PINADAPA ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang University of the East (UE) Lady Warriors, 25-12, 25-19, 25-22, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Hunyo 4, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay.
Kuminang sa hanay ng Lady Spikers si Thea Gagate kontra UE Lady Warriors matapos makapagtala ng 12 puntos mula sa 11 spike at walong block. Nagpakitang-gilas din si super rookie Alleiah Malaluan matapos makapagtala rin ng 12 puntos mula sa 11 spike at isang service ace.
Hindi rin nagpahuli si Lady Warrior Ercae Nieva matapos makapag-ambag ng 12 puntos mula sa kaniyang umaatikabong spikes. Naging kasangga naman niya si Rhea Manalo matapos humakot ng sampung puntos mula sa spike.
Sa pagbubukas ng unang set, agad na umarangkada sa pagpuntos si Malaluan matapos magpakawala ng malakas na tirada, 1-0. Sinundan man ng errors ang koponang Green and White, agad naman itong binawi ni middle blocker Gagate matapos bumulusok sa quick hit at saraduhan ang UE sa net, 3-2. Sa puntong ito, tila umalab ang puso nina Lady Warriors Ja Lana, Manalo, at Nieva matapos bumulusok sa pagpalo, 5-7. Gayunpaman, binawian ito ng nakamamanghang drop ball ng kapitanang si Mars Alba, 10-9.
Hindi na pumayag pa ang DLSU na madikitan ng Recto-based squad sa unang set matapos umarangkada ang tinaguriang Taft towers na sina Leila Cruz at Gagate sa net defense, 12-10. Tila hindi pa tapos si Gagate sa pag-atake matapos rumatsada ng sunod-sunod na spike kasama ang isa pang kill block, 15-10. Bukod pa rito, bumida muli ang star rookie Malaluan matapos utakan ang blockers at magpakawala ng matinding palo, 24-12. Sinundan naman agad ito ng quick hit ni Fifi Sharma upang tapusin ang unang set, 25-12.
Maangas na simula ang ipinamalas ng Lady Spikers sa ikalawang yugto matapos lamangan ang Lady Warriors ng tatlong puntos, 4-1. Nagtuloy-tuloy pa ang pag-arangkada ng Lady Spikers sa pangunguna nina Sharma at Malaluan, 8-5. Bagamat napigilan ng Lady Warriors ang 3-0 run ng Lady Spikers, hindi pa rin ito naging sapat nang magtala ang Lady Spikers ng 6-0 run, 16-6.
Hindi naman hinayaan ng Lady Warriors na matambakan sila nang lubusan ng Lady Spikers matapos magtala ng 3-0 run, 17-11. Napilit pang mapaliit ng Lady Warriors ang agwat nila sa DLSU matapos puntiryahin ng tambalang Manalo at Lana ang net defense ng katunggali, 22-16. Gayunpaman, nabigo pa rin ang Lady Warriors nang makuha ni Lady Spiker Espina ang panalo sa set, 25-19.
Tila nabuhayan ng loob ang Lady Warriors sa ikatlong set matapos ang mahahabang sagutan kontra Lady Spikers. Nagpakawala ng matitinding spike at block ang Lady Warriors dahilan upang itabla ang laban, 2-all. Nagpatuloy ang determinasyon ng magkabilang koponan na nagpahirap sa kanilang wasakin ang dikdikang talaan, 10-all.
Buhat nito, nag-alab ang Lady Spikers sa pangunguna nina Gagate, Malaluan, at Cruz matapos magpakawala ng mga malapader na block at spike, 15-10. Hindi naman nawalan ng pag-asa ang UE at pinilit habulin ang kalamangan sa tulong ni Nieva, 20-18. Naging makapigil-hininga ang palitan ng tirada ng magkatunggali ngunit hindi na hinayaan pa ng atake ni Cruz na umabot sa ikaapat na set ang laro, 25-22.
Bunsod ng kanilang pagkapanalo, nananatiling matatag sa ikalawang puwesto ang DLSU Lady Spikers sa UAAP Season 84 Women’s Volleyball Tournament tangan ang 9-3 panalo-talo kartada. Abangan ang muling pagtutuos ng DLSU Lady Spikers kontra archrivals na Ateneo de Manila University Lady Eagles sa darating na Martes, Hunyo 7, ika-4 ng hapon.