NAKAMTAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Woodpushers ang pilak na medalya sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Chess Tournament nitong Hunyo 15 sa Far Eastern University Engineering Building Auditorium, Sampaloc, Manila.
Sa kabilang banda, bigong makatanggap ng medalya ang DLSU Green Woodpushers sa UAAP Season 84 Men’s Chess Tournament. Gayunpaman, nakapag-uwi pa rin ng karangalan ang koponan matapos lumapag sa ikaapat na puwesto ng torneo.
Ipinamalas ng Lady Woodpushers ang kanilang husay sa torneo matapos umukit ng kabuuang 21 puntos. Bagama’t kinapos na masungkit ang kampeonato kontra National University (NU), hindi nito nahadlangan ang pag-arangkada ni Lady Woodpusher Francois Marie Magpily matapos mapasakamay ang Board 3 gold nang makalaban si Kylen Mordidio sa huling araw ng torneo.
Sa huli, hinirang na kampeon ang NU Lady Bulldogs sa torneo at ito ang kanilang kauna-unahang tagumpay sa UAAP Women’s Chess. Bitbit ang panalo, winakasan ng kababaihan ng NU ang kanilang karera sa UAAP Season 84 Chess Tournament tangan ang 26.5 puntos.
Sa kabilang banda, kinapos namang magpunyagi ang DLSU Green Woodpushers sa huling araw ng torneo. Gayunpaman, humakot ang koponan ng kabuuang 23.5 puntos sa torneo. Bumida sina Cyril Telesforo, Demi John Lemi, at Jester Sistoza matapos magwagi ng tatlong board golds tangan ang tagumpay sa Board 4 na may 8.4 na puntos, Board 5 na may anim na puntos, at Board 6 na anim na puntos din.
Naghari naman ang University of Santo Tomas (UST) Tiger Woodpushers sa torneo nang maiuwi ang tropeo bilang kampeonato. Kaakibat nito, waging palambutin ng mga tigre ang mga pana ng DLSU Green Woodpushers sa kanilang huling laban sa torneo sa iskor na 1.5-2.5. Buhat nito, nasamsam ng UST ang kanilang ikawalong kampeonato sa torneo bitbit ang kabuuang 28 puntos.