MASIGASIG na mga koponan ang natunghayan sa unang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament matapos magbanggaan para sa kaniya-kaniyang pamantasan sa loob lamang ng tatlong linggo. Nagaganap ang mga laro sa torneo tuwing araw ng Martes, Huwebes, at Sabado.
Kargado nito, naglalaban-laban ang mga atleta ng National University (NU), De La Salle University (DLSU), University of Santo Tomas (UST), Adamson University (AdU), University of the Philippines (UP), Ateneo de Manila University (ADMU), Far Eastern University (FEU), at University of the East (UE) nang tatlong beses sa isang linggo upang matukoy ang mga koponang makaaakyat sa rurok ng team standings ng torneo.
Para sa unang yugto ng torneo, dikit ang paligsahan ng AdU Lady Falcons matapos humulma ng 4-3 rekord kontra ADMU Blue Eagles at UP Fighting Maroons na parehong gumuhit ng 3-4 panalo-talo kartada. Dulot nito, malaki ang tsansang makahabol sa huling puwesto ng semifinals ang tatlong koponan sakaling papalaring makalikom ng sapat na panalo sa ikalawang yugto.
Sa kabilang banda, maagang namukadkad ang powerhouse team na NU Lady Bulldogs nang simutin ang unang yugto tangan ang pitong panalo. Sinundan naman ito ng DLSU Lady Spikers at UST Golden Tigresses na kapwa kumubra ng 5-2 panalo-talo kartada. Ngayong nagtatagisan ang mga koponan para sa ikalawang yugto, mahalagang suriin ang kakayahan ng Taft-based squad na magtuloy-tuloy na lumagablab para sa puwesto ng semifinals at para sa inaasam-asam na twice-to-beat advantage nito.
Sinag ng pag-asa para sa Lady Spikers
Natalisod man kontra NU at UST sa unang yugto, malaki pa rin ang tsansa ng Taft mainstays na mapabilang sa semifinals ng torneo dahil sa kasalukuyan nitong 8-3 panalo-talo kartada. Sa katunayan, kapansin-pansin ang mas pinaigting na net defense at offense ng DLSU sa ikalawang yugto na pinangungunahan ng tambalang Thea Gagate at Fifi Sharma. Bunsod nito, kasalukuyang namamayagpag bilang best blocking team ang Lady Spikers.
Matatandaang lumapag sa ikalimang puwesto bilang best blocker si Sharma, habang ikaanim naman si Gagate na may tig-11 kill block noong unang yugto. Tagumpay rin ang dalawang Taft tower na harangan ang karamihan sa tirada ni Eya Laure sa kanilang ikalawang pagtutuos kontra UST. Bunsod nito, nakamit ng kasalukuyang best scorer ng torneo ang kaniyang pinakamababang tala na walong puntos nang matalisod kontra DLSU.
Maliban sa depensa sa net, patuloy na nagsisilbing pinakamahalagang alas ng Taft-based squad ang kanilang best scorer na si Alleiah Malaluan. Bitbit ang ranggong third best scorer, sixth best spiker, fourth best server, at sixth best receiver, maaaring tapusin ng DLSU ang kanilang karera sa ikalawang yugto sa kartadang 11-3 sakaling mapanatili ng naturang super rookie ang kaniyang kagila-gilalas at maliksing laro.
Handa ring alalayan ng mga setter ang scoring machine na si Malaluan para sa kanilang mga susunod na laro. Kabilang na rito si Mars Alba na hinirang bilang second best setter noong unang yugto. Patuloy pang nagpapasikat sa ikalawang yugto ang kapitana ng Lady Spikers matapos hiranging player of the game kontra UST bunsod ng kaniyang 25 excellent set. Maliban kay Alba, maganda rin ang ipinapakitang laro ng ikalawang playmaker Julia Coronel matapos magtamo ng siyam na excellent set kontra UP Fighting Maroons.
