WAGING PURUHAN ng punglo ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang bagwis ng Adamson University (AdU) Soaring Falcons, 21-14, 21-13, sa ikatlong araw ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Beach Volleyball Tournament, Mayo 29, sa Sands SM By the Bay.
Buhat nito, kabilang na ang DLSU Green Spikers sa Final Four ng torneo. Hinirang ang tambalan nina Noel Kampton, Vince Maglinao, at Andre Espejo bilang kauna-unahang kalalakihan na nakapasok sa Final Four matapos mapasakamay ang 4-1 panalo-talo kartada.
Kumpletong dominasyon ang ipinamalas ng Green Spikers sa pagbubukas ng unang yugto kontra Soaring Falcons matapos palobohin ang kanilang kalamangan. Nagpatuloy pa sa pagpapaulan ng matitinding tirada sina Kampton at Maglinao na tumuldok sa panimulang set, 21-14.
Pagdako ng ikalawang set, parehong kapalaran ang naging resulta ng kampanya ng Green Spikers matapos dominahin ang laban sa kabila ng pagkapagod mula sa sunod-sunod na laro sa UAAP, 21-13. Matatandaang naging araw-araw ang iskedyul ng mga laro ng Green Spikers sa beach volleyball simula nitong Mayo 27 hanggang 29 mula umaga hanggang hapon.
Bagamat yumuko sa karibal na Ateneo de Manila University, namayagpag ang Taft-based squad sa apat pang naging katunggali mula nitong Biyernes na National University, University of the Philippines, Far Eastern University, at AdU.
Pokus naman ang Green Spikers sa pag-eensayo at pagpapabuti ng sariling kakayahan upang patuloy na makausad sa kompetisyon. “To be honest po hindi namin expect na magiging ganito standing namin as in ang goal lang namin mag-focus at gawin mga pinapagawa ng coaches namin,” pagbabahagi ni Kampton sa kaniyang postgame interview.
Asahang aariba muli ang DLSU Green Spikers kontra University of Santo Tomas Tiger Spikers sa ikaapat na araw ng torneo sa darating na Biyernes, Hunyo 3, sa Sands SM By the Bay, sa ganap na ika-9 ng umaga.