NAPUTOL ang two-year winning streak ng De La Salle Taekwondo (DELTA) Men’s and Women’s Poomsae team matapos lumapag sa ikatlong puwesto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Poomsae Tournament, Mayo 31, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Nakamit ni De La Salle University (DLSU) Green Jin Patrick King Perez ang kaniyang gintong medalya para sa Men’s Individual Poomsae Tournament nang makapagtala ng iskor na 8.550. Sinundan naman siya ni Ceanne Rosquillo mula National University (NU) matapos masungkit ang pilak na medalya tangan ang 8.508 puntos. Napasakamay naman ni Vincent Rodriguez mula University of Santo Tomas (UST) ang tanso bitbit ang iskor na 8.370.
Naiuwi naman ng pambato ng DLSU na si Sofia Sarmiento ang tansong medalya matapos pumukol ng iskor na 8.385 sa Female Individual event sa finals ng torneo. Sa kabilang banda, ginto ang nasungkit ni Laeia Soria mula NU matapos umiskor ng 8.470, habang pilak ang nabitbit ni Aidaine Laxa mula UST matapos magtala ng iskor na 8.455.
Nasungkit naman ng DLSU Green Jins Jesse Ignacio, Michael Porras, at John Pacana ang tanso sa Men’s Team event matapos umiskor ang koponan ng 8.220. Hinirang namang kampeon ang koponan ng UST na sina Rodriguez, Miguel Baladad, at Darius Venerable nang makaiskor ng 8.520. Naiuwi naman nina James Lopez, Kier Macalino, at Ricco Teraytay mula NU ang pilak matapos umiskor ng 8.380.
Nakapag-uwi naman ng tanso para sa Female Team event sina DLSU Lady Jins Mikee Regala, Zyka Santiago, at Daphne Ching nang makalikom ng 8.400 puntos. Nakamit naman nina Laxa, Chelsea Tacay, at Stella Yape mula UST ang gitno tangan ang iskor na 8.515. Pumangalawa naman ang koponan ng University of the Philippines (UP) na pinagbidahan nina Joanna Jubelag, Adel Adriano, at Alyssa Caabay na umukit ng 8.500 puntos.
Lumapag naman sa ikalawang podium finish para sa Mixed Pair event sina Perez at Regala nang makapagtala ng 8.615 iskor. Bunsod nito, napasakamay ng DLSU ang pilak na medalya sa naturang event. Gintong medalya naman ang nasungkit nina Justin Macario at Jade Carno mula UST, habang hinirang na bronze medalist ang NU na pinangunahan nina Rosquillo at Soria.
Ibinahagi ng SEA Games silver medalist na si Perez sa Ang Pahayagang Plaridel ang kaniyang pakiramdam matapos makamit ang ikatlong gintong medalya sa Men’s Individual category. Aniya, “Hindi pa rin ako makapaniwala but I’m looking forward sa mga next seasons to come especially to my teammates din.” Nabanggit din ni Perez na naging motibasyon ng mga miyembro ng DELTA Poomsae team ang isa’t isa upang maging mas solido at maayos ang kanilang performance sa UAAP.
Nagtagumpay ngayong Season 84 ang UST matapos masungkit ang tatlong ginto, isang pilak, at isang tanso. Kaakibat nito, hinirang si Laxa ng UST bilang Rookie of the Year at Most Valuable Player ng torneo. Pumangalawa naman sa torneo ang NU dala ang isang ginto, dalawang pilak, at isang tanso.
Lumapag naman sa ikatlong puwesto ngayong Season 84 ang mga pambato ng DLSU bitbit ang isang ginto mula kay Perez sa Individual Men’s event, isang pilak mula sa pares nina Perez at Regala sa Mixed Pair event, at tatlong tanso mula kay Sarmiento sa Individual Women’s, DLSU Lady Jins sa Women’s Team event, at DLSU Green Jins sa Men’s team event.