Mainam ding paigtingin ng DLSU Lady Spikers ang kanilang solidong floor defense kung gugustuhing makapasok sa semifinals at championship ng torneo. Kaugnay nito, maaasahan ng Taft-based squad ang kanilang libero na si Justine Jazareno at wing spikers Jolina Dela Cruz at Malaluan pagdating sa depensa. Matatandaang hinirang na best digger at third best receiver noong unang yugto si Jazareno, habang fourth best receiver naman si Dela Cruz.
Tiyak na maliwanag ang kinabukasan ng DLSU sa torneo matapos masamsam ang solong ikalawang puwesto sa standings. Sa katunayan, sa nalalabi nilang mga laro sa ikalawang yugto, wala na sa mga tumalong koponan sa kanila noong unang yugto ang makalalaban nila sa eliminasyon. Buhat nito, malaki ang tsansa ng DLSU na mapuslit ang ikalawang puwesto at twice-to-beat advantage sa semifinals sakaling magwagi muli kontra UE, ADMU, at AdU.
Malaking suliranin naman para sa koponang Green and White ang kanilang malabundok na unforced errors na maaaring maging sagabal sa kanilang mga susunod na laban, lalo na sa mga gutom na AdU at ADMU. Matatandaang nagkamit ng kabuaang 23 unforced error ang DLSU kontra sa unang koponan na tumalo sa kanila sa ikalawang yugto na NU. Nagkamit din ang koponang Lasalyano ng 27 error kontra FEU na mas marami pa sa bilang ng iskor ng isang buong set.
Karibal sa taluktok ng torneo
Bagamat natipalok ang Lady Falcons kontra NU at DLSU, nagawa namang pabagsakin ng Lady Falcons ang defending champions na ADMU sa loob ng apat na set. Kaakibat nito, malaki ang tsansa ng AdU na mapabilang sa playoffs kapag matatalo muli nila ang ADMU sa ikalawang yugto, lalo na’t kasalukuyan silang may parehong 6-5 panalo-talo kartada.
Bilang second best server at spiking team, maaasahang pahihirapan ng AdU ang floor at net defenders ng katunggali. Umarangkada para sa opensa ng Lady Falcons ang kasalukuyang tenth best scorer na si Trisha Genesis at third best setter na Louie Romero. Kasamang umaagapay kay Genesis ang kasalukuyang best blocker ng torneo na si Lorene Toring na mayroong 15 kill block noong unang yugto pa lamang. Gayunpaman, kinakailangang magpokus ang koponan sa kanilang floor defense matapos lumapag sa ikapitong puwesto sa digging department.
Dahil sa hindi matibag-tibag na talaan, mayroong malaking tsansa ang NU Lady Bulldogs na mapasakamay ang twice-to-beat advantage sa semifinals. Tila hindi nagpadaig ang NU at nanatiling malinis ang kartada mula una hanggang sa kasagsagan ng ikalawang yugto. Bumandera para sa Lady Bulldogs ang top setter ng liga na si Camilla Lamina at tatlong pinakamahusay na spikers na sina Princess Robles na nakapagtala ng 38.64% success rate, Michaela Belen na may 38.05%, at Alyssa Solomon na may 36.52%.
Kaagapay rin ng kababaihan ng NU ang kasalukuyang best server na si Solomon at best receiver na si Jennifer Nierva. Maliban dito, namayagpag din bilang best spiking, serving, setting, at receiving team ang Lady Bulldogs. Buhat ng kanilang perpektong talaan katuwang ang pagrereyna sa parehong opensa at depensa, kasama na sa playoffs ang NU na maaari ding makapasok agad sa finals ng torneo, sakaling mapatumba muli ang lahat ng natitirang katunggali sa ikalawang yugto.
Hindi naman magpapatinag sa bakbakan ang UST Golden Tigresses na kasalukuyang nasa ikatlong puwesto tangan ang 7-4 panalo-talo kartada. Matapos ang mabigat na pagkatalo sa defending champions na ADMU at kasalukuyang second placer na DLSU, mataas pa rin ang tsansa ng UST na mapabilang sa playoffs.
