng Taft sa talaan ng NU matapos umalagwa ng 4-0 run, 19-23. Sa kabila nito, tumikada ng malakas na spike si Robles upang selyuhan ang unang set, 20-25, pabor sa NU.
Tila hindi mapigilan ng koponang Green and White ang mabagsik na pagbomba ng Lady Bulldogs pagsapit ng ikalawang set. Namukadkad ang opensa ni Lady Bulldog Lacsina matapos magbigay ng nakagigimbal na dalawang magkasunod na regalong spike, 3-7. Gayunpaman, hindi nagpatinag si middle blocker Sharma matapos ipamalas ang kaniyang malakas na spike sa kabila ng depensa ng NU, 7-9.
Hindi naman naupos ang puso nina Robles at Sheena Toring matapos magpakawala ng dalawang magkasunod na tirada kasama na ang isang service ace, 7-15. Agad namang bumulusok si Julyana Tolentino nang biglang magpakawala ng nakamamanghang drop ball, 8-15. Gayunpaman, umarangkada muli si Lacsina matapos saraduhan ang backrow hit ni Erika Santos, 10-20.
Rumatsada rin sina Robles at Lacsina matapos iparamdam ang bagsik ng kanilang depensa nang harangan ang atake nina Cruz at Sharma, 11-23. Sa kabilang banda, patuloy na kumapit si super rookie Malaluan nang ipamalas ang kaniyang umaatikabong sharp spike, 12-25. Gayunpaman, tinapos na ni Belen ang ikalawang set matapos magpakawala ng malakas na atake para ibigay ang ikalawang set sa NU, 12-25.
Sa pagbubukas ng ikatlong set, tila pinaigting ng DLSU ang kanilang determinasyon matapos ang matibay na pagkapit sa bakbakan. Umarangkada agad si Malaluan matapos idaplis ang bola sa mga galamay ni Solomon upang itabla ang laban, 5-all. Gayunpaman, agad itong binawi ng mababangis na Lady Bulldogs nang magtala ng 4-0 run, 5-9. Nakahihinayang din ang mga naitalang error ng Taft-based squad na nagpalawig sa kalamangan ng NU, 7-12.
Malakas man ang mga tirada na pinakawala ng NU, agad namang bumulusok si Dela Cruz at Cruz nang magtala ng kaliwa’t kanang puntos para idikit ang talaan, 10-12. Matapos nito, sagutan ng puntos ang naging eksena ng tunggalian nang ipamalas nina Solomon at Cruz ang kanilang matitinik na atake, 12-16. Sa puntong ito, tila naaamoy na ng Lady Bulldogs ang panalo matapos sumiklab muli nina Belen, Robles, Toring, at Solomon, 18-22.
Hindi naman sumuko si Sharma sa bakbakan matapos magpakawala ng malakas na quick hit sa gitna upang ibaba sa dalawa ang kalamangan, 20-22. Gayunpaman, hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Solomon matapos magpakawala ng dalawang kagila-gilalas na spike, 20-24. Matapos nito, tinuldukan na ni Belen ang labanan matapos nitong itudla ang kaniyang ika-15 matagumpay na spike para mapasakamay ang 1-0 lead sa Finals, 21-25.
Subaybayan muli ang ikalawang paghaharap ng DLSU Lady Spikers at NU Lady Bulldogs sa Finals sa darating na Martes, Hunyo 21, sa ganap na ika-6:30 ng gabi, sa SM Mall of Asia Arena.