TINANGGALAN ng sungay ng De La Salle University (DLSU) Lady Spikers ang Far Eastern University (FEU) Lady Tamaraws, 25-7, 25-12, 22-25, 25-11, para sa huling laro sa unang round ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 84 Women’s Volleyball Tournament, Mayo 19, sa Mall of Asia Arena, Pasay City.
Bumandera para sa Lady Spikers ang 5’11 rookie star Alleiah Malaluan na nakapagtala ng 16 na puntos mula sa 15 attack at isang service ace. Humalili naman para sa koponan ang matayog at makisig na middle blocker na si Thea Gagate tangan ang 14 na puntos mula sa 12 attack at dalawang block.
Sumentro ang kumpas ni Mars Alba sa kaniyang mga quick-hitter na sina Gagate at Fifi Sharma sa unang set upang agarang mapudpod ang depensa ng FEU. Tangan ang mas organisadong koneksyon, puwersahang ibinida ng Lady Spikers ang angking mga tore nito sa opensa sa pangunguna ni Malaluan na pumukol ng 6-0 run sa tulong ni Gagate sa unahan, 7-2.
Sinubukang paganahin ni Chen Tagaod at Shiela Kiseo ang paglayag ng FEU matapos maglista ng tig-isang down-the-line hit. Sa kabila nito, iwinasiwas nina Jolina Dela Cruz, Malaluan, at Sharma ang depensa ng Lady Tamaraws matapos sumipat ng 10-0 run, 23-5. Kumonekta rin si Gagate mula sa kaniyang trademark na soft quick hit upang saraduhin ang unang serye ng sagupaan, 25-7.
Nagpatuloy pang magpakita ng bagsik ang Lady Spikers nang lamangan ang Lady Tamaraws sa ikalawang set, 2-0. Bagamat nakabawi ang Lady Tamaraws mula sa spike ni Julianne Monares, hindi ito nagtagal nang ungusan sila ng Lady Spikers, 5-1. Sa pangunguna nina Leila Cruz, Alba, at Sharma, lumawig pa ang kalamangan ng DLSU, 10-3.
Sinubukang humabol ng Lady Tamaraws, 12-6. Matapos mag-error ni Tagaod, nagsimulang umarangkada sina Dela Cruz, Malaluan, at Gagate, 16-6. Naglabas naman ng sungay ang Lady Tamaraws at sinubukang pababain ang lamang ng Lady Spikers, 18-9. Gayunpaman, hindi ito nagtagumpay ng lamangan ng Lady Spikers, 25-12, sa pagtatapos ng ikalawang set.
Bumuwelo pabalik ang gigil ng koponang FEU papasok ng ikatlong set sa pangunguna nina Martha Mora at Tagaod na may pinagsamang apat na puntos, 1-4. Umagapay rin para sa Lady Tamaraws ang power hitter nito na si Lycha Ebon matapos makapitas ng dalawang cross-court attack, 5-8.
Lumantad ang mas pinaliksi at pinabilis na kumpas ni FEU setter Christine Ubaldo sa kahabaan ng third set kasabay ang pagdausdos ng momentum ng DLSU mula sa siyam na attack error nito. Naging hudyat para kay coach Ramil De Jesus ang masalimuot na laro ng DLSU kaya muli niyang binalasa ang mga starter nito na sina Sharma at Malaluan upang pumuntos, 19-18.
Hindi umayon para sa Lady Spikers ang mga sumunod na pagtatangkang opensa nito matapos magpatuloy ang miscommunication at net touch ng koponan. Tangan ang pang-arangkada sa talaan, naging daan para sa FEU ang pagpabor ng mga libreng puntos ng DLSU upang tapusin ang ikatlong set, 22-25.
Matapos ang pagkapanalo ng Lady Tamaraws sa ikatlong yugto, tila namigay sila ng puntos sa Lady Spikers nang malamangan sila ng mga ito, 6-1. Bagamat nakapagtamo ng dalawang puntos ang FEU, tila nahirapang makabawi ang Lady Tamaraws sa pitong puntos na lamang ng Lady Spikers, 13-6.
Nakapagtamo muli ng mga puntos ang Lady Tamaraws sa mga error nina Espina at Cruz, 17-10. Gayunpaman, lumawak muli ang lamang ng Lady Spikers, 21-10.
Matapos nito, sinubukang makapuntos ng Lady Tamaraws sa pamamagitan ni Ebon ngunit nabigo ang Lady Tamaraws na makabuo ng momentum, 21-11. Nagtapos ang ikaapat na set sa pagkapanalo ng Lady Spikers kontra Lady Tamaraws, 25-11.
Panoorin ang magiging kapalaran ng Lady Spikers sa ikalawang round ng UAAP Season 84 Women’s Volleyball Tournament kontra National University Lady Bulldogs sa darating na Huwebes, Mayo 26, sa Mall of Asia Arena.