NATULDUKAN ang kampanya ng De La Salle University (DLSU) Lady Archers sa ikalawang araw ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 3×3 Women’s Basketball Tournament, Hunyo 3, sa Casobe Resort, Calatagan, Batangas. Nakapag-uwi ng kabuuang 2-4 panalo-talo kartada ang Lady Archers sa huling araw ng torneo.
Masiklabong pambungad ang ipinamalas ng Taft-based squad matapos pinasinayaan nina Kreecie Binaohan, Rossini Espinas, Marga Jimenez, at Altita Quingco ang pagbitbit ng unang panalo sa ikalawang araw. Gayunpaman, mahusay na hinarap ng UP Fighting Maroons ang puwersa ng DLSU ngunit kinapos silang tuldukan ang laban, 12-11.
Hindi naman nagtagal ang pagdiriwang ng Lady Archers mula sa kanilang huling panalo matapos silang payukuin ng National University (NU) Lady Bulldogs. Naging angat ang bangis na taglay ng Lady Bulldogs na sina Camille Clarin, Angel Surada, Tin Cayabyab, at Ann Pingol matapos ang dikit na sagupaan kontra Lady Archers. Sinubukang dumihan ng Taft-based squad ang malinis na talaan ng Lady Bulldogs ngunit hindi na nagpatinag pa ang kababaihan ng NU matapos selyuhan ang laro, 10-12.
Buhat ng kanilang apat na talo, bigong makatapak ang DLSU Lady Archers sa Final Four ng UAAP Season 84 3×3 Women’s Basketball.