Patulin nang patulin ang takbo ng industriya ng fashion—para bang hinahabi ng maliliksi’t kagilas-gilas na kamay ng isang mananahi ang paggalaw nito. Ipinapasok mo pa lamang ang sinulid sa karayom, umaarangkada na sa pagtatahi ang malalaking pangalan sa industriya—mistulang dinidikta ang kapalaran ng mga susunod na piyesang ihahain mo sa madla. Samu’t sari man ang kalabasan ng mga likha, walang magawa ang maliliit na brand kundi sumabay sa agos kahit pa iba ang pulso ng kanilang puso. Tila nakatahi sa sapot ng gagamba ang kakayahan nilang maging malikhain sa kung ano ang uso. Sa kabila nito, may iba pa ring tumataliwas sa alon—ibinibida ang kisig ng sarili nilang tatak at ipinoporma ang kakaiba nilang disenyong nahinuha mula sa kanilang interes at kinagigiliwang libangan. Isa na rito ang vintage shop na Glorious Dias, na matapang na tumitindig para ipagmalaki at panatilihin ang kagandahan at kasaysayan ng mga Pilipino sa pamamagitan ng mga damit.
Sa panayam ng Ang Pahayagang Plaridel kay Jodinand Aguillon, may-ari ng Glorious Dias, isinalaysay niya ang kaniyang mga inspirasyon sa likod ng Glorious Dias at ang estratehiyang kanilang ginagamit upang makipagsabayan sa mga trend sa kasalukuyan. Maliban dito, inilahad din niya ang ugnayan sa pagitan ng fashion at kulturang Pilipino. Alamin kung saan at paano nagsimula ang inspirasyon sa likod ng kanilang mga likha.
Sa likod ng pinagtagpi-tagping tela
Hindi nakabibigla ang tagumpay na nakamit ni Aguillon sa kaniyang ginawang bilihan ng damit na may pinaghalong tradisyunal at modernong disenyo. Marahil kahit tatlong taon pa lamang ang brand na Glorious Dias, hindi na mabilang ang karanasan ni Aguillon sa daigdig ng fashion. Bago niya itinatag ang sarili niyang brand, nagtrabaho muna siya sa mga retail shop bilang isang stylist at tagagawa ng mga kasuotan. Matapos nito, ginamit niya ang mga naipong wardrobe, sanhi ng nakaraang trabaho sa retail shop, upang panandaliang buksan ang isang pop-up shop. Sa maiksing pagbubukas nito, nakatanggap sila ng mainit at taos-pusong suporta mula sa publiko, kaya naman naudyok silang gawin itong pangmatagalang negosyo. Aniya, “I was really surprised [that people were] super supportive and. . . curious about it. So, that was supposed to be a week, [but] we’ve been around for three years now.”
Sa kabilang banda, kaniyang inilahad ang kakaiba niyang kapalaran pagdating sa paghahanap ng ninanais na tela o damit. Inihalintulad niya ang sariling swerte sa lotto at batubalani dahil kaysa hanapin niya ang mga ito, mas madalas na lumalapit ito sa kaniya. Sa ganitong paraan, nakahahanap siya ng mga pira-pirasong telang nakapagbibigay sa kaniya ng inspirasyon pagdating sa disenyo ng mga susunod niyang koleksyon ng kasuotan. Maliban dito, tiyak na napukaw rin ng mga makalumang larawan at fashion ang kaniyang pansin—dahilan ng pagmamanipula ng mga makalumang damit papunta sa makabagong kasuotan. Simple man ang pinagmulan ng inspirasyon, kitang-kita sa bawat detalye ng disenyo sa Glorious Dias ang kalidad at tunay na pagmamahal sa kulturang Pilipino.
Masisilayan rin ang pagmamahal at pag-unawa ng brand sa mga mamimili nito. Bagamat layunin mang panatilihin ang aspekto ng kulturang Pilipino at impluwensya ng mga modernong taga-disenyo, nabibigyang-pansin pa rin ang pagiging bukas nito sa lahat; walang naiiwan at nananatiling inklusibo. Makikita ito sa pagiging multifit ng sukat ng mga damit. Isinasaalang-alang din nila ang sitwasyon at nararamdaman ng mga magsusuot ng mga damit—kung maginhawa ba ang pakiramdam kapag suot ito. Matatanaw na hindi lamang sila isang bilihang itinayo para sa salaping kikitain kundi para sa mga mamimili at pagpapayaman sa kultura.
