HINIRANG na first runner-up ang De La Salle University (DLSU) Green Archers matapos kapusin kontra University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers sa huling araw ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 3×3 Men’s Basketball Tournament, Hunyo 3, sa Casobe Resort sa Calatagan, Batangas.
Kagila-gilalas na nakamtan ng Taft mainstays na sina Ralph Cu, Ben Phillips, Emman Galman, at Donn Lim ang 4-2 panalo-talo kartada kasama ang University of Santo Tomas (UST), University of the Philippines (UP), at National University (NU). Sa kabila nito, nakamit ng kalalakihan ng DLSU ang unang puwesto sa standings buhat ng mga naitalang puntos sa torneo.
Nasilayan ang pag-arangkada nina DLSU mainstays sa loob ng kort kontra UST. Mula sa masigasig na panimula sa unang araw ng torneo, muling ipinamalas ng DLSU Green Archers ang kanilang bagsik sa opensa at depensa.
Nahirapan man ang UST sa bagsik ng DLSU sa buena manong laro sa huling araw, nagawa pa rin nilang padikitin ang laban hanggang sa huling mga minuto ng sagupaan. Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Taft-based squad at tuluyang kumaripas matapos makuha ang isang kalamangan kontra UST, 20-19.
Sa kasamaang palad, nangibabaw ang determinasyon ng kapitan ng UST na si Sherwin Concepcion. Pinatumba ng dekalibreng atleta ang Green Archers sa pamamagitan ng kaniyang mainit na tiradang clutch two-pointer bilang panapos sa dikit na bakbakan, 20-21.
Matinding init naman ang bumungad ng muling magtagisan ng lakas sa kanilang huling mga laban ang Green Archers at Fighting Maroons. Agad na namukadkad ang opensa ng DLSU matapos pumukol ng 3-0 run sa talaan. Umarangkada para sa top-seed team ang Green Archer mainstay Galman matapos magpakawala ng mga nakamamanghang step-back na tirada sa paint, 7-3.
Ipinamalas naman ni bigman Phillips ang kaniyang bagsik matapos mamain si Harold Alarcon sa ilalim, 8-3. Hindi naapula ang pagiging agresibo ni Phillips nang magpakawala ng malayong tirada upang maiangat sa anim ang kalamangan ng DLSU, 10-4.
Malaki man ang kalamangan ng DLSU, biglang umalab ang puso ng Diliman-based squad matapos nilang magawang habulin ang Green Archers sa talaan. Hindi mapigilan ng Green Archers ang mga galamay ni Fighting Maroon Alarcon matapos magpakawala ng apat na sunod-sunod na tirada upang masungkit ang kalamangan, 10-11.
Agad namang binawi ni Cu ang kalamangan sa pamamagitan ng kaniyang pamatay na tirada sa labas, 12-11. Bukod pa rito, lumiyab din ang mga galamay ng sharpshooter Cu matapos magtala ng dalawang sunod na mainit na tirada mula sa arko, 18-13. Sinabayan din ito ng pagpapakitang-gilas ni Galman sa kaniyang pag-araro sa loob ng paint, 19-15.
Hindi naman nagpahuli ang tinaguriang comeback kings na Fighting Maroons matapos muling sumiklab ni Alarcon nang magpakawala ng dalawang magkasunod na clutch shots sa labas ng arko, 19-all. Sa kabila ng matinding pag-alab ni Alarcon, sumiklab ang Green Archer mainstay Cu matapos magpakawala ng kaniyang game-winning shot sa labas ng arko, 21-19. Kaakibat ng panalong ito, pumasok sa playoffs ang DLSU bilang top-seeded team at nakaharap ang NU Bulldogs sa semifinals.
Sa pagbubukas ng playoffs, nakaharap muli ng umaatikabong kalalakihan ng DLSU ang gutom na NU Bulldogs sa ikalawang pagkakataon. Bago makaabot sa finals, nakasagupa muna ng Green Archers ang NU sa isang dikdikan na labanan. Nagpakitang-gilas para sa koponang Green and White si Lim matapos maipasok ang mga nagbabagang tirada. Hindi rin nagpatinag si Ian Manansala mula NU matapos maging agresibo sa pag-atake sa loob at labas ng arko.
Bagamat naging agresibo ang NU, nangibabaw pa rin ang masidhing determinasyon ng Green Archers na makaabot sa finals matapos magawang takasan ang katunggali sa iskor na 19-17. Kaakibat nito, lumusot sa finals ng torneo ang top-seeded DLSU Green Archers at muling makahaharap ang mababangis na tigre ng UST.
Nagtagisan naman ng galing ang Green Archers laban sa UST Growling Tigers. Rumatsada agad si Cu para pumukol ng puntos na inalayan ni Phillips, 4-0. Bunsod ng sunod-sunod na pagpuntos ng DLSU, naging maalat ang opensa ng UST na pinangunahan ni Concepcion, 9-2.
Hindi naman nagpatinag si Bryan Santos sa kaniyang layup at agad na binigyan ng puntos ang UST, 10-3. Nagbadya naman ng pagpukol ng puntos ang kombinasyon nina Galman at Philips mula sa ilalim, 13-5. Sa kabila nito, walang awat na nagpakawala si Concepcion ng sunod-sunod na puntos upang idikit ang laban, 15-13.
Uminit din ang kagustuhan ni Galman na palawakin ang abante ng DLSU, 18-15. Sumunod naman sina Phillips at Cu sa pag-ambag ng puntos, 20-19. Gayunpaman, sa kasamaang palad, pumasok ang pangwakas na tirada ni Concepcion at tinuldukan ang laban pabor sa UST, 20-21.
Sa huling araw ng torneo, waging maiuwi ng UST Growling Tigers ang kampeonato sa UAAP Season 84 3×3 Men’s Basketball Tournament matapos ang kanilang come-from-behind-win kontra Green Archers. Napasakamay naman ng DLSU ang pilak na medalya sa torneo.