IPINALASAP ng De La Salle University (DLSU) Green Spikers ang pait ng unang talo sa University of the Philippines (UP) Fighting Maroons, 21-19, 21-11, sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Men’s Beach Volleyball Tournament, Mayo 27, sa Sands SM By the Bay.
Dikit ang naging bakbakan sa pagitan ng DLSU Green Spikers at UP Fighting Maroons hanggang sa kalagitnaan ng unang set, 16-13. Bagamat manipis ang kalamangan, tuluyan nang tinuldukan nina Noel Kampton at Vince Maglinao ang naturang yugto, 21-19.
Kompletong dominasyon ang ipinamalas ng Green Spikers pagdako sa ikalawang set matapos sumibat ng limang kalamangan sa pagbubukas ng serye, 10-5. Tila lumiyab din ang mga palad ng tambalang Kampton at Maglinao matapos masamsam ang pitong kalamangan, 14-7.
Matapos nito, nagpatuloy pa ang momentum ng DLSU bunsod ng errors at patay-sinding depensa ng UP, dahilan upang maprotektahan ang pitong kalamangan, 17-10. Sa huli, winakasan ng DLSU ang laro at hindi na pinayagan pang makabangon mula sa lusak ang katunggali, 21-11.
Abangan ang tapatan ng DLSU Green Spikers at Ateneo de Manila University Blue Eagles na kasalukuyang may kapwa 2-0 panalo-talo kartada bukas, Mayo 28, sa ganap na ika-11 ng umaga.