NAMAYAGPAG ang De La Salle University (DLSU) Green Archers sa unang araw ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 3×3 Men’s Basketball Tournament, Hunyo 2, sa Casobe Resort, Calatagan, Batangas. Matapos ang unang araw ng torneo, bitbit ng Green Archers ang 3-1 panalo-talo kartada.
Nag-aalab na binuksan ng koponang Green at White ang kanilang kampanya kontra Adamson University (AdU) Soaring Falcons sa pangunguna nina Ben Phillips, Donn Lim, Ralph Cu, at Emman Galman. Hindi naman nagpatinag ang kalalakihan ng AdU na sina Jhon Calisay, Joseph Fuentebella, Ivan Maata, at Joshua Yerro upang tuluyang umalagwa sa sagupaan at dungisan ang kartada ng Green Archers, 12-18.
Bigo mang makapuslit ng unang panalo laban sa AdU, rumatsada muli ang Taft mainstays sa kanilang ikalawang laban kontra Ateneo de Manila University (ADMU) na binuo nina Shaun Chiu, Juan Fetalvero, Inand Formilos, at Christopher Koon. Kaugnay nito, naging dikit ang sagutan ng puntos ng magkabilang koponan. Sa huli, nangibabaw pa rin ang dugong berde upang makamit ang kanilang unang panalo, 15-10.
Humataw pa lalo ang koponang Lasalyano sa kanilang ikatlong laro kontra Far Eastern University (FEU) nang tambakan ang iskor nito. Hindi hinayaan ng DLSU na makaporma ang FEU na pinangunahan nina Daniel Celzo, Rodel Gravera, Ximone Sandagon, at Patrick Sleat. Dahil dito, madaling nasungkit ng Green Archers ang kanilang ikalawang panalo, 22-9.
Nagtuloy-tuloy pa ang paglagablab ng Green Archers nang makaharap nila ang pambato ng National University (NU) na sina Jesse Crisostomo, Ian Manansala, Germy Mahinay, at Patrick Ramos. Nagawang maangatan ng liksi ng Green Archers ang bangis ng katunggali kaya naisarado nila ang kanilang kampanya ngayong araw na may tatlong panalo, 19-18.
Abangan ang susunod na pag-arangkada ng Green Archers kontra University of Santo Tomas (UST) Growling Tigers mamaya, Hunyo 3, sa ganap na ika-11:45 ng umaga at kontra University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, ika-12:45 ng hapon sa Casobe Resort, Calatagan, Batangas.