ITINATAG ang Judiciary Act of 2022 sa ikaapat na espesyal na sesyon ng Legislative Assembly (LA), Hunyo 13. Pinangunahan ni Jericho Jude Quiro, FAST2018, ang pag-detalye sa mga probisyong sumasaklaw sa naturang panukala. Kinilala rin sa sesyon ang pagbitiw ni Juhlia Lu bilang CATCH2T24 batch vice president.
Ipinagpaliban naman ang pagtalakay sa nalalabing mga proyekto at aktibidad ng University Student Government (USG) para sa kasalukuyang akademikong taon. Ipinaalam ni Chief Legislator Francis Loja na kasalukuyan pang isinasapinal ang mga probisyong nakapaloob dito.
Pagpapatibay sa Judiciary Act
Unang binalangkas ni Quiro ang mga probisyong kabilang sa Judiciary Act of 2022, tulad ng proseso sa paghahalal at paglilitis sa mga opisyal ng USG Judiciary. Samantala, nakasaad din sa panukala ang mga pananagutan at tungkuling inaasahan sa mga kinatawan ng naturang sangay.
Kaugnay nito, siniyasat ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022, ang pamantayan hinggil sa pagluklok ng mga opisyal, partikular na sa pagpapanatili sa rekisito ng non-partisanship ng hudikatura at ang tagal ng panunungkulan ng isang mahistrado.
Binigyang-linaw ni Quiro ang pagpapairal ng non-partisanship sa mga kinatawan ng hudikatura, “It is absolutely necessary. . . for any forms of political partisanship [to be] at least absent in the potential candidates,” pagtitiyak niya.
Samantala, inilapat ni Quiro ang muling pagsasailalim ng mga mahistrado sa aplikasyon bilang pagsasakatuparan sa tagal ng kanilang panunungkulan. Alinsunod dito, inaasahang magtatagal ng isang akademikong taon ang termino ng isang mahistrado.
Inusisa naman ni Alijaeh Go, 76th ENG, ang espisipikong rekisito hinggil sa paghalal sa punong mahistrado. Kaugnay nito, pinahintulutan ni Quiro ang paglapat ng majority rule sa proseso ng paghirang sa naturang opisyal.
Matagumpay na naipasa ang panukala sa botong 20 for, 0 against, at 0 abstain. Ipinahayag ni Quiro ang kaniyang pasasalamat, partikular na sa kontribusyon ng komiteng Rules and Policies at ni Raphaela Tan, 75th ENG, na kasalukuyang tagapamahala nito.
Pagbibitiw ng kinatawan
Sa kabilang banda, inilahad ni Lana Leigh Santos, CATCH2T24, ang mga dokumentong sumusuporta sa pagbibitiw ni Lu.
Inalam naman ni Quiro ang naging dahilan ng desisyon ni Lu na iwan ang kaniyang posisyon. Binigyang-pagkakataon din niya si Santos na ibahagi kung matagumpay na napunan ni Lu ang kaniyang mga tungkulin.
Bilang tugon, binanggit ni Santos ang pagbibigay-priyoridad ni Lu sa iba niyang mga tungkulin bilang pangunahing rason ng kaniyang pagbibitiw. Isiniwalat din niya ang hamong kanilang kinaharap kaugnay sa komunikasyon, gayunpaman, minarapat pa rin ni Lu na maisakatuparan ang kaniyang mga tungkulin sa kabila ng naturang mga pagsubok.
Layon namang tukuyin ni Sebastian Diaz, CATCH2T25, ang tungkulin ng Batch Student Government (BSG) bilang kasangga ni Lu sa kahabaan ng kaniyang paninilbihan. Ipinaalam ni Santos ang epektibong koordinasyon sa pagitan ng executive committee at chief of staff ng kanilang BSG sa paglulunsad ng mga proyekto sa ilalim ng panunungkulan ni Lu.
Kinilala ng sesyon ang pagbibitiw ni Lu bilang batch vice president sa botong 19-0-0.
Bilang pagtatapos, ipinaalala ni Loja sa mga kinatawan ang paggamit ng kinauukulang database ng LA. Nilinaw niyang mahalagang hakbang ito upang ligtas na maitala ang mga dokumentong ginagamit sa sesyon at mapananatili nito ang pagkakakilanlan ng mga panukalang naipasa ng LA. Ipinabatid din niyang magsisilbi itong sanggunian ng mga susunod na opisyal ng LA.