INASINTA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang pakpak ng Ateneo De Manila University (ADMU) Blue Eagles matapos magwagi sa dikit na laban, 19-25, 25-18, 20-25, 22-25, 15-12, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Hunyo 7, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay.
Nagpakitang-gilas sa matinding sagupaan kontra archrivals ang umaatikabong Lady Spiker Jolina Dela Cruz tangan ang 14 na puntos mula sa 12 spike at dalawang block. Umagapay sa pagpana ng mga agila sina Alleiah Malaluan at Baby Jyne Soreño matapos magtala ng pinagsamang 34 na puntos.
Hindi naman nagpahuli ang middle blocker Thea Gagate nang makaukit ng 12 puntos. Umalpas din sa dikdikang bakbakan si kapitana Mars Alba bitbit ang 22 excellent set. Sinamahan pa ito ni Fifi Sharma matapos magtala ng pitong puntos at tatlong block.
Itinalaga namang best scorer para sa koponang Lady Eagles si Faith Nisperos matapos makapagtala ng 29 na puntos mula sa 27 spike at dalawang block. Naging kasangga naman ni Nisperos si Erika Raagas matapos magpakawala ng 17 puntos.
Rumatsada agad sa pagbubukas ng unang set si Alba matapos tumikada ng isang nakagigimbal na service ace, 1-0. Sinundan agad ito ng pag-arangkada ni Dela Cruz nang gumulantang ng off-the-block hit, 2-0. Nagtala man ng errors ang koponang Green and White, agad naman itong binawi ni star rookie Malaluan matapos umiskor ng dalawang magkasunod na puntos, 5-4.
Gayunpaman, nagpatuloy ang pagtatala ng errors ng Lady Spikers na agad na sumira sa kanilang momentum. Bunsod nito, sinamantala at sumiklab ang puso ni Nisperos matapos magpakawala ng malakas na spike para maibigay ang kalamangan sa ADMU, 6-7.
Tila hindi mapigilan ng Lady Spikers ang bagsik ng opensa ng Blue Eagles nang umarangkada sina Raagas, Vanie Gandler, AC Miner, at Nisperos. Hindi naman pumayag si Gagate na magpatuloy pa ang pag-iskor ng mga agila matapos ibaon ang bola sa kabila ng harang ni Joan Narit, 10-12. Gayunpaman, hindi nagpatinag si Nisperos matapos rumatsada ng back row hit, 10-13. Sunod nito, inulan ng magkakasunod na error ang DLSU na tuluyang nagpalaki sa kalamangan ng katunggali, 11-16.
Tangan man ng Blue Eagles ang five-point lead, hindi nagpahuli si Malaluan matapos bumulusok ng isang crosscourt hit at off-the-block kill, 13-16. Sa kabilang banda, ipinamalas ni Miner ang bagsik ng kaniyang running attack na sinundan pa ng off-the block hit ni Nisperos, 13-18. Umabot man sa set point ang ADMU, tila kumakapit si magic bunot Soreño at nagpakawala pa ng nakamamanghang tirada, 19-24. Gayunpaman, tinuldukan ni Miner ang unang set matapos ipamalas ang kaniyang mabagsik na running attack, 19-25.
Mainit na pumasok sa ikalawang set ang Lady Spikers matapos makuha ni Alba ang service ace, 1-0. Tuloy-tuloy na umarangkada ang Lady Spikers sa pangunguna nina Soreño at Gagate, 7-3. Bagamat pumabor sa Lady Spikers, naidikit ng Lady Eagles ang laban bago ang unang technical timeout matapos ang mga running attack ni Miner, atake ni Nisperos, at errors ni Malaluan, 7-all. Nakabawi naman sa kaniyang mga error si Malaluan matapos pumasok ang kaniyang crosscourt hit, 8-7.
Hindi naman nagtagal ang kalamangan ng Lady Spikers matapos ang service error ni Malaluan, 8-all. Dalawang beses na nagtabla ang magkatunggali ngunit nagsimula nang ungusan ng Lady Spikers ang Lady Eagles matapos ang service error na naitala ni Nisperos, 12-11. Lalo pang lumaki ang agwat ng dalawang koponan hanggang umabot ito sa 5-point lead ng Lady Spikers na pinangunahan ni Malaluan, 16-11.
