KUMALAS ang De La Salle University (DLSU) Green Spikers bunsod ng hagupit ng University of Santo Tomas (UST) Tiger Spikers, 9-21, 10-21, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Beach Volleyball Tournament, Hunyo 4, sa Sands SM By the Bay.
Masigasig na umalagwa ang Green Spikers upang buksan ang sagupaan. Gayunpaman, agad na nakabalik sa laro ang mga pambato ng España. Sinubukan pa muling kumamada ng dugong berde sa pangunguna nina Noel Kampton at Vince Maglinao ngunit natapos ang unang yugto sa iskor na 9-21, pabor sa UST.
Matapos ang nagbabagang 12 puntos na kalamangan, kompletong dominasyon agad ang ipinamalas nina Tiger Spikers Jaron Requinton at Rancel Varga sa ikalawang yugto. Hindi na nag-atubili pa ang kalalakihan ng UST at sinelyuhan na ang pagkapanalo,10-21.
Matapos sumuko sa twice-to-beat advantage ng defending champions, mayroon pang tsansa na makapag-uwi ng tansong medalya ang Green Spikers.
Tunghayan ang huling pagsalang ng DLSU Green Spikers sa buhangin sa UAAP Season 84 para sa ikatlong puwesto bukas, Hunyo 5, sa Sands SM By the Bay, sa ganap na ika-9 ng umaga.