NABUHAYAN ng pag-asa ang Adamson University (AdU) Lady Falcons na makapasok sa Final Four matapos nilang pabagsakin ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers sa kanilang ikalawang paghaharap, 23-25, 25-17,16-25, 24-26, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Hunyo 9, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay.
Bagamat nadapa sa patid ng AdU, nanguna sa pagratsada ng DLSU si Jolina Dela Cruz matapos umukit ng 12 puntos at 14 na excellent reception. Kasamang umagapay sa atleta si star rookie Alleiah Malaluan nang magtala ng 12 puntos kasama ang 11 excellent reception. Bumida rin ang middle blocker na si Thea Gagate nang magtala ng pinagsamang 12 puntos kalakip ang apat na block sa bakbakan.
Namayagpag para sa Lady Falcons ang kanilang team captain at main setter Louie Romero matapos makapagtala ng 24 na excellent set at 11 excellent dig katuwang ang tatlong puntos mula sa dalawang service ace at isang block. Bukod dito, pumukol ang kanilang star spiker Trisha Genesis matapos makapagtala ng 20 puntos. Naglagablab din ang depensa ng kanilang libero na si Princess Balang nang umukit ng double-double performance mula sa 24 na excellent dig at 13 excellent reception.
Sa simula ng unang set ng laban, maagang rumatsada si Dela Cruz para simulan ang atake ng Lady Spikers, 5-1. Sa kabila nito, hindi nagpatinag si Aliah Marce at Lucille Almonte at agad binuhay ang San Marcelino-based squad, 7-3. Kahit umaabante na ang Lady Falcons, pinigilan ito ni Leila Cruz nang magpakawala ng dalawang magkasunod na puntos para maiakyat ang lamang ng Lady Spikers, 9-3. Nabuhayan naman si Rizza Cruz nang pinangunahan niya ang 6-2 run ng AdU, 9-12.
Uminit ang mga palad nina Marce at Genesis nang magpakawala sila ng matitinik na spike para makuha ang kalamangan, 20-21. Sa kabila nito, hindi nagpatalo sina Gagate at Dela Cruz nang humulma ng momentum para mailapit ang kanilang tala sa katunggali, 23-24. Gayunpaman, agad tinapos ni Genesis ang unang set na hawak ng kaniyang koponan ang kalamangan, 23-25.
Tila lumiyab ang puso ng Lady Spikers na makabawi sa ikalawang set matapos rumatsada ni Gagate mula sa kaniyang solidong kill block, 2-0. Sinundan naman ito ng pagpapasiklab ni Dela Cruz matapos ibaon ang bola sa kabila ng solidong depensa ng Lady Falcons, 3-0. Nagtala man ng errors ang koponang Green and White, agad namang nagpakitang-gilas ang tinaguriang Taft towers Gagate at Cruz matapos ang kanilang kaliwa’t kanang pag-atake, 6-2.
Tangan man ng DLSU ang 9-point lead, hindi nagpatinag ang San Marcelino-based squad matapos muling magpakitang-gilas nina Cruz, Marce, Almonte, at Genesis sa pagpuntos. Kaakibat nito, umarangkada muli si Lady Falcon Genesis nang tumikada ng isang nakagigimbal na spike, 16-9. Nagpakawala rin si Almonte ng isang malakas na crosscourt hit upang paikliin ang kalamangan ng koponang Green and White, 21-15.
Gayunpaman, tila nabuhayan ng loob si middle hitter Fifi Sharma matapos magpakawala ng madiskarteng drop ball, 23-15. Sinundan naman agad ito ng masakit na pag-error ng AdU na nagbigay ng set point sa DLSU, 24-15. Sunod nito, matagumpay na nasungkit ng Lady Spikers ang ikalawang set matapos magtala ni Almonte ng isang crucial service error, 25-17.
Sa pagsisimula ng ikatlong yugto, hindi pa tapos magpakawala ng puntos si Genesis at agad gumawa ng dalawang magkasunod na puntos, 0-2. Sa kabilang banda, agad namang bumawi sina Malaluan at Dela Cruz, 5-4. Hindi nagpatinag ang AdU matapos umarangkada ng 9-1 run sa tulong nina Genesis, Almonte, at Cruz, 6-13. Hindi rin nagpatalo sina Baby Jyne Soreño, Gagate, at Matet Espina nang humulma ng 2-5 mini run, 11-15.
Sa kabila nito, hindi umatras ang Lady Falcons nang pumukol ng matitinik na spike at matibay na floor defense para kumapit pa sa kanila ang kalamangan, 14-22. Sa kabilang kampo, naging agresibo ang DLSU sa opensa sa pangunguna ng spikes ni Erika Santos, 16-22. Gayunpaman, tinuldukan na ng tambalang Genesis at Cruz ang ikatlong set, 16-25.
Pagdating ng ikaapat na yugto, agad nagpakitang-gilas si Malaluan nang gumawa ng tatlong magkakasunod na puntos, 3-all. Tila nagkasagutan naman sina Soreño at Almonte matapos magsalitan ng puntos, 5-all. Sa kabila nito, umalab ang determinasyon ni Cruz matapos tumikada ng dalawang puntos para sa DLSU, 8-6. Hindi naman nagpatinag sina Marce at Krich Macaslang para makuha ang lamang sa set na ito, 11-12.
Gayunpaman, uminit pa lalo ang mga kamay nina Dela Cruz, Gagate, at Soreño para dumikit ang kanilang talaan sa katunggali, 20-19. Sa kabila nito, nagtuloy-tuloy ang mga error ng DLSU at nakuha muli ng AdU ang kalamangan, 22-23. Sa huli, sinelyuhan ng AdU ang kanilang ikawalong tagumpay matapos ang attacking error ni Dela Cruz, 24-26.
Kaugnay ng pagkapanalo ng Lady Falcons, aabangan muna ng koponan ang resulta ng laban ng Ateneo de Manila University Blue Eagles at University of the Philippines Fighting Maroons mamayang ika-6:30 ng gabi upang malaman kung makapapasok sila sa final four o magkakaroon pa ng playoff game.
Pinatumba man ng Lady Falcons, matagumpay na nakamit ng koponang Green and White ang twice-to-beat advantage sa semifinals matapos magwagi ang NU Lady Bulldogs kontra UST Golden Tigresses.