Kaakibat nito, asahang makababawi ang UST sa susunod nitong mga laro sa ikalawang yugto bilang best digging team, gayundin ang pagiging second best blocking at setting team sa torneo. Kasalukuyan mang sixth spiking team, patuloy namang umaariba sa opensa ang kasalukuyang best scorer na si Laure na may kabuuang 228 puntos. Gayunpaman, kailangan ni Laure ng katulong sa opensa upang masimot ang mga natitirang laban nito, lalo na’t kabilang dito ang NU.
Pagdanas ng maalong simula
Bigo pa ring makakuha ang UE Lady Warriors ng unang panalo sa kabila ng kanilang mga dikit na laban sa torneo. Matatandaang umabot sa limang set ang kanilang laban kontra FEU at apat na set naman kontra defending champions ADMU. Samantala, tila inaalon din sa torneo ang dating final four contender na FEU Lady Tamaraws buhat ng kanilang 1-10 panalo-talo kartada. Bunsod nito, wala nang pag-asa ang dalawang koponan na makapasok sa playoffs ng torneo.
Init at lamig naman ang naging takbo ng kampanya ng UP Fighting Maroons sa UAAP Season 84. Matatandaang naging kasama ng NU ang UP sa unang puwesto ng standings matapos maglagablab ng tatlong magkakasunod na panalo noong unang yugto. Kasama na rito ang kanilang pagtibag sa UST Golden Tigresses na kasalukuyang nasa ikatlong puwesto.
Bagamat lumalayo na ang pagitan ng kanilang talaan kontra AdU at ADMU, nananatiling buhay pa rin ang pag-asa ng UP na makapasok sa semifinals. Mapagtatagumpayan lamang ito ng koponan kapag magiging konsistent sa laro. Bagamat yumuko sa mga koponang nasa ikalawa at ikatlong puwesto ng standings, matatandaang naging dikit at nakuha ng UP ang kalamangan sa unang bahagi ng mga set noong nakalaban nito ang DLSU at UST sa ikalawang yugto ng torneo. Gayunpaman, asahang pangungunahan ng tambalang Alyssa Bertolano at Jewel Encarnacion na may pinagsamang 256 na puntos ang kampanya ng UP sa ikalawang yugto.
Sa kabilang banda, kagulat-gulat na dumausdos ang title contender at kasalukuyang defending champions na Ateneo Blue Eagles sa unang yugto ng torneo. Matatandaang tumaob sa mga kamay ng DLSU, UST, NU, at AdU ang Blue Eagles sa unang yugto ng torneo. Gayunpaman, clutch na kampanya sa ikalawang yugto ang ipinamalas ng koponan matapos magwagi kontra UST.
Bitbit ang 6-5 panalo-talo na rekord, malaki ang tsansa ng ADMU na mabingwit ang puwesto sa semifinals kapag mapadapa ang AdU, UP, at DLSU sa ikalawang yugto ng torneo. Magagawa lamang nila ito kung patuloy na tataas ang kompiyansa ng koponan at kapag tutulungan ni Vanie Gandler si Faith Nisperos sa opensa na mismong naging susi sa kanilang pagkapanalo kontra UST. Bunsod nito, kasalukuyang nasa ikalawa at ikapitong puwesto ng scoring department ang tambalang Nisperos at Gandler karga ang pinagsamang 323 puntos.
Abangan ang susunod na laro ng DLSU Lady Spikers bukas, Hunyo 4, sa ganap na ika-4 ng hapon sa SM Mall of Asia Arena. Mahalaga ang magiging resulta ng laban ng Taft mainstays kontra UE, ADMU, at AdU, sapagkat ito ang magdidikta sa kanilang kapalaran kung makapapasok nga ba sila sa semifinals nang may twice-to-beat advantage o tuluyang manganganib at dudulas sa kanilang kamay ang bentahe.