Tumatagaktak ang pawis, nanunuyo ang mga labi, at unti-unting nasusunog ang balat ng mga nagsusumikap na makabenta ng likhang-sining sa may Plaza Rajah Sulayman. Karaniwang isinasawalang-bahala lamang sila ng mga dumadaang tao—tila isang mumunting detalye sa ipinintang tanawin. Siguro nga, bihirang masusulyapan ang mga pintor na suot ang kanilang namantsahang damit at namamaluktot na postura, ngunit ‘wag sana mabigong makita ang kataimtiman ng kanilang pakikipagsapalaran para maabot ang kahusayang tangan nila sa kasalukuyan. Hindi rin maikukubling nakararanas ng pangmamata at panghahamak ang kanilang mga komposisyon dahil lamang ibinebenta ito sa pampublikong liwasan o ‘di kaya naman sa mga nakatikwas at hindi patag na bangketa—kawangis ang kasalukuyang nararanasang matumal na bentahan. Sa likod ng kanilang mga nakamamangha at nakapupukaw na obra, gaano kaya katingkad ang kanilang karanasan sa pamamalagi sa industriya ng pagpipinta?
Bakas ng makulay na pangarap
Makukulay na pangako ang hawak ng paglahok sa larangan ng sining. Mula sa pagkakaroon ng isang komunidad na nakauunawa sa nakabibighaning ganda ng mga likha, hanggang sa pagbubuo ng mga obrang malapit sa puso ng isang artista at sa mga kumukonsumo nito. Ibinahagi ni Alexandro Paminiano sa Ang Pahayagang Plaridel (APP) ang kaniyang paglalakbay bilang isang pintor na natuto lamang sa sarili niyang pagsisikap.
Noong nasa elementarya pa lamang siya, nahubog na ang kaniyang interes sa pagpinta. Bagamat wala sa kaniyang pamilya ang marunong nito, naging malaking bahagi ng kaniyang pagkatuto ang panonood sa content creator na si Jestoni Rubantes, mas kilala bilang “Guhit Jes.” Dalisay ang pagnanais ni Paminiano na hasain ang kaniyang kahusayan sa kasanayang ito, kaya naman pinipilit niyang maglaan ng oras upang makapagsanay sa pagpinta sa kabila ng pagiging abala sa kaniyang trabaho. Pagbabahagi niya, anim na buwan na siyang hindi nakapagpipinta sa ngayon, ngunit may mga naguhit naman siya sa panahong iyon. “Portrait po na . . . dalawa po kami ng anak kong pangalawa po nasa bahay po tapos koi fish nasa lola ko naman po . . . Bulaklak po [nandito] po sa kinakapatid ko po sa Baseco,” paglalahad niya.
Nagbalik-tanaw rin si Paminiano sa kaniyang narating bilang pintor. Inalala niya ang kaniyang unang obrang naibenta, ang Cagsawa. Pagkukuwento niya, “First time po nabenta nung painting ko ‘di naman siya kagandahan pero gustong-gusto po talaga nung customer po.” Isa lamang ito sa maraming pagkakataong naipagkaloob sa kaniya upang maibahagi ang kaniyang pananaw sa mundo. Kaya naman sa bawat makabuluhang guhit na minamarka niya sa blangkong kuwadro, patuloy siyang nagbibigay ng panibagong dahilan sa mga nakakikita ng kaniyang mga piyesa na mas paigtingin ang bagay na nagbibigay ng kulay sa ating buhay.
Sa kaibuturan ng kanbas
Hindi kailanman naging madali ang pagbebenta ni Paminiano ng likhang-sining sa bangketa kahit bago pa umusbong at pumalo ang mga aktibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Lalo lamang umigting ang paghamon sa kaniyang nagpupumiglas na kinatatayuan sa industriyang kusang-loob niyang tinahak at malugod na kinabibilangan. “Mahirap na mahirap po talaga,” ganito niya ibinunyag ang nanlalatang bentahan ng kanilang kapuri-puring mga gawa sa gitna ng pandemya.
Isinalaysay rin ni Paminiano na mahal ang mga materyales, partikular na ang oil paint, na kanilang ginagamit sa pagbuo ng bawat piyesang itinitinda. Dahil ang mga pintor din ang bumibili ng kanilang sariling kagamitan, nararapat lang na presyuhan ang nayaring komposisyon sa halagang hindi bababa sa pinagkakagastusan. Aniya, “Sayang din po kasi sir sa materyales po. . . pangkain din.” Para sa mga pintor na ginagawang hanapbuhay ang pagbebenta ng kanilang sining, kinakailangan nilang masigasig na tantyahin ang presyo habang isinasaalang-alang ang iginugol na oras sa pag-aaral, pagsasanay, at pagkakapino sa kakayahang puminta; para muling ilaan ang nalalabing kinita sa paglikha ng panibagong piyesa.
Sa kasamaang-palad, naudlot ang kinagigiliwang libangan na pagpipinta ni Paminiano dahil kinailangan niya munang humanap ng ibang pagkakakitaan, “Ngayon po ‘di pa po ako nakakapag[pinta] kasi dito po sa may [Manila] Dolomite Beach ako nagtatrabaho,” malubay na tinig niya. Tanging araw-araw na panonood sa hinahangaan niyang si Guhit Jes ang kasalukuyan niyang sinasandalan sa panahon na abala siya sa ibang tungkulin. Sa oras na muli siyang magkaroon ng pagkakataong ipagpatuloy ang paglikha ng sining, hangad niyang hasain ang kaniyang abilidad upang maabot at mapantayan sa hinaharap ang mga likha ni Guhit Jes. “Katulad kay Guhit Jes po araw-araw kong pinapanood. . . parang gusto ko pa talagang tumbasan,” umaasang salaysay pa niya.
Pagpintang muli
Lingid sa kaalaman ng marami ang karanasan ng mga pintor o mangguguhit na lumaki sa lansangan—limitadong kaalaman at karanasan subalit patuloy pa rin sila sa pag-abot ng kanilang pangarap. Sa mundong napalilibutan ng teknolohiya, malaking oportunidad ito sa paghasa ng kanilang kakayahan at paghubog sa mga kamay na magdadala ng makukulay na larawan at obra maestra. Naglalaman ang bawat lonang pinipintahan ng kanilang karanasan at mga pangarap na magbibigay ng salaping matutugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan.
Maraming panahon ang iginugugol sa panonood ng mga mangguguhit at pintor sa social media upang makabuo ng obra na tatangkilin ng mga taong makakikita nito. Pagod at pawis ang naging sandigan sa bawat paglapat ng mga kulay sa puting tolda. Titiisin ang mainit at maalisangang paligid para lamang maipakita sa iba at maibenta ang pinintang pinaghirapan. Sa kabila ng pagbabago na dulot ng pandemya, dala-dala pa rin ng mga pintor sa bangketa ang kanilang nag-aalab na pagnanais na muling magamit ang kanilang mga kamay upang ipinta ang sining na nagbibigay-buhay sa kultura ng mga Pilipino.