IGINAPOS ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang pakpak ng Ateneo De Manila University (ADMU) Blue Eagles matapos masungkit ang puwesto sa Finals sa loob ng tatlong set, 25-19, 25-20, 25-23, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Hunyo 16, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Sumiklab sa dikdikang bakbakan para sa koponang Green and White si player of the game Thea Gagate matapos tumikada ng 13 puntos mula sa walong attack, apat na block, at isang ace. Rumatsada rin si star rookie Alleiah Malaluan matapos magtala ng 16 na puntos mula sa 15 attack at isang block. Nagpakitang-gilas din si Jolina Dela Cruz tangan ang kaniyang 13 puntos mula sa sampung attack, tatlong service ace, pitong excellent dig, at 13 excellent reception.
Kasamang umagapay sa Taft-based squad sina middle blocker Fifi Sharma at opposite hitter Leila Cruz matapos umukit ng pinagsamang 14 na puntos. Namayagpag din ang diskarte ni kapitana Mars Alba nang magtala ng isang puntos at 19 na excellent set. Hindi rin maikakaila ang pagkinang ni Justine Jazareno sa depensa matapos magtala ng 12 excellent dig at 11 excellent reception.
Nagpakitang-gilas naman sa koponang asul at puti si Faith Nisperos bitbit ang 19 na puntos mula sa 17 spike, isang block, at isang service ace. Naging katuwang naman niya si Erika Raagas na may siyam na puntos mula sa walong spike at isang block.
Rumatsada agad ang Blue Eagles sa pabubukas ng unang set matapos magpakawala ni Raagas ng kaniyang malakas na tirada, 0-1. Hindi naman pumayag si Gagate at agad niyang sinagot ang tirada ni Raagas matapos ibaon sa gitna ang bola, 1-all. Sinundan ito ng nakamamanghang pagsara ni Gagate sa spike ni Nisperos, 2-all.
Hindi nagpahuli si AC Miner sa mainit na bakbakan matapos ipamalas ang kaniyang mabagsik na running attack, 5-all. Pumasok man sa unang technical timeout ang ADMU tangan ang 2-point lead, agad namang nagparamdam si Sharma matapos magpakawala ng umaatikabong quick hit para idikit ang talaan, 7-8. Sa puntong ito, biglang nabuhayan ng diwa ang Loyola-based squad matapos manguna sa pagpuntos sina Vanie Gandler, Janel Maraguinot, at Nisperos, 9-11.
Hawak man ng Ateneo ang kalamangan, agad namang bumulusok si Dela Cruz matapos magpakawala ng dalawang nakagigimbal na service ace para masungkit ang kalamangan para sa DLSU, 12-11. Nagpakitang-gilas din si Malaluan matapos ang kaniyang mainit na tirada upang palawigin ang kalamangan ng Taft-based squad, 13-11. Sa kabila nito, patuloy na nagtala ng errors ang Lady Spikers na tila sumira sa kanilang momentum.
Pumasok man ang DLSU sa ikalawang technical timeout tangan ang 3-point lead, agad namang bumulusok si Miner sa pagpapamalas muli ng kaniyang mga malakas na running attack, 17-15. Hindi naman nagpatinag si Sharma matapos magtala ng umaatikabong kill block kay Nisperos, 18-15. Sa puntong ito, tila lumipat ang sakit ng pag-error ng DLSU sa ADMU na nagpalaki sa kalamangan ng koponang Green and White, 20-15.
Hindi na nagpatumpik-tumpik pa ang Lady Spikers nang agad na umarangkada sina Gagate, Dela Cruz, at Cruz matapos ang kaliwa’t kanang atake, 23-19. Dagdag pa rito, ipinamalas muli ni Gagate ang kaniyang bagsik sa net matapos payungan si Gandler para dalhin sa set point ang DLSU, 24-19. Sinundan naman ito ng nakagigimbal na service ace ni Gagate upang tuldukan ang unang set pabor sa kaniyang panig, 25-19.
Sa pagbukas ng ikalawang set, agad na sumibat ng tirada si Gandler na agad namang sinagot ni Gagate, 1-all. Nasungkit naman ng Blue Eagles ang kalamangan matapos magtamo ng error ni Jazareno at magtayo ng kill block ni Nisperos, 1-4. Gayunpaman, unti-unting nag-alab ang mga kamay ni Malaluan matapos magpakawala ng dalawang crosscourt attack, 5-6.
Nagpatuloy pa ang dikdikang tapatan ng dalawang koponan matapos maitabla nang apat na beses ang talaan. Gayunpaman, nabawi ng Taft-based squad ang kalamangan matapos ang net touch ni Gandler na sinundan pa ng malatoreng block ng Lady Spikers na nagpasimuno ng kanilang 4-0 run bago ang technical timeout.