Paghagod sa malawakang gusot
Sa ngalan ng dekalidad at makakalikasang paglikha, mahinahong pagpapatakbo ang tugon ng Glorious Dias sa paspasang mundo ng fashion industry. Pumapasok dito ang konseptong “newtro:” isang kultural na pagtatagpi ng nakaraan at kasalukuyan mula sa kasuotan hanggang sa paraan ng pamumuhay. Nananalaytay ang konseptong ito sa bulto-bultong makalumang damit mula sa bansang Korea na nagiging surplus at itinatambak naman sa Pilipinas dahil sa lapit nito batay sa heograpiya. Ani Aguillon, “A lot of [that] has made its way over to us here in our ukays and I guess, in our circularity of secondhand fashion.”
Sa kabila ng kanilang mga hakbangin, hindi maikakaila ni Aguillon na dinodomina ng fast fashion brands ang aparador ng masa ngayon. “It’s become so fast and it’s only getting faster. . . and social media definitely played a huge part in that with the hauls, the OOTDs,” pagpapaliwanag niya. Noong minsan pa, pagbabahagi niya, nagkalat na agad sa Quiapo o Divisoria ang full-priced na damit mula sa isang sikat na fast fashion brand. Ang damit na nasa website pa ng nasabing kompanya, ibinebenta na sa bangketa sa halagang isang daan—halos kalahati ng tunay na presyo. Sa tulin ng paglapag nito sa bansa, tila nakagugulat ang sistema ng distribution loop ng mga produkto.
Binubuksan nito ang mas malalim na usapin sa nag-uumapaw na pagtangkilik sa fast fashion. Kailangan ring isaalang-alang ang pagiging inklusibo at abot-kaya na hatid ng mura’t usong mga damit—bagay na nananaig sa regular na mamimili. Gayunpaman, hindi pa rin siya nagpapatinag sa mundo ng fast fashion, bagkus magpapatuloy ang Glorious Dias na makiisa sa daan patungong sustainable fashion. Munting paalala nga lamang ni Aguillon pagdating sa etikal na pagkonsumo: “It’s not a choice for everybody. It’s a privilege.”
Paghabi sa makulay na nakaraan at kinabukasan
Kakaibang kintab at kislap naman ang hatid ng mga Pilipino pagdating sa nasabing industriya. “All these big houses and big names and we’re not credited for our Filipino ingenuity and textile!” madamdaming pahayag ni Aguillon, patunay sa puwersa ng disenyong atin sa loob at labas ng bansa. Mula sa mala-barong na koleksyon ng high-fashion brand na Valentino hanggang sa malalaking artistang binibihisan ng kilalang fashion designer na si Michael Cinco, patuloy na nagsisilbing inspirasyon ang sariling tela, disenyo, at kulturang Pilipino upang ipagmalaki ang pagkakakilanlan ng Pilipinas, anomang henerasyon at lugar ang pinanggalingan. “Filipino fashion doesn’t always have to stay in a lane, of being traditional, or modernizing Filipiniana,” bagay na kaniyang isinasaisip sa paglikha para sa Glorious Dias.
Makulay ang kinabukasan ng Pilipinas pagdating sa fashion para kay Aguillon. “I’ve always seen Filipino traditional fashion, no matter what era, as something quite futuristic [and] highly advanced. From our gold, our weaves, textiles, from our styles,” paglalahad niya. Pagdating naman sa likas na yaman ng materyales, inihayag niya ang pananabik sa lalong pagpatok ng industriya ng pinya’t abaca. May kamahalan man ito ngayon, hangad pa rin niyang mas maging abot-kaya sa madla ang mga gawa at habi nito. Lubos ang kaniyang tiwala sa hangaring madagdagan pa ang mga Pilipino na designer na makikilala sa loob at labas ng bansa. “Fashion is our soft power,” pagmamalaki niya; “Filipino fashion is the future.”