NAPASAKAMAY ng Pilipinas ang ikaapat na puwesto sa 31st Southeast Asian Games (SEA Games) tangan ang kabuuang 226 na medalya mula sa 52 ginto, 70 pilak, at 104 na tanso. Pormal namang binuksan ang palaro sa Hanoi, Vietnam nitong Mayo 12 na nagtapos nitong Mayo 23. Nilahukan ito ng mahigit 5,000 atleta mula sa 11 bansa sa Timog-Silangang Asya na Brunei, Cambodia, Indonesia, Laos, Malaysia, Myanmar, Philippines, Singapore, Thailand, Timor-Leste, at Vietnam.
Itinanghal namang overall champion ang host country na Vietnam matapos magkamit ng sumatotal na 446 na medalya mula sa 205 ginto, 125 pilak, at 116 na tanso. Sa kabilang banda, nakuha ng Thailand ang ikalawang puwesto matapos masungkit ang kabuuang 331 medalya mula sa 92 ginto, 103 pilak, at 136 na tanso. Lumapag naman sa ikatlong puwesto ang Indonesia bitbit ang 69 na ginto, 91 pilak, at 81 tansong medalya.
Dulot ng banta ng pandemya, 40 isports lamang ang pinayagang makabilang sa 31st SEA Games. Sa kabila nito, 641 atletang Pilipino ang kumatawan sa bansa upang lumahok sa 38 sport events. Matatandaang 56 na isports ang itinampok sa torneo noong 2019.
Makasaysayang marka ng mga atletang Pilipino
Bigo mang depensahan ng Pilipinas ang titulo bilang overall champion, umukit naman ng samu’t saring makasaysayang tagumpay ang mga atletang Pilipino. Isa na rito si Carlos Yulo na humataw sa paghakot ng limang ginto at dalawang pilak na medalya sa larangan ng gymnastics.
Umukit din si EJ Obiena ng pinakamataas na rekord sa buong kasaysayan ng SEA Games matapos lumundag nang 5.46 meters sa larangan ng pole vault. Sa kabilang banda, binasag ni Merwin Tan ang 11 taong walang gintong medalya ang bansa sa bowling event ng SEA Games matapos mabingwit ang kampeonato sa men’s singles at men’s team of four.
Naibulsa rin ng Philippine Women’s National Football Team ang tansong medalya sa torneo matapos ang 37 taong pagkabigo sa naturang torneo. Makasaysayan din ang pagkapanalo ng GrindSky Eris sa SEA Games matapos maiuwi ang gintong medalya sa women’s division ng League of Legends: Wild Rift. Bunsod nito, itinanghal ang koponang Pilipino bilang kauna-unahang koponang all-female na kampeon sa larangan ng Esports sa SEA Games.
Napasakamay rin ng Pilipinas ang makasaysayang talo sa torneo matapos mabigong depensahan ng kings of Southeast Asian basketball Gilas Pilipinas ang kanilang titulo. Buhat nito, nasungkit ng Indonesia ang gintong medalya sa men’s 5×5 basketball sa iskor na 81-85 kontra Pilipinas. Matatandaang hawak ng Pilipinas ang naturang titulo mula noong 1989.
Bukod pa rito, nadismaya ang kalalakihan ng Gilas Pilipinas nang maagaw sa kanila ang gintong medalya sa 3×3 men’s basketball event. Kaakibat nito, lumapag sa ikatlong puwesto ang koponang Pilipino matapos pabagsakin ng Indonesia sa SEA Games.
Nabitin din ang Pilipinas sa mga isports na rowing, karate, at wrestling matapos mapagkaitan ng mga medalya. Kompara noong 2019, nakahakot ng mga medalya ang mga atletang Pilipino sa mga naturang sports event.
Hindi naman nabigyan ng pagkakataong lumahok sa SEA Games ang mga atletang kabilang sa Philippine Bodybuilding Team matapos hindi makapagpasa ng resulta ng kanilang doping test. Dagdag pa rito, hindi rin accredited ng Asian Bodybuilding Federation ang siyam na Pilipino na bodybuilder, dahilan upang madiskwalipika sila sa torneo.