Nagpatuloy sa pag-arangkada si rookie player Malaluan matapos makahanap ng butas sa gitna ng dalawang blocker ng Blue Eagles, 14-10. Gayunpaman, namigay ng puntos sina Dela Cruz at Gagate matapos magtala ng service error, 15-12. Ginamit naman itong oportunidad ni Nisperos upang matapyasan sa dalawa ang lamang ng DLSU, 16-14.
Patuloy pa ring bumida sina Dela Cruz at Malaluan matapos ang kanilang malilinis na atake, 18-15. Sinubukan ding kaltasan ni Miner ang lamang ng DLSU matapos ang kaniyang umaatikabong tirada, 20-16. Nagpakawala rin ng crosscourt attacks si De Guzman, dahilan upang maidikit ang puntos, 21-19.
Nagawa pang makalusot ng isang puntos ni Nisperos, 22-20. Matapos nito, hindi na pinagbigyan muli ng Lady Spikers na pumukol ng puntos ang Blue Eagles matapos ang atake ni Sharma, 23-20. Sinundan naman ito ng isang service ace mula kay Julia Coronel, 24-20. Tinuldukan naman ng double block mula sa panig ng berde at puti ang ikalawang set, 25-20.
Dikdikan ang naging tema ng ikatlong set matapos magpakawala ang dalawang koponan ng maiinit na tirada. Panay man ang pagdikit ng umaatikabong Blue Eagles, agad namang ipinamalas ni Cruz ang bagsik ng kaniyang net defense matapos umani ng kill block kay Nisperos, 3-2. Bukod pa rito, tila lumabas ang itinatagong kamandag ni Dela Cruz matapos niyang tumikada ng patusok na spike, 8-6.
Hindi naman nagpatinag ang tinaguriang Queen Eagle Nisperos matapos pumuntos para ibaba ang kalamangan ng Lady Spikers, 9-7. Sa kabila ng pagbulusok ni Nisperos, bigla namang nagpamalas ng mala-Kim Fajardo na palo si Mars Alba para patuloy na maungusan ang ADMU, 10-8.
Sa puntong ito, tila sumiklab ang hangarin ng DLSU na makabalik sa Finals matapos rumatsada muli ng magkakasunod na puntos nina Gagate, Dela Cruz, at Cruz, 13-9. Bitbit man ang 5-point lead, hindi nawalan ng liyab ng puso si Raagas matapos mailusot ang kaniyang malakas na tirada kontra Taft towers, 14-10. Sa kabila nito, sumiklab muli ang star rookie Malaluan nang kumana ng crosscourt hit, 19-14.
Hindi naman nagpatinag si Nisperos matapos magpakawala ng dalawang umaatikabong spike, 22-17. Sinundan naman agad nito ng off-the-block hit ni Raagas upang ibaba ang malaking kalamangan ng DLSU sa tatlong puntos, 22-17. Gayunpaman, agad na gumanti si Gagate matapos magpakawala ng malakuryenteng quick hit, 23-19.
Hindi naman bumitaw ang ADMU matapos ipako ang DLSU sa iskor na 23. Lumaban pa rin si Raagas at nagpakawala pa ng isang mautak na drop ball, 23-20. Sunod nito, umarangkada si Jaycel Delos Reyes nang ibaba sa isa ang kalamangan ng koponang Green and White mula sa kaniyang service ace, 23-22.
Tinapos naman ni Gagate ang 3 point scoring run ng ADMU matapos kumana ng pamatay na quick attack, 24-22. Nagpakawala man ng malakas na tirada si Raagas, umarangkada naman si Malaluan matapos magpakawala ng crosscourt spike upang selyuhan ang panalo at maidala ang DLSU sa Finals, 25-23.
Sa pagtapak ng Lady Spikers sa Finals, buo ang tiwala ng coaching staff na mayroon silang ibubuga kontra National University Lady Bulldogs. “I think level ‘yung playing field [sa Finals]. I don’t think may value dito ‘yung 14-0 ‘no. Umabot tayo ng Finals best-of-three so unahan na lang kami sino unang makapanalo,” saad ni DLSU Assistant Coach Benson Bocboc.
Makahaharap ng Lady Spikers ang NU Lady Bulldogs sa Sabado, Hunyo 18, sa ganap na ika-5 ng hapon, sa SM MOA Arena para sa kanilang unang laro sa best-of-three ng UAAP Season 84 Women’s Volleyball Finals.