NAGPAKITANG-GILAS ang De La Salle University (DLSU) Lady Archers upang subukang ibandera ang bandilang Green and White sa unang araw ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 3×3 Women’s Basketball Tournament, Hunyo 2, sa Casobe Resort sa Calatagan, Batangas.
Sa kabila nito, napasakamay ng koponang Lasalyano ang 1-3 panalo-talo kartada sa unang araw ng torneo. Buhat nito, nakahihinayang na karera ang ipinamalas nina Kreecie Binaohan, Rossini Espinas, Marga Jimenez, at Altita Quinco na yumuko sa dalawang talo sa torneo na isa lamang ang kalamangan ng katunggali.
Buena manong nakaharap ng DLSU sa UAAP ang University of Santo Tomas (UST) na nagsagutan ng matitinding tirada. Naging dikit ang bakbakan ng magkatunggali upang makamit ang kanilang unang panalo sa kompetisyon. Gayunpaman, kinapos sa pangwakas na atake ang Lady Archers na nagbigay-daan upang masamsam ng UST ang isang kalamangan sa pagtatapos ng laban, 10-11.
Parehong kapalaran naman ang sumunggab sa DLSU nang makalaban ang Far Eastern University (FEU) sa ikalawang laro nito. Kaugnay nito, gitgitan at gantihan ang naging tema ng sagupaan ng magkatunggali matapos puntiryahin ang depensa ng isa’t isa. Sa kabila nito, natakasan ng FEU ang gutom na DLSU matapos magwagi sa isang puntos na kalamangan lamang, 12-13.
Matapos madapa sa dalawang magkasunod na laro, lumiyab lalo ang determinasyon ng DLSU na masungkit ang kanilang unang panalo sa torneo. Nakipagtagisan ng galing ang mga umaatikabong atleta ng Taft-based squad kontra sa naglalagablab na Adamson University sa kanilang dikdikang laban. Dikit man ang naging talaan ng magkatunggali, nagawang kumawala ng koponang Green and White sa mga kamay ng San Marcelino-based squad upang makamit ang kauna-unahang panalo sa torneo, 9-7.
Nakaharap naman ng DLSU para sa kanilang huling laban sa unang araw ng torneo ang kanilang archrivals na Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Eagles. Dala ang momentum mula sa katatapos na panalo, sinubukang asintahin ng Lady Archers ang puwersa ng Loyola-based squad. Bagamat naging dikit ang bakbakan, nagawang masungkit ng Blue Eagles ang panalo matapos buwagin ang opensa ng DLSU, 10-13.
Susubukang makabawi ang DLSU Lady Archers mula sa kanilang mga dikit na naitalong laro sa unang araw ng torneo. Asahang aarangkada ang DLSU kontra sa University of the Philippines Lady Maroons at National University Lady Bulldogs na wala pang talo bukas, Hunyo 3, sa Casobe Resort sa Calatagan, Batangas.