OPISYAL NANG HINIRANG sina Jericho Jude Quiro bilang batch legislator at Kara Valdez bilang batch vice president ng FAST2018 sa isinagawang sesyon ng Legislative Assembly (LA), Mayo 20. Inanunsyo rin ang naging resulta ng freshmen batch legislators exams.
Pagluklok sa batch legislator ng FAST2018
Inumpisahan ni Aeneas Hernandez, EXCEL2022, ang sesyon sa patatalaga kay Quiro bilang panibago at huling batch legislator ng FAST2018. Matatandaang nanilbihan si Quiro bilang chief magistrate ng University Student Government (USG) Judiciary.
Kaugnay nito, inusisa ni Didi Rico, 74th ENG, kung isinangguni nina Hernandez sa College Legislative Board ng College of Liberal Arts (CLA) ang panukalang ito. Sinagot naman ni Hernandez na hindi nila sinangguni ang panukala ngunit tiniyak niyang dumaan sa tamang proseso ang mga aplikasyon para sa posisyon ng batch legislator at batch vice president.
Inalam naman ni Alijaeh Go, 76th ENG, ang mga proyektong nais imungkahi ni Quiro sa LA. Inilahad ni Quiro na nakasentro ang kaniyang legislative program sa temang legacy. Aniya, “I believe it is only fitting that FAST2018 leaves a legacy [for] future generations of Lasallians and Filipinos to see.”
Inilahad din niya na nais niyang magtatag ng DLSU USG Martial Law Commemoration Commission na naghahangad na gunitain, imulat, at siguraduhin na may sapat na kaalaman ang mga Lasalyano sa kahalagahan ng kalayaan. Dagdag pa niya, “This is my attempt at ensuring that while a Marcos will sit in Malacañang again, the truth will not be buried.”
Sunod na inilatag ni Quiro ang iba pang panukala na nais niyang isakatuparan. Kabilang rito ang pagbabawal sa pagpapakalat ng maling impormasyon, panlilinlang, at trolls sa loob ng Pamantasan. Aniya, “If the national government will not do it, at least DLSU will.”
Iniluklok si Quiro bilang FAST2018 batch legislator sa botong 18 for, 0 abstain, 0 against.
Paghirang sa batch vice president ng FAST2018
Sunod na tinalakay sa sesyon ang paghirang kay Valdez bilang bise presidente ng FAST2018. Matatandaang tumakbo si Valdez bilang bise presidente ng FAST2018 sa nagdaang special elections ngunit hindi niya nakalap ang sapat na boto upang manilbihan sa puwesto.
Inusisa ni Rico ang mga plano ni Valdez sa oras na maitalaga bilang batch vice president ng FAST2018. Inihayag naman ni Valdez na tututukan niya ang student services at itutuon ito sa mga estudyanteng nalalapit nang magtapos. Sa kabilang banda, nais din niyang ipagpatuloy ang adulting series na naging proyekto ng mga nakaraang opisyal ng FAST2018.
Nilinaw rin ni Rico kung naabisuhan si Hyacinth Flores, batch president ng FAST2018, para sa panukalang ito. Sinagot naman nina Hernandez at Quiro na naabisuhan sina Flores at Verrick Sta. Ana, college president ng CLA, para sa panukala. Ibinahagi pa ni Quiro na sina Flores at Sta. Ana ang nag-interbyu sa kanila at sa ibang aplikante.
Isinapinal ang paghirang kay Valdez sa botong 22-0-0.
Pag-anunsyo sa resulta ng Legislators Exam
Inanunsyo na rin ni Francis Loja, chief legislator, ang naging resulta ng freshmen batch legislator exam at ang mga top scorer dito. Ibinahagi niyang nakapagtala ng 89% average na iskor ang mga batch legislator.
Una niyang inanusyo ang mga nakakuha ng pangatlong pinakamataas na iskor (91.5%) na parehong nakuha nina Sebastian Diaz, CATCH2T25, at Lauren Orong, FOCUS2021. Sumunod na inanunsyo ang mayroong pangalawang pinakamataas na iskor (95.5%) na nakamit ni Mikee Gadiana, EXCEL2024. Nanguna naman si Alijaeh Go matapos niyang makamit ang pinakamataas na iskor (96%).
Binigyan ng pagkakataon si Go upang mamili ng kabibilangan niyang komite sa sponsoring commitees ng LA dahil siya ang may pinakamataas na marka. Pinili niya ang National Affairs Committee habang itinalaga ni Loja ang ibang legislators sa iba’t ibang mga komite. Napabilang sa Rules and Policies sina Diaz, Gadiana, Janella Lim ng FAST2021, at Chloe Almazan ng EDGE2021. Inilagay naman sa Students’ Rights and Welfare sina Orong at Raphael Hari-Ong, BLAZE2024.
Sa kabilang banda, binigyan din ng pagkakataon si Quiro upang mamili ng floor na kabibilangan niya. Ipinakiusap ni Quiro kung maaaring sa susunod na sesyon na lamang niya sasabihin ang kaniyang napiling pulong dahil nais niya munang makausap ang mga pinuno nito. Agad naman itong inaprubahan ni Loja.