PINIGILAN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang matinding opensa ng University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 25-21, 25-23, 25-21, sa ikalawang yugto ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Mayo 31, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Sumentro para sa Lady Spikers ang rookie star Alleiah Malaluan na nakalikom ng 14 na puntos mula sa 11 attack at isang block. Bumida rin ang middle blocker na si Thea Gagate na nakapag-ambag ng sampung puntos at dalawang block.
Pinakitaan naman ng kapitana ng Fighting Maroons Jewel Encarnacion ng matinding opensa ang katunggali matapos umukit ng 15 puntos at limang dig. Hindi rin nagpahuli si Alyssa Bertolano na nagtala ng kabuuang siyam na puntos at isang block.
Bumungad si Encarnacion sa pagbubukas ng unang set na agad nasundan nang sunod-sunod na error ng DLSU, 0-3. Bilang sagot sa pamumukadkad ng UP, unang nagpakitang-gilas para sa Green and White squad si Gagate, 1-3. Gayunpaman, nagpakawala ng matinding palo si Stephanie Bustrillo, 8-10. Sa kabila nito, waging pumuntos si Lady Spiker Jolina Dela Cruz upang makahabol, 10-11.
Bagamat nagtamo ng sunod-sunod na error ang Lady Spikers, hindi nagpatinag ang tambalang Gagate at Malaluan sa paghahabol ng kalamangan, 17-13. Gayunpaman, rumatsada para sa UP sina Jaila Atienza at Nina Ytang na pinatbala ang iskor, 19-all. Sa kabila nito, nagliyab ang kagustuhan ng DLSU na mapasakamay ang unang set kaya tinapos ito nina Malaluan at Julia Coronel, 25-21.
Namayagpag naman ang Fighting Maroons mula sa kanilang scoring efficiency at magkakasunod na error ng Lady Spikers sa ikalawang set, 0-5. Gayunpaman, nagpatuloy ang pagliyab ng panig ng Green and White nang pabaunan ni Leila Cruz ang kalaban ng matinding straight spike. Umariba rin ng service ace at umaatikabong spike si Malaluan, 7-10.
Patuloy pang nakahabol ang Lady Spikers sa agresibong atake ni Dela Cruz at quick ni Coronel na nagpatabla ng talaan, 18-all. Higit pa rito, bumida ang tambalang Malaluan at Coronel nang ipinamalas ang crosscourt spike at dump na nagpaangat ng kanilang puntos, 22-21. Hindi naman dito nagtapos ang pagpapasikat ni Malaluan dahil sinelyuhan niya rin ang ikalawang yugto, 25-23.
Ibinalik namang muli ng Maroon and White squad ang kalamangan sa kanilang panig sa ikatlong set matapos ang kanilang panimulang 4-0 run. Bagamat nagpatuloy ang sagutan ng tirada, pinangunahan ni Lady Spiker Erika Santos ang pag-alagwa mula sa gilid na nagpatabla ng kartada, 7-all. Sa kabilang banda, namayagpag ang Fighting Maroon super rookie na si Bertolano matapos magpaulan ng apat na magkakasunod na puntos, 9-15.
Agad naman itong tinapatan ng Taft tower na si Gagate matapos dominahin ng kaniyang block ang tirada ng kalaban, 15-16. Nagpatuloy pa ang pagbawi ng Lady Spikers nang umariba si Gagate mula sa kaniyang solidong solo block at quick, 20-18. Hindi na pinatagal pa ng Taft-based squad ang sagupaan nang ibaon ni Santos ang bola sa kort at nang pumalya ang atake ni Lorie Lyn Bernardo, 25-21.
Abangan ang susunod na laban ng DLSU Lady Spikers sa UAAP Season 84 Women’s Volleyball Tournament kontra University of Santo Tomas Golden Tigresses sa darating na Huwebes, Hunyo 2, sa ganap na ika-12:30 ng hapon.