SUMIKLAB ang De La Salle University (DLSU) Lady Spikers kontra University of Santo Tomas (UST) Golden Tigresses, 25-23, 25-17, 22-25, 25-8, sa kanilang pagbawi sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Hunyo 2, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Naging balanse ang opensa ng bawat Lady Spiker sa pagkamit ng panalo ngunit nanguna para sa kanila ang opposite hitter Leila Cruz nang makapagtala ng 15 puntos kabilang ang 13 attack at dalawang block. Kaagapay naman niya sina Fifi Sharma at Thea Gagate na parehong umiskor ng 13 puntos. Naglista rin si Marionne Alba ng 25 excellent sets upang makuha ang titulong player of the game.
Sa kabilang banda, umukit naman sina Imee Hernandez at Ypril Tapia ng tig-12 puntos para sa Golden Tigresses. Hindi naman nagpahuli si Camille Victoria na umiskor ng siyam na puntos para sa UST. Sa kabila nito, napasakamay ng kasalukuyang best scorer ng UAAP na si Eya Laure ang kaniyang pinakamababang tala na walong puntos.
Malamya ang bungad ng panimulang yugto ng DLSU bunsod ng marahas na atake ng Golden Tigresses sa pangunguna nina Victoria at Tapia na kapwa umiskor ng dalawang puntos para sa koponan, 6-2. Nagsilbing susi ang timeout ni Coach Ramil upang maagaw ng Taft-based squad ang momentum matapos gumuhit ng limang magkakasunod na puntos, 7-6.
Naantala man ang momentum matapos mag-service error, naitulak ng Lady Spikers ang kalamangan sa tatlo mula sa back row toss ni Alba na gumulat sa UST, 10-7. Sumandal ang Golden Tigresses kina Hernandez at Victoria ngunit bigo silang maabutan ang Lady Spikers sanhi ng kabi-kabilang error, 17-15. Sunod nito, bumida ang Taft Towers Sharma at Alleiah Malaluan na nagpaandar sa 3-0 run ng DLSU.
Samantala, nakabawi si Christine Ecalla para sa Golden Tigresses nang pumukol ng dalawang middle of the court spike, 21-18. Naging tahimik man ang kapitana ng UST sa unang yugto, umukit naman siya ng dalawang kill upang maitabla ang laban, 23-all. Nahabol man, matagupay pa ring nakuha ng DLSU ang unang yugto matapos ang crosscourt spike at masigasig na receive ni Malaluan, 25-23.
Nagsagutan naman ng tirada ang dalawang koponan sa pagpasok ng ikalawang yugto ng laban, 3-all. Kumawala ang koponang Green and White matapos umukit ng magkakasunod na tirada si Cruz, 9-3. Naging pamatay-sunog naman sa kampo ng UST ang mga atake ng wing spikers nila na sina Laure at Tapia, 13-10.
Nagpatuloy ang pag-arangkada ng Lady Spikers matapos mag-ambag ng puntos ni Jolina Dela Cruz mula sa kaniyang umaatikabong spike, 16-11. Sinubukan namang paliitin ng Golden Tigresses ang kalamangan ng kalaban sa pamamagitan ng mga off-the-block hit ni Victoria, 20-15. Gayunpaman, agad nang sinungkit ng Lady Spikers ang panalo matapos paganahin ni Alba si Gagate sa gitna ng net, 25-17.
Sa pagbubukas ng ikatlong set, agad nag-ambag ng puntos si Laure para sa Golden Tigresses ngunit sinagot ito ng nagbabagang atake ni Cruz sa opposite, 4-5. Hindi rin nagpahuli sa depensa ang Lady Spikers at pinahirapan pa lalo ang opensa ng katunggali matapos ang triple block kay Laure, 15-12. Dagdag pa rito, pumuntos din si Cruz mula sa kaniyang off-the-block hit, 16-12.
Gayunpaman, umabot pa sa 11 ang unforced errors ng Lady Spikers, dahilan upang masamsam ng katunggali ang kalamangan, 20-21. Sa huli, nagpatuloy pa ang pagpuntos ng Golden Tigresses matapos payungan ni Hernandez ang tirada ni Dela Cruz na sinundan pa ng service ace ni Tapia, 22-25.
Engrandeng panimula ang ipinakita ng Lady Spikers sa ikaapat na set matapos manguna sa pagpuntos, 4-0. Nahirapan din ang opensa ng Golden Tigresses buhat ng pinaigting na depensa sa net ng Lady Spikers. Bunsod nito, hindi nakaporma ang UST scoring machine Laure matapos salagin ng mga naka-berde ang kaniyang mga tirada, 9-2.
Tuluyan nang humarurot ang laro ng Lady Spikers matapos makapag-ambag ng dalawang magkasunod na puntos si Sharma mula sa kaniyang quick attack at service ace, 19-6. Matapos nito, hindi na nakawala mula sa pagkagapos ang Golden Tigresses at tuluyan nang ibinigay ang tagumpay sa Lady Spikers, 25-8.
Bunsod ng panalo, umangat ang DLSU Lady Spikers sa ikalawang puwesto ng UAAP Season 84 Women’s Volleyball Tournament bitbit ang kartadang 8-4. Subaybayan ang muling pag-arangkada ng Lady Spikers sa torneo kontra University of the East Lady Warriors sa Sabado, Hunyo 4, sa ganap na ika-4 ng hapon.