BIGONG TIBAGIN ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang malinis na kartada ng National University (NU) Lady Bulldogs, 21-25, 20-25, 17-25, sa ikalawang round ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Mayo 26, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Pinangunahan ng Taft tower ng DLSU na si Thea Gagate ang kampanya ng koponan matapos umukit ng sampung puntos mula sa pitong spike at tatlong block. Bumida rin ang star rookie na si Alleiah Malaluan matapos kumamada ng pitong puntos. Nakapag-ambag din sina Baby Jyne Soreño at Matet Espina na may pinagtambal na 11 puntos.
Sa kabilang banda, dinomina ng kasalukuyang best spiker ng UAAP na si Cess Robles ang ikalawang bakbakan kontra DLSU matapos tumikada ng 17 puntos. Umagapay rin sa pagratsada ng Lady Bulldogs sina Bella Belen at Alyssa Solomon na may pinagsamang 25 puntos.
Maagang tumambad sa unang set ang malakuryenteng running attack ni Solomon na gumulat sa depensa ng DLSU, 0-1. Sunod nito, maalab at madiskarteng pagpasa ng bola ang kinamada ng NU playmaker Camilla Lamina upang paganahin ang kaniyang mga spiker tungo sa kanilang 8-4 lead. Buhat ng matitinding spike ng tambalang Belen at Robles, nagpatuloy pa ang kagila-gilalas na dominasyon ng NU matapos palawigin sa anim ang kalamangan, 5-11.
Bagamat sinubukang makabawi ng DLSU, tuluyang binusalan ni Belen ang umiingay na kampanya ng katunggali matapos buhatin ang NU tungo sa ikalawang technical timeout, 16-10. Nakahabol man mula sa errors ng katunggali, yumuko ang DLSU sa panimulang engkwentro matapos ang pagkawagi ni Robles sa joust, 25-21.
Pagdako ng ikalawang set, matuling natamasa ng Taft-based squad ang kagalakan matapos ang pananalasa ng tambalang Gagate at Jolina Dela Cruz sa opensa, 8-4. Sa pangunguna naman nina Robles at Belen, pinatahimik ng Lady Bulldogs ang imik ng sandatahan ng DLSU matapos kumubra ng 8-3 run, 15-all. Gayunpaman, agad na sinunggaban ng service ace ni Malaluan ang paghahabol ng katunggali, 18-15.
Sagutan ng puntos ng magkatunggali ang naging eksena sa huling bahagi ng laban matapos ang madiskarteng cut shot ni Solomon, 20-all. Sa kabila nito, pumiglas mula sa pagkakatali ng tablang talaan si Robles matapos sumibat ng off-the-block kill, 20-21. Matapos nito, sunod-sunod na nagkamit ng nakahihinayang na attacking error ang DLSU hanggang sa mapasakamay ng NU ang match point, 20-24. Sa huli, tinuldukan ng drop ball ni Robles ang ikalawang set tangan ang 7-0 run, 20-25.
Sa pagbubukas ng ikatlong yugto, masigasig na nagsagutan ng puntos ang dalawang koponan, 4-2. Sunod nito, rumatsada ang Taft-based squad sa pangunguna ng kumpas ng super rookie Malaluan, 4-6. Sa kabila nito, hindi nagpaawat sina Lady Bulldogs Lamina at Robles matapos nilang makaganti at palobohin ang kalamangan sa lima, 5-10.
Sinubukang makahabol ng tambalang Fifi Sharma at Espina ngunit tuluyan nang lumubog ang depensa ng Lady Spikers buhat ng mabibigat na jumping serve ni Belen, 12-23. Gayunpaman, hindi hinayaang magpatambak ni Espina matapos tumuklaw ng isang crosscourt attack, 16-24. Gayunpaman, hindi ito naging sapat nang agad na tinuldukan ni Sheena Toring ang bakbakan bitbit ang 8-0 rekord ng NU, 17-25.
Abangan ang susunod na laro ng DLSU Lady Spikers sa ikalawang yugto ng UAAP Season 84 Women’s Volleyball Tournament kontra Far Eastern University Lady Tamaraws sa darating na Sabado, Mayo 28, sa ganap na ika-6:30 ng gabi.