AGAW-ATENSYON ang De La Salle University (DLSU) Animo Squad matapos ibida ang kanilang Lady Gaga-themed routine. Sa kabila nito, lumapag sa ikapitong puwesto ang koponang Lasalyano sa University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Cheerdance Competition, Mayo 22, sa SM Mall of Asia Arena, Pasay City.
Buhat ng pagkakaroon ng 60% rookies sa koponan, naging maingat sa paggawa ng stunts ang koponang Lasalyano matapos lamang magtala ng two-high pyramid at hand-spring tumbling ang kanilang opening routine. Gayunpaman, bumawi sa dance choreography ang DLSU matapos makapitik nang maayos na synchronization sa liksi at tempo sa floor stunts.
Sa kabilang panig, naunang sumalang sa entablado ang Ateneo de Manila University (ADMU) Blue Babble Batallion kasabay ang matamlay na pagbagtas matapos mapasakamay ang hinagpis mula sa failed stunts at tower. Tangan ang 70’s-themed na routine, kumonekta ng isang full twist layout ang Blue Babble kasabay ang mga low-amplitude toss mula sa 3-man stunts nito.
Sa kabila ng mga pagtatangkang makasipat nang maayos na lipad, sunod-sunod na mga penalty at deduction ang nakamtan ng ADMU buhat ng kanilang pagkahulog sa ilang bahagi ng kanilang pagtatanghal. Kaugnay nito, tila nahirapan ang ADMU na sabayan ang mabilis na tempo ng kanilang awitin kaya nagkulang sila sa synchronization.
Nagpasiklab naman ang two-time defending champion National University (NU) Pep Squad sa torneo. Nagpaunlak sila ng isang 90’s-inspired na sayawan kaagapay ang 3-stunt groups na umukit ng tig-isang double-full twist layout.
Kilala sa mga buwis-buhay na routine, hindi binigo ng NU ang ekspektasyon ng madla nang nagpasikat ng isang malinis na opener routine buhat ng isang 5-man pyramid at one-legged dismounts. Isinalang din ng defending champion ang kanilang malinis na dance routine at polidong floor stunts upang makakonekta ng makapanindig-balahibong eksena.
Hindi naman nagpahuli ang matatapang na University of the Philippines (UP) Pep Squad nang mapagtagumpayang ipakita ang kanilang husay at galing sa paghataw. Ayon sa kanilang head coach na si Niño Jose Antonio, naging inspirasyon ng kanilang koponan ang pagsibol ng Korean popular music, dahilan upang ibida ang patok na kantang Gangnam Style ni Psy.
Dumagundong naman ang MOA Arena sa pag-indak ng Far Eastern University (FEU) Cheering Squad sa mga tugtuging pinasikat ng bandang Queen. Hindi matatawarang angas ang ipinamalas ng Morayta-based squad nang maisakatuparan ang pagtatanghal ng kanilang solido at malinis na mga stunt at toss. Buhat nito, hindi napigilan ang rumaragasang emosyon ng mga manonood sa pagtatapos ng kanilang routine dulot ng maliwanag na pag-asang mapasama ang kanilang koponan sa podium.
Matingkad na kasuotan naman ang ibinandera ng Adamson University (AdU) Pep Squad sa tema nilang cowboy. Niyanig ng mga San Marcelino-based squad ang mundo ng cheerdancing matapos magpasikat gamit ang kanilang malinis at maaliwalas na floor stunts. Nagsilbi namang panapos ang kanilang nakamamanghang pyramid upang paigtingin ang kanilang nagbabagang presentasyon.
Bumida naman ang nakaaaliw na pag-indak ng University of the East (UE) sa kanilang Britney Spears-inspired na pagtatanghal. Punong-puno ng enerhiya ang bawat galaw ng Red and White squad simula umpisa hanggang dulo katambal ng mga walang kupas na tugtugin ng Princess of Pop.
Pinanindigan naman ng University of Santo Tomas (UST) ang kanilang temang #KayaLatinTo matapos magpakitang-gilas gamit ang kanilang malalambot na katawan nang umindak sa mga tugtugin hango sa latin. Nagkaroon man ng ilang error sa mga stunt at toss, hindi nagpadaig ang mga alas ng España at patuloy na nangibabaw ang kanilang liksi at galing hanggang sa matapos ang kanilang routine.
Bigo mang umalpas tungo sa podium, nagpakitang-gilas pa rin ang DLSU Animo Squad nang makaakyat sa ikapitong puwesto matapos lumapag sa huling puwesto noong Season 82.
Mga pagkilala:
FEU Cheering Squad – Champion
AdU Pep Squad – First runners-up
NU Pep Squad – Second runners-up
Iba pang mga pagkilala:
Silka Best Awra Dance – NU Pep Squad
Skechers Best Performance – FEU Cheering Squad
Ranking ng iba pang mga koponan:
UST Salinggawi Dance Troupe – Ikaapat na puwesto
UE Pep Squad – Ikalimang puwesto
UP Pep Squad – Ikaanim na puwesto
DLSU Animo Squad – Ikapitong puwesto
Ateneo Blue Babble Battalion – Ikawalong puwesto