Paghataw ng mga atletang Lasalyano
Nagpakitang-gilas din sa iba’t ibang sport event ng SEA Games 2021 ang mga atleta mula sa Pamantasang De La Salle (DLSU). Kabilang dito ang manlalangoy na si Chloe Isleta na nag-uwi ng gintong medalya sa 200-meter backstroke at dalawang pilak na medalya mula sa 100-meter backstroke at 4×100-meter medley relay. Bunsod nito, napasakamay ni Isleta ang kauna-unahang gintong medalya ng bansa sa women’s swimming matapos ang 29 na taong pagkabigo ng Pilipinas na makamit ito.
Bumida rin ang mga Lasalyanong sina Patrick King Perez at Raphael Enrico Mella sa men’s recognized poomsae event ng SEA Games nang makuha ang pilak na medalya. Napabilang din sa koponang SIBOL para sa larong Mobile Legends: Bang Bang si Russel Aron “Eyon” Usi na nakapag-uwi ng gintong medalya sa torneo kasama sina Johnmar “OhmyV33nus” Villaluna, Danerie “Wise” Del Rosario, Salic “Hadji” Imam, Kyle “Dominic” Soto, Howard “Owl” Gonzales, at Dexter “Dex Star” Alaba.
Kasama rin ang DLSU Lady Booters na sina Alisha Del Campo, Tara Shelton, at Anicka Castaneda sa national team ng Pilipinas na lumahok sa SEA Games 2021. Bitbit ang angking husay at determinasyon, nabingwit ng mga atletang Lasalyano ang tansong medalya sa women’s football event ng torneo. Bukod dito, nagpakitang-gilas din si Enrico Mangaoang matapos mapabilang sa Philippine Men’s National Football Team na lumahok sa SEA Games 2021.
Nakasama rin sa Philippine Athletics Team na lumahok sa torneo sina Bernalyn Bejoy, Melissa Escoton, Jessel Lumapas, at Alvin Vergel. Kargado nito, nakamit ni Bejoy ang tansong medalya sa 4×400 women’s relay at 4×400 mixed relay kasama si Lumapas. Isang tansong medalya rin ang nakamit ng Lasalyanong si Johann Olaño kasama sina Paul Marton Dela Cruz at Flor Matan sa men’s team compound sa isport na archery.
Hindi rin nagpahuli ang Lasalyanong si Raven Alcoseba matapos sungkitin ang tansong medalya sa women’s triathlon. Dagdag pa rito, napasabak si Xiandi Chua sa SEA Games 2021 matapos makamtan ang ikaanim na puwesto sa women’s 400-meter individual medley.
Sa kabilang banda, sumabak din si Airah Mae Nicole Albo sa SEA Games 2021 sa women’s doubles ng badminton kasama si Thea Marie Pomar. Gayunpaman, pinayuko sila ng Singaporean pair na sina Jin Yujia at Crystal Wong, dahilan upang hindi na nakaarangkada pa sa semifinals.
Nakasama rin sina Emy Rose Dael at Angel Laude sa Philippine Table Tennis Team upang pangatawanan ang bansa sa patimpalak. Gayunpaman, nabigo silang makakuha ng medalya sa SEA Games 2021.
Nasaksihan namang muli ng mga tagahanga ang dating DLSU Lady Spikers Aby Maraño, Dawn Macandili, at Majoy Baron nang mapabilang sa Philippine Women’s National Volleyball Team. Gayunpaman, nabigo silang makatungtong sa podium matapos pabagsakin ng Indonesia sa iskor na 21-25, 25-22, 19-25, 21-25.
Nalimitahan man ng pandemya ang mga laro sa SEA Games 2021, nagpakitang-gilas pa rin ang mga atletang Pilipino para makapagbigay-karangalan sa bansa. Kaakibat nito, tiyak na aarangkada muli ang mga atletang Pilipino sa ika-32 SEA Games na magsisimula sa Mayo 5, 2023 sa Cambodia.
—
Pinagpupugayan ng Pilipinas ang lahat ng atleta at manlalarong Pilipino na nagtayo ng bandera ng bansa sa ginanap na SEA Games 2021.
Muli, pagbati at pagsaludo mula sa Ang Pahayagang Plaridel! Ipinagmamalaki kayo ng sambayanang Pilipino!