Bagamat lumiit ang lamang ng Lady Spikers dahil sa errors, mabilis nilang nabawi ang kanilang 5-point lead, 20-15. Hindi naman sumuko ang Lady Eagles at sinubukang paliitin ang agwat matapos magtala ng Lady Spikers ng errors at nang makapasok ang palo ni Nisperos, 22-18. Hindi na hinayaan pang makaiskor ng Lady Spikers ang Lady Eagles matapos ma-block nang tatlong beses ang mga atake ng Lady Eagles, 25-18.
Tila nagtuloy-tuloy ang init ng Lady Spikers sa pagpasok sa ikatlong set matapos makuha ni Malaluan ang unang puntos, 1-0. Bumangon naman ang Lady Eagles sa kanilang pagkakadapa at hindi hinayaang umarangkada ang Lady Spikers matapos itabla ang laro, 5-all. Mula naman sa net touch violation ni Sharma, naungusan na ng Lady Eagles ang Lady Spikers papasok sa unang technical timeout, salamat sa service ace ni Gandler at crosscourt hit ni Nisperos, 5-8.
Lumawak pa ang lamang ng Lady Eagles matapos ma-block ni Narit ang atake ni Gagate, 7-11. Nakahabol naman ang Lady Spikers matapos magtala ni Soreño ng dalawang magkakasunod na puntos, 12-all. Sa kabila nito, hindi naman pumayag ang Lady Eagles na mapantayan sila ng Lady Spikers, 14-16.
Nakakuha man ng service error si Raagas, 15-16, umakyat sa lima ang lamang ng Lady Eagles sa pangunguna ni Nisperos, 17-22. Sinubukan pang humabol ng Lady Spikers sa katauhan ni Gagate, 20-24, ngunit nasungkit pa rin ng Lady Eagles ang ikatlong set matapos ang net touch ng Lady Spikers, 20-25.
Umalab agad ang tambalan nina Soreño at Malaluan sa pagpuntos para makamit ang kalamangan sa ikaapat na set, 5-4. Kapansin-pansin din ang pagsiklab ni Sharma matapos saraduhan ang dalawang magkasunod na tirada ni Gandler, 7-4. Umarangkada rin si Dela Cruz matapos magpakawala ng dalawang puntos, 13-5. Sinundan naman ito ng service ace ni Sharma at muling pagratsada ni Dela Cruz sa atake, 16-7.
Hindi naman naupos ang determinasyon ni Malaluan matapos magpakawala ng service ace, 21-11. Sampu man ang naging kalamangan ng DLSU, hindi nagpatinag sina Nisperos, Miner, at Lyann De Guzman matapos ang kanilang kaliwa’t kanang pagpuntos, 21-15. Gayunpaman, umariba si Gagate nang ipamalas ang kaniyang clutch na quick hit, 24-19. Sinubukan mang humabol ng ADMU, nagpasiklab muli si Gagate mula sa kaniyang quick hit upang tuldukan ang ikaapat na set, 25-22.
Maganda ang naging simula ng ikalimang yugto para sa Lady Spikers matapos ang attack error ni Gandler, 1-0. Bunsod ng pagratsada nina Gagate at Malaluan, naungunsan ng Lady Spikers ang Lady Eagles ng tatlong puntos, 4-1. Sa kabila nito, nadagit ni Nisperos ang tatlong puntos para maitabla ang laban, 8-all.
Nagsimula namang umarangkada ang Lady Spikers ng saraduhan nina Soreño at Leila Cruz si Raagas, 10-8. Sunod-sunod naman ang puntos na ibinigay ng Lady Eagles sa Lady Spikers matapos magtala ng tatlong sunod-sunod na error, 14-10. Sinubukan namang harangin ng Lady Eagles ang panalo ng Lady Spikers sa pamamagitan ng atake ni Nisperos at service ace ni Takako Fujimoto, 14-12. Gayunpaman, nanaig pa rin sa huli ang Lady Spikers matapos malusutan ni Soreño ang blockers ng katunggali, 15-12.
Tunghayang muli ang laro ng Lady Spikers kontra Adamson University Lady Falcons sa darating na Huwebes, Hunyo 9, sa ganap na ika-12:30 ng hapon, sa SM Mall of Asia Arena.